Sinimulan na ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang malawakang tigil-pasada hanggang Miyerkules upang patuloy na ikampanya ang pagbabasura ng public utility vehicle (PUV) consolidation na bahagi ng modernization program.
Huling nagkaroon ng malakihang tigil-pasada noong Marso bilang pagtutol sa PUV modernization program (PUVMP) na pinangunahan ng iba-ibang grupo kabilang ang Manibela, PISTON, at Laban TNVS. Matagal na ring tinututulan ng mga grupo ang PUVMP mula pa noong ipinakilala ito ng Department of Transportation noong 2017. Sa Disyembre 31 ang deadline ng pinapangambahang PUV consolidation.
Nakatuon ang tigil-pasada ngayon sa PUV route consolidation, isang programa na pipilitin ang mga jeepney operator na sumali sa isang korporasyon o gumawa ng kooperatiba upang hindi mawalan ng prangkisa.
Bahagi ang route consolidation ng PUVMP na naglalayong i-phaseout ang lahat ng traditional jeepneys para sa mas modernong unit na di umano’y mas komportable at environmentally friendly.
Tinatayang nasa 80 porsyento ng mga jeepney operator ay isa lang ang jeepney at nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa nalalapit na consolidation, ayon sa PISTON.
“Sinabi mismo ni BBM iyan na hindi siya papayag na mawala ang mga traditional jeepney dahil ito ay inalagaan ng kanyang ama, at pinanghahawakan yan ng mga drayber at mga operator. Bakit tuloy-tuloy nilang itinutulak ang modernization?” ani Modeflor Floranda, pambansang pangulo ng PISTON.
Ngayon, tila buo na ang pasya ni Marcos sa deadline ng PUV consolidation. Mariin pa rin niya itong isinusulong sa kabila ng pagtutol ng mga senador at grupo sa pagpapatuloy nito dahil sa kakulangan ng kongkretong plano lalo na sa mga maaapektuhang maliliit na drayber at operator.
“Kung ang layunin lamang ng gobyerno ay para ayusin yung ating pag-transport, bakit hindi ang unahin ng gobyerno ay ang pagbuo ng sarili nating industriya? At tayo mismo yung lumikha ng ating public transport. Nasa atin naman ang mga hilaw na materyal, wala lang kasi tayong pinaglulutuan ng ating likas na yaman,” ani Floranda.
Nilinaw naman ng PISTON na hindi sila tutol sa modernisasyon ng mga PUV, bagkus ang hinihiling nila ay isang “just transition” na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga drayber at operator. Kasama na rin sa mga hiling na ito ang isang transisyon na nakaangkla sa lokal at pambansang industriyalisasyon na hindi nakaasa sa pag-aangkat ng mga dayuhang piyesa at sasakyan.
Dahil sa inaasahang epekto ng tigil-pasada, inutos ni Chancellor Edgardo Carlo Vistan na maging remote muna ang mga klase sa UP Diliman hanggang Miyerkules.
Inanyayahan naman ng mga organisasyon sa UP tulad ng Arangkada UP ang komunidad na tumulong sa jeepney drivers na kalahok sa tigil-pasada.
“Isang hakbang [itong strike] para at least makita ng gobyerno itong ating kahilingan. Kasi sabi nga natin, hindi umubra sa dialogue, hindi umubra sa mga dokumento, baka dito kapag nagpakita tayo ng determinasyon at malawak na pagkilos ay baka harapin tayo ng pamahalaan para alamin ang pundamental na kalagayan ng sektor ng transportasyon,” ani Floranda. ●