Kahingian na ng panahon ang pagpapalawak ng ating depensa para sa pagsulong ng malayang pamamahayag.
Sa gitna ng umiigting na agresyon ng Israel sa mga Palestino, nilulunod ng ingay ng mga bomba’t propaganda ang tunay na boses ng mamamayan. Gamit ang mga taktika ng pagpapatahimik sa mga Palestinong mamamahayag, pinapahirapan tayong mga nasa ibang panig ng mundo na malaman ang tunay na nangyayari sa Gaza.
Malaon nang pinupuntirya ng estado ang propesyong nakasandig sa pagsisiwalat ng katotohanan. Araw-araw, higit isang mamamahayag ang nasasawi mula nang nagdeklara ng digmaan ang Israel laban sa opensiba ng Hamas noong Oktubre 7, ayon sa Committee to Protect Journalists. Hindi bababa sa 40 mamamahayag ang napaslang bunsod ng sunod-sunod na pambobomba at on-ground na pang-aatake ng Israel. Kung hindi man nasawi mula rito, pinapatahimik ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng intimidasyon, panggigipit ng mga linyang pangkomunikasyon, at pagpaslang sa kanilang mga kaanak.
Malinaw ang taktika ng Israel: patahimikin ang sino mang mangangahas na ilantad ang kanilang krimen ng patuloy na paglipol sa lahi ng mga Palestino.
Hindi rin nagpalipas pa ng oras ang kasabwat nitong Estados Unidos (US) upang tulungan ang bansa sa paggupo ng Palestine–sapagkat ang digmaang ito ay susi para sa pagpapalawak ng kita at politikal na impluwensya ng US sa rehiyon.
Liban sa suporta ng US sa mga armas at teknolohiya ng Israel, minamaniobra rin ng mga imperyong ito ang naratibo sa pagitan ng kontrol nito sa midya. Ipinagkakalat nila na ang mga atake ay simpleng pagdepensa o kontra-atake lamang sa opensiba ng Hamas–pinagtatakpan ang 75 taon ng karahasan at okupasyon ng Israel sa Palestine at pagsasagasa sa pandaigdigang batas.
Tumatagos itong taktika ng karahasan ng US at Israel dito sa Pilipinas. Malaking bahagi ng ating mga armas at intelligence service ay pinopondohan ng US at Israel–na siyang nakakapagpalakas sa pandarahas ng estado sa Pilipinas sa mga itinuturing nitong kalaban, kabilang ang mga mamamahayag.
Sa pag-uugnay ng Israel sa mga mamamahayag sa Hamas, hindi ito nalalayo sa panre-red-tag ng administrasyon ng Pilipinas sa mga peryodista. Dagdag pa sa taktika ng panghahamak ng Pilipinas ang pagpapasara sa mga istasyon at website, paglaganap ng disimpormasyon, at paglilikha ng mga mapaniil na batas tulad ng Anti-Terrorism Act at Sim Card Registration Act.
Kinakasangkapan din ng estado ang pamamandila ng ilusyong malayang midya sa kabila ng lumalalang kaso ng mga pag-atake sa hanay nito. Nananatiling tugon ng administrasyon ang pagbibitaw ng mga hungkag na pangako ng pagpapanagot na walang kinahahantungan.
Ang ganitong taktika ng gobyerno ang nagpapalakas ng kultura ng karahasan at kawalang pananagutan sa bansa na siyang kumitil sa isa na namang kasama sa midya: si Juan Jumalon, radio broadcaster sa Misamis Occidental, binaril habang siya’y nasa gitna ng kanyang programa noong ika-5 ng Nobyembre.
Ang mapagsamantalang imperyo na nakikinabang sa pagsasagawa ng digmaan ang nagpapanatili sa karahasan sa mga mamamahayag na nasasaksihan natin ngayon. Kung gayon, umuusbong ang pangangailangan ng pursigidong pagkakaisa ng mga peryodista, kasama ang mga mamamayang inaapi, ng buong mundo. Hanggang nagsusumikap ang bawat isa sa atin na isulong ang pangangalaga para sa malayang pamamahayag, makapaglilikha tayo ng malakas na pwersang tutunggali at pipigil nitong mga karahasan.
Walang lugar para sa atin, bilang mga mamamahayag, ang pagpapagitna sa ganitong mga usapin. Nakakapanghamak sa ating pakikipaglaban para sa malayang pamamahayag ang pagpapalabnaw sa karahasan sa midya sa bansa at ang pagiging neutral hinggil sa mga atake ng Israel sa Palestine. Hinihingi nang higit ngayon ang aktibong pagpanig nating mga mamamahayag sa mamamayang pinagsasamantalahan nitong mga makapangyarihang bansa.
Sapagkat kapwa tayong ginapos sa mapaniil na sistema, ang laban para sa malayang pamamahayag ay nakatali sa laban para sa ganap na pagpapalaya ng mga inaapi. ●