“There is nothing more satisfying than finding treasure in ukay-ukay,” motto ni Iza sa buhay. Kahit mabaon siya sa mga pinaglumaang damit, mag-amoy araw at manlagkit sa pawis sa init sa ukayan ay ayos lang. Pakiramdam nga niya ay umabot na siya sa Narnia para lang mahukay ang rare finds sa ukay na pwede nang pumasa sa mga usong ‘outfit of the day’ na mukhang brand new.
Bawal ang maarte hanggang hindi nahuhukay ang mga ‘to die for,’ para sa mga reseller tulad ni Iza. Sa umiiral na kalakaran ngayon sa pagbebenta ng mga damit mula sa ukay, kailangan sanayin ang sarili na makipagpaspasan at makipagsiksikan para sa mga damit na maaaring maibenta online.
Patuloy na umuusbong ang ukay-ukay, isang porma ng secondhand fashion trade, bunsod na rin ng labis-labis na produksyon o surplus sa fashion industry. Mula sa mga napakinabangan damit na wala nang halaga sa mga dating may-ari, ang pagbili sa mga secondhand na damit sa ukay ang paraan ng karamihan upang makapamili ng mga pangangailangan sa murang halaga.
Halukay sa Ukay-Ukay
Lumawig ang ukay-ukay sa mga bangketa at maliliit na tindahan sa syudad ng Baguio noong 1980s. Mula madaling araw, makikita sa mga kalye ng Kayang, Baguio, ang hile-hilerang balikbayan box ng mga inangkat na damit upang ibenta sa murang halaga.
Kadalasan inaangkat ang mga damit pang-ukay sa mga warehouse sa Hong Kong, kung saan nakaimbak ang mga surplus na damit bilang donasyon ng Salvation Army, isang relihiyosong grupo ng mga Kristiyano sa Estados Unidos. Binibili ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mga tone-toneladang damit na ito sa murang halaga na kanila naman ipinapadala sa Pilipinas upang pagkakitaan.
Salungat sa tipikal na pagpasok ng mga imported na produkto sa merkado, nakatala ang mga inangkat na damit pang-ukay bilang donasyon o pasalubong para sa mga kamag-anak sa Pilipinas. Sa Batas Republika 4653, ipinagbabawal ang importasyon, pagbebenta, at retail ng mga ukay-ukay sa kabila ng umuusbong na industriya nito sa lokal na pamilihan. Ngunit dahil nakatalaga bilang donasyon, walang binabalikat na malaking buwis ang OFWs upang makapagpadala kaya nananatiling mababa ang presyo ng mga damit pang-ukay nito kumpara sa ibang imported na damit sa bansa.
Mahahanap ang halos lahat ng makikita sa department store sa ukayan: mga undergarment, damit pambata at pang matanda, bestida, sombrero, mga bag at mga sapatos, kahit mga gown at tuxedo. Kaya lugar para sa mga ordinaryong mamamayan ang ukayan: mga estudyanteng nagtitipid ng baon para sa bagong damit, mga manggagawang naghahanap ng damit para sa trabaho, at kahit sinong naghahanap ng murang alternatibo.
Naging paraan na rin ang ukay para sa ilang mamimili na naghahanap ng mas sustenableng paraan ng pagbili ng damit. Bilang pagbabawas sa dagdag produksyon ng basura na nakasisira sa kalikasan, lugar na rin ang ukay para sa pag-upcycle at recycle ng produkto mula sa fast fashion industry, ayon sa pag-aaral nina Muskan Agrawal at Latika Bhatt, mga iskolar sa India.
Ukay Finds
Mula sa "new arrival" at “newly opened” na karatula na kadalasang makikita sa ukayan, nauso rin ang “mine, steal, at grab” sa social media bilang sistema ng bidding sa mga ukay resellers. Lalong napadali ng online ukay shops dahil curated na ang mga damit ayon sa panlasa mo, at instant ang pagbili dahil mahahanap ang mga shop sa social media platforms gaya ng Facebook Marketplace, Instagram, at Carousel.
Naging tulak din sa lalong pagsikat ng pag-uukay ang pagdami ng demand para sa vintage edition ng mga branded na damit, ayon sa pag-aaral ni Savannah Sicurella, isang Amerikanang mamamahayag. Sa konsepto ng nostalgia at maaaring halaga ng mga vintage damit, tumaas na rin ang kompetisyon sa pagitan ng mga resellers, kapwa-resellers at mamimili.
Dahil paunahan at ang may kakayahan makapagbayad agad ang umiiral sa online ukay, nawawala ang pagkakataon ng mas nakararami na makapaghanap ng mura at kalidad na damit dahil sa pagtaas ng presyo sa mga damit. Gayundin, nagiging normal ang pagtaas ng presyo sa mga ukayan na dating aksesible sa masa.
Liban sa usapin ng pagbabago sa pisikal at pang-ekonomikong produksyon ng isang espasyo, pinapairal din ng gentrification ang pagpapalit anyo sa pag-iisip, kultura, at power struggle ayon kay Sharon Zukin, isang Amerikanang propesor sa sosyolohiya.
Ginagamit ng mga gentrifier o mga indibidwal na may kapital upang mag-ari ng rekurso ang espasyo at kontrol sa puhunan upang hubugin at gawing “maunlad” ang isang komunidad. Dito nagkakaroon ng malaking pagbabago sa espasyo, gayundin ang karanasan at presyo sa karanasan na nagreresulta sa pagsasawalang-bahala sa dating abot-kaya at aksesibleng katangian ng kultura para sa mga lokal ng komunidad.
Saysay ng Ukay
Hindi kalabisan sabihing bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang pag-uukay. Praktika ito ng masa upang matugunan ang pangangailangan nila at kakapusang makabili ng maayos at kalidad na gamit sa ibang merkado. Gayundin, nagiging paraan ang pag-uukay upang mahubog ang kanilang ekspresyon sa sarili.
Habang nananatili pa ring malayo sa kasalukuyan ang aksesible at etikal na production ng fashion industry, umuusbong ang inisyatiba sa mas maging makamasa ang fashion. Noong 2019, itinatag ng mga lokal na artista ang pop-up event na Paraluman Productions bilang flea market ng iba-ibang pre-loved na damit, gamit, maging handmade na artworks.
Layon ng flea market na mapakinabangan at mabigyang halaga muli sa buhay ng bibili ang mga napaglumaang gamit sa mas murang halaga, o libre tulad ng Libre Lang Lahat Community Market. Pinapanatili ng grupo na mura ang ibinibentang secondhand item, patunay na posible ang partisipatoryong gawi ng pag-uukay na lumilikha ng espasyong bukas para sa pagkakaiba-iba, malayang ekspresyon, at pagbabahagi nito para sa lahat.
Hindi naman natin kailangan magpakapatid sa nosyong wala nang magpapabago sa mundong pinapaikot ng kapital at lalong pagkamal ng kapital upang kumita. Hindi rin kawalan na manatiling matapat at makatarungan, lalo na sa kapwa na higit nang ginigipit at itinutulak sa kasalatan ng buhay. Ano pa at hindi ba sa patuloy nating paghahanap para sa mga espasyong matatawag nating atin at para sa atin, kasabay nito ang pagtuklas sa alternatibo na tumutunggali anumang porma ng kalabisan at pagsasantabi.●