“Alalahanin mo ang bilin ko ha.” Bakas pa rin ang pangamba sa tono ni Aling Nimfa habang inaayos ang mga gamit na dadalhin ng kanyang anak na si Dian. Inabot nito sa anak ang tinaling inahing manok na singputi ng bulak ang balahibo.
Ayaw niya sanang sundin ang ina, ngunit tradisyon na nitong mag-alay ng inahin kay Maria Makiling tuwing matatapos ang pananalanta ng isang bagyo sa kanilang bayan. Tanging si Aling Nimfa ang pumupunta sa gubat dati, ngunit si Dian na ang kahalili ngayon dahil hindi na nito kaya ang mahabang lakaran. Lumabas na siya nang hindi nagpapaalam sa ina. May parte sa kanyang kalooban na ayaw maniwala sa tradisyon, ngunit may bahagi rin na gustong manampalatayang kayang isalba ng diwata ang kanilang bayan.
Bata pa lamang siya ay buhay na ang kwento tungkol sa diwatang si Maria Makiling. Isang dalagang hindi tumatanda, mahaba ang buhok at maganda ang balat. Siya raw ang tagapagtanggol ng kagubatan at ng kanilang bayan. May iba namang naniniwala na ang mga taong naninirahan sa kanayunan ang may dulot nito.
Habang naglalakad, hinihiling na lang ni Dian na totoo ang diwata. Ikalawang bagyo na ang dumating sa kanilang bayan ngayong buwan. Nasalanta na ang kanilang mga sakahan at pananim, maski ang pag- aaral nila bilang mga estudyante ay natigil. Itinuturong salarin ng ina ni Dian ang malalaking dayuhang korporasyon na ilegal na nagtotroso sa kanilang kagubatan.
Magmula nang dumating ang mga nagtotroso, matinding baha na ang idinudulot ng bawat ulan. Kung hindi nakayuko, tuluyang nakatumba na ang mga puno. Hindi na rin ligtas ang kabahayan na inaanod ng ragasa ng tubig at malakas na hangin.
Napalingon siya sa isang bahagi ng kanilang bundok. Mistulang kinalbo at halos ubos na ang mga puno at halaman sa parteng iyon. Napansin din niyang mas madilim ang kulay ng lupa roon, halos putik na at unti-unting gumuguho. Sa estado ng kanilang bayan ngayon, matindi na siguro ang galit ng diwata sa mga taong nanghahamak sa tirahan nito.
Nagsisimula nang umulan nang lingunin ni Dian ang mga kabahayan sa paanan ng bundok. Isang bagyo na lamang ay tuluyan nang lalambot ang lupa. Raragasa ito pababa at tatabunan ang mga tahanan sa ilalim nito, kabilang ang kanilang bahay. Nagpupuyos sa galit, nagmadaling umuwi si Dian sa kanilang bahay. Hindi na siya mag-iintay ng milagro, alam naman niyang hindi ang mga diwata ang magtatanggol sa kanilang bayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Oktubre 2023.