Habang papalayo sa pampang ay pinagmamasdan ni Alex ang mga bangkang nakaparada sa dalampasigan. Dati rati, marami silang pamamalakaya na pumapalaot sa dagat ng Salinas. Ngayon, sila na lamang ng kaniyang Tiyo Kino ang nagbabakasakaling sumuong sa dagat upang may mahuling isda.
“Baka hindi pa lumalabas dahil sa Bakunawa,” hinuha ng kaniyang Tiyo habang pinagmamasdan ang tila kalmadong dagat. Malinaw pa sa kaniyang memorya kung paano inilarawan ng ilang pamalakaya ang Bakunawa. Naninirahan sa ilalim ng dagat, ang dambuhalang halimaw na ito ay parang kombinasayon ng dragon at ahas. May kaliskis hanggang sa buntot, malaking bungangang ipinanghihigop sa buwan na paborito nitong kainin.
Hindi alam ni Alex kung saan siya dapat matakot, ang makita ang halimaw na ito o ang walang maiuwing huli para sa kaniyang pamilya. Basta’t makapag-uwi lang siya ng isdang maaaring ibenta, o kung hindi sasapat, kahit pang-ulam lang ng kaniyang ina at kapatid. Tumingala na lamang siya’t pinagmasdan ang bilog na buwan.
Naghalo ang liwanag nito sa ilaw sa di kalayuan. Inaninag niya ito at nakita ang isang malaking barko. Ang kaninang banayad na alon ay nagbago—lumakas ito at tinangay ang kanilang bangka sa ibang direksyon. Kinokontra ng malalaking alon ang layag ng kanilang maliit na bangka.
Kapwa ngayon lamang sila nakakita ng ganoong kalaking barko sa gitna ng dagat. Sa takot ay ipinihit ng kaniyang Tiyo ang bangka pabalik sa dalampasigan. Habang napako naman ang mga mata ni Alex sa barko. Di siya maaaring magkamali, ito na nga ang bakunawa; gahiganteng bunganga na gawa sa metal, mga dambuhalang tubo na may hinihigop mula sa ilalim ng karagatan.
Sumulyap siya sa kaniyang tiyuhin, bakas sa mukha nito ang pangamba. Batid niyang memoryado na ni Tiyo Kino ang karagatan anumang alon at hamon ang harapin sa paglaot. Ngunit ibang halimaw na ang kaharap nila. Alam niyang ang pangambang mawalan ng hanapbuhay ang pinagmumulan ng takot ng kanyang Tiyo—ibang halimaw na lalo silang lulunurin sa hirap.
Habang papalayo sa barko ay muling pinagmasdan ni Alex ang mga bangkang nakaparada sa pampang. Bukas, ipamamalita niya sa kaniyang kasamahang mangingisda ang tunay na halimaw na sumisira sa kanilang hanap-buhay. ●
*pasintabi kay Sonia Regalario
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Oktubre 2023.