Balot ng karimlan ang mundong itinahi sa kapalaran ng mga Mallari. Nababalot sa madilim na naratibo at kontradiksyon sa pagitan ng pagtalikod o pagyakap sa lambong ng kasamaan ang mahabang kasaysayan ng kanilang angkan. Magkakaiba man ng panahong iniinugan, ang kanilang loob at isipan ay parehong nababalot ng mga pansariling interes na itinuturing nilang mga sariling halimaw.
Inilarawan ng pelikulang “Mallari” sa direksyon ni Derick Cabrido ang mukha ng kasakiman, indibidwalismo, at pagkahumaling sa kapangyarihan ng mga piksyunal na katauhan na pinagbibidahan ni Piolo Pascual. Hango sa kwento ni Fr. Severino Mallari, isang pari na kilala sa serye ng pagpaslang noong unang bahagi ng ika-18 siglo, lumihis sa realidad ang pagsasalaysay at itinawid ang kwento sa genre ng horror sa marahas na kapalaran ng desperasyon, weponisasyon ng relihiyon, at kasakiman sa kapangyarihan.
Bilang mga “manlalakbay” sa iba-ibang panahon, itinahi ni Cabrido ang tatlong naratibo ng mga Mallari sa pamamagitan ng time travelling at panaginip upang maipakita ang madilim na kasaysayan ng angkan. Tinangka ni Cabrido na idetalye ang hindi nareresolbang suliranin na umiikot sa bida at krimen sa Pampanga magmula ng ika-18 siglo hanggang kasalukuyan.
Gayunman, nagdudulot ng desensitadong atake ang pelikula bunsod ng mapanganib na paglapit nito sa mga kwento ng karahasan gamit ang mga elementong supernatural. Lulan sa buong pelikula ang nagpapatuloy na tila likas na karahasan ng mga tao hanggang kasalukuyan nang paslangin ni Brother Lucas ang dalawang maralitang nakilala nito bilang magnanakaw at drug addict. Dito, tila inako na ni Lucas ang batas sa pagpanagot at pagpaparusa—tulad ng marahas na pagkitil ng estado sa lipunan sa itinuturing nitong mga makasalanan.
Malay rin ang pelikula sa paglalatag ng pananamantala sa pyudal na lipunang iniinugan ni Padre Severino noong panahon ng Kastila. Kasama na ang mundo ni Johnrey Mallari, isang dokumentarista, sa madugong sigalot noong pananakop ng mga Hapon sa pagitan ng papet na gobyerno at Hukbalahap, mga gerilya na lumaban para sa kalayaan ng bansa.
Gayunman, naging maliit lamang na bahagi ang lipunan sa pag-uugnay sa bida at kawalang katarungan na wari'y tanging nasa kamay lamang ng indibidwal ang kahahantungan ng kanilang kapalaran. Malayo ang pag-asa ng pelikula sa mas magandang kapalaran ng mga karakter, bagkus, naging instrumento lamang sa pagpapakita ng dahas.
Walang nagbago sa bigong paglaban ni Jonathan Mallari sa nilikhang halimaw ng “Mallari” na ibinunga ng galit at kasakiman sa kapangyarihan. Sa ganitong gana, naiwang nakabulagsak ang posisyon ng pelikula sa nais nitong sagkain na itinuturing na masama. Nagbunga lamang ito ng nosyon na magpapatuloy lamang ang pagkaganid ng mga tao na iiral at magpapalit lamang ng mukha at henerasyon.
Ngunit hindi likas ang kasamaan sa kahit sinong indibidwal—maging ang pag-iral ng pandarahas at nandarahas na maiuugat sa pag-usbong ng mga halimaw ng lipunan na bulag sa pagkamkam, pananakop, at pang-aabuso para sa pansariling interes.
Sa mga horror, madalas na madugo bago makamit ang wakas na papabor sa bida, at kung minsan ay nauuwi lamang sa kabiguan na wakasan na ang lagim ng itinuturing na halimaw. Ngunit sa mundong nababalot ng karimlan, likas na sumisilabok ang pagnanais na makawala sa siklo ng karahasan at kadiliman. Mula rito, at sa ating pagpapasya na tunggaliin ang kasamaan, mapipigtal ang siklo ng paghahari ng kasakiman. ●