Tumitindi na ang kahingian upang makahanap ng alternatibo sa non-renewable energy sa gitna ng nagbabadyang krisis sa sektor ng enerhiya. Said na ang Malampaya gas fields, ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng enerhiya sa 30 porsyento ng Luzon. Gayundin, ordinaryong mamamayan ang sumasalo sa gastusin sa sumisirit na presyo ng langis. Mula Oktubre, nagpataw ang Manila Electric Company (Meralco) ng P131 na dagdag singil para sa bill ng kuryente ng isang tipikal na pamamahay.
Bilang tugon sa krisis sa enerhiya, itinuturo ng kasalukuyang administrasyon ang paggamit ng nuclear energy. Nitong ika-17 ng Nobyembre, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Agreement for Cooperation Concerning Peaceful Uses of Nuclear Energy o 123 Agreement matapos ang isang taong pakikipag-ugnayan sa Estados Unidos (US). Sa bisa ng 123 Agreement, makakapag-angkat ang Pilipinas ng teknolohiya mula sa US para sa paggamit ng nuclear energy.
Ngunit lantad ang padaskul-daskol na pagkilos ni Marcos Jr. gayong walang kasiguraduhang magiging epektibo at ligtas ang paggamit ng nuclear energy. Pinirmahan ang 123 Agreement bagaman hindi pa naisasabatas ang panukala ukol sa regulasyon at ligtas na paggamit ng nuclear energy. Gayundin, may kakulangan pa rin sa mga pag-aaral na magpapatunay na ito ang pinaka-akmang gamitin ng bansa, ayon sa Advocate of Science and Technology for the People.
Sa kabila ng kawalan sa kahandaan ng Pilipinas, masugid na inilalako ng US ang kanilang teknolohiya sa layuning lumawak ang kontrol nila sa merkado ng nuclear energy sa gitna ng umiigting na kompetisyon sa ibang imperyong bansa. Nangunguna ngayon ang Tsina sa may pinakamaraming itinatayong nuclear reactors sa mundo bilang tugon sa lumalaking pangangailangan sa enerhiya, ayon sa International Atomic Energy Agency.
Dahil walang direktang akses ang Pilipinas sa kagamitan at teknolohiya para sa nuclear energy, natatali ang bansa sa 123 Agreement na mag-angkat mula sa US para sa operasyon nito. Ang gayong pagdepende sa mga dayuhan at pribatisasyon ang sumasagka sa paghahanap ng mas abot-kayang pagkukunan ng enerhiya sa bansa, patunay na hindi ito ang sagot sa krisis na kinakaharap ng sektor ng enerhiya.
Higit, lulubha lamang ang problema kung nasasadlak ang paggamit ng anumang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya sa parehong pribatisadong kaayusan na nagluwal ng krisis. Hindi nalalayo ang magiging tahak ng paglipat sa nuclear energy sa kasalukuyang kalagayan ng sektor ng enerhiya. Kalakhan ng operasyon ay pangingibabawan ng mga pribadong korporasyon sa harap ng kulang na regulasyon mula sa gobyerno.
Pinaigting ang pribatisasyon at monopolyo sa industriya ng enerhiya noong isinabatas ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) taong 2001. Sa kasalukuyan, hawak ng Meralco ang 80 porsyento ng merkado ng bansa sa pagkonsumo ng kuryente, ayon sa International Trade Administration. Taliwas sa layuning pababain ang singil sa kuryente, dumoble lamang ito 15 taon mula nang isabatas ang EPIRA dahil sa manipulasyon ng malalaking korporasyon sa presyo, ayon sa IBON Foundation.
Sa maluwag na regulasyon ng pamahalaan, kakasangkapin ng mga korporasyon ang 123 Agreement upang ibayong palaguin ang kanilang kita. Kamakailang pumirma ang Meralco at Ultra Safe Corporation, kumpanya ng nuclear technology sa US, sa isang kasunduan hinggil sa posibleng paggamit ng mga small modular reactor (SMR) sa bansa. Hindi malayong bawiin ng Meralco ang malaking gastusin sa pag-aangkat ng SMR sa singil ng kuryente sa ordinaryong mamamayan.
Sa harap nitong krisis, kahingian sa pamahalaan na pondohan at palawakin ang lokal na industriya ng renewable energy batay sa natatanging katangiang heograpikal ng bawat lugar. Bagaman malaki ang panimulang kapital sa pagtataguyod ng desentralisadong industriya ng renewable energy, epektibo nitong pinapababa ang generation cost ng enerhiya sa pangmatagalan sa maraming isla sa Pilipinas, ayon sa pag-aaral nina Paul Bertheau at Catherina Cader, mga akademiko sa Alemanya.
Gayundin, matatamo lamang ang abot-kayang paggamit at pagkonsumo ng sustenableng enerhiya kung ibabalik ang regulasyon ng sektor ng enerhiya sa gobyerno. Nangangahulugan ito sa tuluyang pagbaklas ni Marcos Jr. sa pangingibabaw ng mga korporasyong pagkamal ng kita ang tanging prayoridad. ●