Bahagi ng buhay ng mga estudyante ng UP Diliman Extension Program in Pampanga (UPDEPP) ang pagtindig—kaunti kasi ang mga upuan kaya di maiwasang tumayo. Kanya-kanyang buhat o KKB kami ng bangko kapag pinagsasama ang sections sa iisang klasrum, habang Trip to Jerusalem naman ang eksena sa library at canteen kung saan hindi sapat ang mga silya.
Ramdam ng mga ngalay naming binti ang katayuan ng UPDEPP. Ipinagkakait sa amin ng administrasyon ng UP at pamahalaan ang angkop na suporta upang itaguyod ang karapatan sa edukasyon, at maging sentro ng kahusayan sa Gitnang Luzon.
Rehiyunal na unit na pumapailalim sa UP Diliman (UPD) ang UPDEPP, yugto bago maging autonomous unit, na kalauna’y idedeklarang constituent university (CU). Sagka ang limitadong espasyo sa tunguhin nitong linangin ang kahusayan ng mga mag-aaral. Wala ritong laboratoryo para sa pananaliksik kaya nakukulong sa online setup ang kalakhan ng mga pag-aaral. Balakid din sa aktibong palitan ng ideya at karanasan ang kawalan ng pagdarausan ng mga onsite na aktibidad.
Bukod sa kahirapang lumugar sa sariling pamantasan, itinutulak kaming lumabas sa paaralan bunsod ng pangangailangang mag-cross register sa UPD. Nasaksihan kong magpabalik-balik sa Diliman at Pampanga ang ilang iskolar at guro noong nakaraang semestre para sa mga kursong hindi makuha sa aming kolehiyo. Madalas, tulala na lang ang nakakasabay kong mga estudyante sa bus—di ko tuloy mawari kung anemic na ba sila sa pagkaputla dala ng pagod.
Napupunta ang aming lakas, oras, at salapi sa pagpalipat-lipat ng pwesto, pagpulong sa mga cafe, at paghahanap ng espasyong maaaring paglunsaran ng mga gawain. Di kataka-takang humihina ang diwa ng ugnayan ng komunidad sa di maiwasang pagluwas ng mga iskolar sa UPDEPP. Dagdag pa rito, limitado lang ang oras na maaaring mamalagi ang mga mag-aaral sa loob ng pamantasan.
Kinakantyawan ang mga iskolar na napapagastos sa mga gusali sa paligid ng kolehiyo, binabansagang estudyante ng McDEPP at University of Puregold. Marami mang tawag sa pamantasan, ang tumatatak na asaran ay ito: UPDEPP ang ginagamit kapag binibidang bahagi kami ng UPD, at UP Clark naman kapag hindi namin dama na kabilang kami sa pag-unlad ng unibersidad.
Unang itinatag ang rehiyunal na unit sa San Fernando, Pampanga noong 1979 na kalaunan ay inilipat sa Clark Freeport Zone. Noong 2007 lang pinagkaloob ang lupain na kasalukuyang kinatitirikan ng UPDEPP, at taong 2014 nang maitayo ang unang pang-akademikong gusali. Hanggang ngayon, katiting ang natutupad sa plano ng UPDEPP para sa karagdagang dormitoryo, research facility, at iba pang serbisyo. Makalipas ang siyam na taon, covered court at nakatenggang istruktura ang natatanging idinagdag sa pamantasan.
Ang kawalan ng pagtuon at karampot na alokasyon ng UP System, kasama ng taunang tangkang pagtatapyas ng gobyerno sa pondo ng UP, ang nagpapaantala sa mga proyektong nakalaan sa UPDEPP. Sa susunod na taon, hindi saklaw ang UPDEPP sa mga nakasaad na proyektong pang-imprastraktura sa panukalang badyet ng UP. Lumalagos sa kawalang-bahala ng UP System, maiuugat ang kalagayan ng UPDEPP sa kawalang prayoridad ng pamahalaan sa paghahatid ng kalidad na edukasyon.
Kahingian, kung gayon, ang mas tutok na pag-agapay ng UP System sa landas ng kolehiyo tungo sa pagsasarili. Matitiyak ang pag-angat ng UPDEPP sa pagdagdag ng espasyong pang-estudyante at pagpaparami ng mga regular na guro.
Mapaghahalawan ng inspirasyon ang UP Baguio (UPB) na nagsimulang rehiyunal na unit ng UPD. Sa kanilang pagsasaayos mula 1999 hanggang 2002, umusbong ang mga kolehiyo, makabagong pasilidad, at akmang serbisyo para sa Kordilyera.
Bagaman may naging kaunlaran sa pamantasan, hindi maipagkakailang kulang pa rin ang demokratikong espasyo ng UPB sa kasalukuyan. Kaya marapat na kaakibat ng laban para sa pag-abante ng UPDEPP ang paniniguradong patuloy itong nakatatanggap ng sustenableng suporta, matapos mang makamit ang mga kondisyon para maging CU.
Hindi na dapat mapirmi sa pagtayo ang komunidad ng UPDEPP sa harap ng kaunting upuan, pasilidad, at kagamitan sa pamantasan. Kailangan na ang pagtindig sa pamamagitan ng pagkalampag sa pamunuan ng UP System at gobyerno upang umusad ang katayuan ng kolehiyong kapos sa espasyo. ●