Sabi ng mga editor ko noong na-rekrut ako bilang guest columnist, commitment kong magpasa ng 400-something-word-article bawat linggo. Ang layunin ng mga first-person essays ko ay magbigay-boses sa kuro-kuro ng mga kapwa ko Iskolar ng Bayan.
Higit pa rito, tradisyon na rin ito–ilan nga sa mga paborito kong nabasa sa archives ay sina Delfin Mercado (na laging sad boy), Polo F. Imperial (yung science nerd-turned-woke), at si Athena Soberano (na puro daddy issues).
Sa pagkakaroon ng magaan na artikulo tulad ng mga kontribusyon ko, natitiyak naming hindi magkakaroon ng mean world syndrome ang mga mambabasa ng Kulê–na ang peryodismo, kahit kadalasang masalimuot, ay nananatiling mapang-unawa.
Kung kaya, hindi ko mawari na kung bakit ang hirap magkaroon man lang ng kahit kakarampot na pag-unawa ang mga kaibigan natin sa dominanteng midya, tulad ng Rappler. Dalawang araw bago ang bagong taon, naglabas ang Rappler ng editor’s note hinggil sa kaso ng plagiarism.
Totoo na pananagutan ang isa sa mga pangunahing pamantayan ng pamamahayag, at ito dapat ang silbi ng editor’s note. Ngunit sa kawalan ng maingat na konsiderasyon at pagsiwalat sa pangalan ng manunulat na sangkot, isinawalang bahala ng Rappler ang isa pang mahalagang prinsipyo ng pamamahayag: First do no harm.
Mas naging malay sana ang Rappler sa maaaring maging epekto ng kanilang editor’s note sa kanilang reporter na ngayon ay pinepeste na ng mga troll. Hindi maiiwasan ang pagkakamali sa mga isinusulat natin, kaya self-correcting ang peryodismo, may mekanismo ang ating mga newsroom upang magwasto.
Sa kaso ng Rappler, nakababahala na tila ba pinangalanan lang nila ang kanilang manunulat upang makatakas ang kumpanya mula sa pananagutan. Hindi ito pagtatama ng pagkakamali, kundi pagbaling lamang ng sisi. Mayroon ding command responsibility sa loob ng newsroom. Ang mga patnugot ang nagpapasya kung ilalathala ang mga artikulo. Kung nakalusot ang plagiarized article maging sa mga patnugot, simbolo ito ng malalim na problema sa buong newsroom ng Rappler–hindi lang sa iisang manunulat.
“Reporters … are expected to verify all details in their stories and videos, from names and positions of personalities to background information. Editors are responsible for reviewing, polishing, and approving content for publication,” anang editorial standards ng Rappler. Malinaw dito na dalawahan ang pagwawasto–parehong sa manunulat at patnugot.
Sa kabi-kabilang atake sa pamamahayag, mas kailangan ng mga media outfit na panatilihin ang pagkakaisa at mas maigting na pagwawasto upang mapanatili ang tiwala ng ating mga mambabasa. Hold the line, ika nga ng Rappler. Pero sana naman, habang nagbubuklod-buklod tayo, wala ring iwanan. ●