Iba sa pangkaraniwang sinehan ang Sineng Bayan. Ganito ang kadalasang eksena: magtitipon ang mga residente sa tanging lugar na may kuryente sa komunidad, nakahilera ang pinagsama-samang silya ng magkakapit-bahay, at ang puting kurtina na mula pa sa lumang aparador ang nagsisilbing iskrin. Higit sa pisikal na espasyo, mga kwento at araw-araw na eksena sa buhay ng komunidad ang bida sa bawat pelikula.
Kumpara sa nananaig na moda ng paglikha, lampas sa mga gawad parangal at komersyal na interes ang layon ng Sineng Bayan. Kapwa tunguhin ng mga Sineng Bayan na ilapit sa komunidad ang mga pelikula at gamitin ito upang isiwalat ang ugat ng mga panlipunang inhustisya.
Ganito kami noon
Upang pagtakpan ang matinding hirap na dinaranas ng mga Pilpino, pinasinayaan ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang paglikha ng mga pelikula na lumilibang at lumilinlang sa mamamayan mula sa reyalidad ng bansa. Ipinalaganap noong Batas Militar ang bomba films, genre ng pelikula na umusbong noong 1960s na nagpapakita ng sekswal na tema. Sa pamamagitan naman ng 1975 Metropolitan Film Festival (MFF), itinakda ng pamahalaan ang mga pamantayan sa pagpili ng mga pelikula na binibigyan ng mga parangal.
Sa tumitinding represyon sa midya noong kasagsagan ng Batas Militar, iniluwal ang sineng bayan. Dito, nakita ng mga mamemelikula ang pangangailangang lumikha ng midya na tumutunggali sa mga naratibong ito. Sa tulong ng mga indibidwal na artista at mamemelikula, binuo ang mga sineng bayan na may tunguhing lampas sa paglikha ng mga pelikulang nakakupot lamang sa estetika.
Unang sumibol ang sineng bayan sa pangunguna ng AsiaVisions Media Foundation (AsiaVisions), ayon sa pag-aaral ni Propesor Rosemarie Roque, isang associate professor sa Polytechnic University of the Philippines at propesor sa Kagawaran ng Filipinolohiya. Sa kabila ng kakulangan sa pondo, nagsumikap ang organisasyon na lumikha ng mga dokumentaryong nagbigay kritisismo sa diktadurya ni Marcos Sr. Sa kanilang dokumentaryong “Arrogance of Power” taong 1983, isiniwalat ang paglabag sa karapatang pantao partikular sa mga bilanggong politikal.
Gampanin ng mga mamemelikula na makilahok sa pakikibaka ng masa, ayon kay Lino Brocka, isa sa naging miyembro ng Board of Directors ng AsiaVisions at Pambansang Alagad ng Sining. Aniya, “The filmmaker…has now realized that the artist is also a public person. He does not work in isolation from society. Instead of working alone in his ivory tower he is a citizen of the slums, of the streets, of the battlefield if need be.”
Sa paglikha ng pelikula ng mga sineng bayan, kinikilala ang halaga ng sining bilang koneksyon sa bawat indibidwal at mga hangarin nito sa pagpapaunlad ng lipunan. Maisasakatuparan lamang ng kolektibo ang hangarin na maging armas ang sining sa paghimok sa masa, kung lapat sa mga konkretong danas ang ipinapakita sa kanilang mga obra.
Sumunod sa landasing ito ang Alternative Horizons, isang kooperatibang may kaparehong linyang politikal sa AsiaVisions. Isa sa tanyag na dokumentaryong kanilang naisapalabas ang “Edjop,” na nakasentro sa buhay ni Edgar Jopson, isang lider-estudyante na pinaslang noong 1982. Kasabay ng matinding represyon ng estado sa mga aktibista noong 1986, nilabas ang dokyu upang isiwalat at hikayatin ang mga Pilipino sa pagbalikwas sa rehimen.
Bagaman hindi nasustena ang pondo para mapatakbo ang sineng bayan, dahilan para magkasunod na malusaw ito, nagsilbing gabay ang legasiya ng mga ito sa mga bagong henerasyon ng mamemelikula. Sabay na haharapin ng mga bagong usbong na kolektib ang nananatiling represyon ng estado at pagsubok na bagtasin ang landas patungo sa pag-iral ng digital filmmaking.
Ganito pa rin ngayon
Sa moda ng produksyon ng mga sineng bayan, hindi lang basta karakter o manunuod ang masa. Aktibo silang kalahok sa paglikha ng pelikula mula sa palitan ng mga ideya at konsepto, pre-production, hanggang sa maipanuod sa kanila ang first cut o unang kopya ng pelikula. Tatalakayin at magbabahagi ng komento ang komunidad para sa ikauunlad nito hanggang sa maisapinal. Matapos nito, dadalhin ng kolektib sa komunidad ang natapos na pelikula at sabay-sabay na panunuorin.
Sa kaparehong moda ng produksyon pinagana ng Tudla Productions at Mayday Multimedia ang pagbuo ng pelikula. Tulad ng mga proyektong Pandayang Lino Brocka Film Festival at New Media Festival, layon nitong linangin ang kritikal na kamalayan ng komunidad sa libreng pagpapanuod ng mga pelikula.
Pinaiigting ng sineng bayan ang kakayahan ng masa na kumatha ng pelikula sa kabila ng nananaig na sistema ng produksyon sa mainstream. Maliban sa demokratiko at kolektibong moda ng paggawa, naipapatampok rin nito ang abilidad ng masa na lumikha ng mga sariling film screening at film festival na tali sa kanilang hangarin at panawagan.
Pagdating sa dulo
Maging sa kasalukuyan, mahalagang itaguyod ang prinsipyo ng paglikha na nakadikit sa tunguhing maging mahusay sa pagsipat at pagsuri sa sitwasyon ng bansa. Hindi maiwawaksi na sa isang lipunang pyudal, sistemang naghahati-hati sa uri sa lipunan, pagmamay-ari ng ilang kapangyarihan ang produksyon ng sining. Ngunit, isang halimbawa ang mga sineng bayan sa tumutunggali sa kaisipang ito at nag-uudyok na lumikha ng sining na pumupumiglas sa dominante at dayuhang panlasa at pamantayan.
Bagaman nananatili pa ring nasa antas ng small-scale production ang sineng bayan, nagkakaisa ang lahat sa bisyon ng pelikulang nililikha. Kabaligtaran ng ganitong moda ng produksyon ang umiiral na auteurism sa filmmaking, isang praktika ng pagkilalang pinakamataas o natatangi ang malikhaing desisyon ng direktor, ayon kina David Bordwell at Kristin Thompson na parehong film theorist mula sa Amerika.
Binubuhay ng sineng bayan ang diwa ng kolektibong paglikha sa pamamagitan ng pagtanaw sa demokratikong authorship ng pelikula, ayon kay Rolando Tolentino, isang kritiko at film scholar sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Higit ito sa pagkilala ng desisyon at kaalaman na nagmumula lamang sa isang indibidwal. Sa pamamagitan ng ganitong praktis, hindi lang napatitingkad ang ugnayan ng artista at masa kundi maging ang tunguhing isiwalat ang reyalidad na kinakaharap ng bansa.
Layon ng pakikipag-ugnay sa masa ang pagpapabuti ng anumang paglikha ng sining—sa antas ng porma at matalas na pagkukwento. Bilang midyum na may kakayahang himukin ang kaisipan ng sambayanan, ipinamamalas ng pelikula ang kapangyarihan ng kolektibong lakas at pag-aklas na hindi lamang sa iskrin nangyayari kundi maging sa tunay na buhay. ●