Tigib ng panganib at kawalang katiyakan ang bawat pagpapalaot ng mga mangingisda sa bayan ng Salinas, Rosario, Cavite, kwento ni Jose Arcana, o mas kilala sa kanila bilang Tay Nonoy. Simula nang dumating ang mga naglalakihang barko sa Manila Bay, sinundan ito ng maraming pagbabago sa pook.
Kasama ang kapatid niyang si Tay Marcing, pumalaot kami sa katubigan bago lumubog ang araw, umaasang marami ang maiuuwing huli. Pitong minuto sa paglalayag, natanaw namin ang itinuturo nilang salarin sa pagkasira ng kanilang ikinabubuhay. “Nakikita mo yang malaking barko na yan? Barko yan ng nag-de-dredge ng buhangin. Iyan ang nagpapahirap ng buhay namin dito,” ani Tay Nonoy.
Pagpapalaot
Taliwas sa ipinapangakong rehabilitasyon, tanging pagkasira ng yamang dagat ang idinudulot ng mga proyekto ng dredging at reklamasyon sa mga karagatan ng Cavite at ilang parte ng Maynila. Ang dredging o paghuhukay ng buhangin sa ilalim ng dagat ay kabilang sa proseso ng reklamasyon sa Manila Bay at pagpapatayo ng bagong paliparan sa Bulacan na pinasinayaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nasa 67 porsyento ng Manila Bay ang nakalaan para sa pangingisda, ayon sa Oceana, organisasyong nagtutulak sa proteksyon ng mga karagatan mula sa mga mapaminsalang proyekto. Malaking bahagi sa porsyentong ito ang sinasagasaan ng pag-iral ng reklamasyon at dredging.
Patunay rito ang tuluyang paglabo ng tubig at paglakas ng mga alon dulot ng dredging. Kung dati’y sagana sa yamang-dagat ang Salinas, kumonti na ang mga isda at lamang dagat buhat ng paglalim ng lupa ng dagat at pagkasira ng mga korales, ayon kay Tay Nonoy.
Matapos ang dalawang oras na pagsisid, wala pa sa isang balde ang huli ni Tay Nonoy, malayo sa tatlo hanggang limang balde ng mga isda, alimasag, tahong, at batotoy na nakukuha nila noon.
“Kanina ko pa gustong umahon dahil sobrang labo ng tubig sa ilalim. Pero hindi ko naman magawa dahil malulugi lang kami kapag maaga akong umahon,” kwento ni Tay Nonoy.
Wala pa sa isang kilometro ang layo namin sa barkong nagde-dredging. Kung tutuusin, mapanganib sumisid sa ganitong distansya dahil maaaring mahigop ng mga naglalakihang tubo ang mga mangingisda sa oras na lumapit sila sa barkong naghuhukay ng lupa.
Dala ang mga nahuling isda, dumiretso kami sa fishport kung saan naghihintay si Rosamia Catenza, kinakasama ni Tay Nonoy at organisador sa komunidad ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas. Sa tahanan, si Nay Mia ang nakatoka sa mga gastusin ng kanilang pamilya at pagkuha ng kita sa mga nabentang isda.
Noong gabing iyon, halos P800 lang ang kinita nila. Sa mga pagkakataong nalulugi sila, napipilitan na lamang silang mangutang. Kung minsan, nangangalakal si Nay Mia at nagtatrabaho sa konstruksyon si Tay Nonoy.
Pagsisid
Bagaman matagal nang ipinapanawagan ng sektor ng mga mangingisda ang pagtutol nila sa reklamasyon, bigong tugunan ng administrasyon ang hinaing ng mga mamamalakayang nalulunod na sa hirap at utang buhat ng paghina ng kanilang pinagkakakitaan.
Malimit makipagdiyalogo si Nay Mia sa mga ahensya ng gobyerno upang ipaabot ang kahingian at panawagan nila sa mga kinauukulan. Siya rin ang nangunguna sa pag-oorganisa sa mga mangingisda sa Salinas, at nag-aanyaya sa mga residente na dumalo sa mga pulong at mobilisasyon kontra reklamasyon at dredging.
Kamakailan dumalo si Nay Mia sa isang mobilisasyon sa harap ng San Miguel Corporation (SMC), isa sa mga pangunahing korporasyon na nagpopondo ng reklamasyon at dredging sa Manila Bay. Nagresulta ang pagkilos ng mga mangingisda sa pagbabayad ng SMC ng kompensasyon sa mga apektadong mamamalakaya ngayong taon–P5,000 kada buwan ang natatanggap ng mga may-ari ng bangka, habang P2,500 namang ang natatanggap ng mga tauhan ng bangka.
Ngunit hindi sapat ang mabigyan lang ng ayuda, ayon kay Nay Mia. Bukod sa hindi napapantayan ng ayuda ang P10,000 kita nila noon kada araw, hindi ito solusyon sa mas pangmatagalang pagkawala ng hanapbuhay ng komunidad.
Gayundin, bigong tugunan ng mga ahensya ng gobyerno ang kahingian ng mga mangingisda. “Sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), bibigyan daw kami ng panghanapbuhay—bangka, lambat. Pero wala pa naman. Last naming [pagproseso] diyan March pa,” ani Nay Mia.
Ang kita mula sa pangingisda ang inaaasahan ng pamilya nina Tay Nonoy at Nay Mia para makakain sa pang-araw-araw at makapag-aral ang kanilang mga anak. Kung kaya nagpapatuloy ang magkatuwang nilang pag-oorganisa sa kanilang lugar upang matamasa ang inaasam na buhay para sa pamilya.
Pag-ahon
Bagaman sinuspende ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 22 proyekto ng reklamasyon sa Manila Bay nitong Agosto, walang pangil ang deklarasyon ng estado. Bigo ang administrasyong maglabas ng Executive Order o anumang pormal na kasulatan na magpapanukala sa pagpapatigil ng mga operasyon ng reklamasyon at dredging.
Ayon kay Rep. Joey Salceda, esensyal ang pagpapatuloy ng mga reklamasyon upang palaguin ang kita ng ekonomiya sa tulong ng mga itatayong imprastraktura. Tinitingnang P432 bilyon ang mawawala sa bansa kung mananataling suspendido ang reklamasyon nang limang taon.
Ngunit hindi maituturing na pag-unlad ang reklamasyon sa Manila Bay kung ikalulugmok naman ito ng libo-libong mangingisdang dito naghahanapbuhay. Kung kaya esensyal ang kagyat na pagpapatigil sa mga mapanghamak na reklamasyon at dredging upang suportahan ang mga mamamalakaya sa gitna ng paglubha ng kawalang seguridad sa pagkain sa bansa.
Para sa mga mangingisda tulad ng pamilya nina Tay Nonoy at Nay Mia, ang paggiya ng estado sa interes ng mga mamamalakaya ang magpapabanayad ng kanilang paglayag sa katubigan at paglaot nang walang pangambang mawala ang kanilang hanapbuhay. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Oktubre 2023.