Inilabas nang lahat ni Badette ang kanyang acting skills kahit hindi siya ang bida at ekstrang patay lang ang role sa pelikula. Naabot na rin ni Becky ang lahat ng nota mapansin lang ang kanyang “Finggah Lickin” song. At dahil mapagbiro ang tadhana, ang kanila pa palang pagkukunwari bilang magkasintahan ang magbibigay sa kanila ng kasikatan at maginhawang buhay na matagal nang asam-asam.
Sa pelikulang “Becky & Badette,” sa direksyon ni Jun Robles Lana, isinasalaysay ng kwento nina Becky at Badette ang epekto ng sensasyonalismo sa midya. Singbilis maubos ng mga tindang fried chicken ng magkaibigang Becky at Badette ang pagkalat ng kanilang bidyo online na nagsilbing daan upang maging sikat na artista at mang-aawit ang dalawang bida.
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pagiging janitor na kakarampot ang kita ang pinagkukuhaan ng magkaibigan ng panggastos sa araw-araw. Kaya mabigat man sa damdamin at nakokonsensya sa pagsisinungaling, nakita ng dalawa ang potensyal ng kanilang pagka-viral online bilang tyansa upang baguhin ang kanilang mga buhay.
Ngunit malupit ang tadhana para kina Becky at Badette, dahil tulad nating mga ordinaryong Pilipino, hindi pa rin nila matatakasan ang iba-ibang porma ng pananamantala—magmula sa pagiging manggagawa na hindi magkanda-ugaga sa trabaho at raket para sa araw-araw na gastusin, sa pagiging artistang kailangang i-ayon ang pagkatao sa dikta ng kumpanyang ginagatasan ang kanilang kasikatan, hanggang sa kalalakihang tulad ni Pepe na nais hamakin ang kanilang pagkakaibigan at kinabukasan.
Lumilikha ng hindi ligtas at mapang-abusong espasyo para sa kababaihan ang industriya ng midya, habang isinasantabi ng midya ang mga alegasyon sa mga popular na lalaking artista at patuloy na binibigyan ito ng mga proyekto para manatiling kumikita. Ito ang manipestasyon ng pananamantala sa kasarian at uri sa lipunang nananaig ang patriyarkal at pyudal na kaayusan.
Higit na laging nasa bingit ang karera ng kababaihan at LGBTQ+ tuwing madadawit sa mga alegasyon at intriga. Kaya nakaangkla ang katagalan ng kasikatan nina Becky at Badette sa midya sa pag-ayon nila sa heteronormatibong pamantayan—tulad ng pagpapatunay ng kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng paghahalikan sa harap ng kamera at pagbubunyag ng planong pagpapakasal. Kaya walang takas ang dalawa sa mata ng publiko at kailangang sumunod sa mga trend at script na magpapanatili sa kanilang trabaho.
Malay ang komedya sa pagtalakay na dapat seryosohin ng midya ang usapin ng sekswalidad. Nagpapalabas man ang industriya ng mga pelikulang may tuon sa naratibo ng mga lesbiyana, sinisiguro pa rin ng mga produktong ito na nakaangkop lamang ito sa pamantayan ng cisheterosexual upang makahakot ng mas malawak na manonood, ayon na rin sa Commodity Lesbianism ni Danae Clark.
Sa dulo, bitbit ng mga bida ang realisasyon na sa kabila ng lahat, posible ang pag-unlad na hindi hinahamak ang sariling identidad, lalo na ang kapwa o anumang komunidad. Higit, nananatili pa ring reyalidad na hanggang hindi patas ang tyansang ibinibigay para makamit ang pag-unlad, handa tayong gawin ang lahat ng posibleng paraan makaalpas lamang sa kasalukuyang kinalalagyan.
Anumang posibilidad ang piliin, katulad nina Becky at Badette, nasa ating mga pagpapasya kung mabubuhay tayo bilang mga ekstra sa sarili nating kwento, o aangkinin na ang direksyon para sa mas makulay at maaliwalas na tadhana. ●