Kinagisnan na ng isang tipikal na tahanang Pilipino ang pagkakaroon ng mga naka-display na giveaways o souvenirs saanmang sulok ng bahay–istante man ng TV o ibabaw ng aparador. Para sa maraming payak lang ang pamumuhay, nagbibigay buhay ang mga kung ano-anong bagay na ito sa kanilang tahanan.
Nauusong libangan ngayon sa kabataan ang pangongolekta ng mga “anik-anik,” o mga kung ano-anong bagay tulad ng Sonny Angels, Smiskis, at Sanrio characters. Sa mga diskusyon hinggil sa kakabit na kaisipan ng ganitong pangongolekta, ang “maximalist” na kultura ng mga Pilipino ang iniuugat na dahilan.
Bagaman masasabing kagawian na sa pangkaraniwang Pilipino ang pagpuno ng mga kung ano-anong gamit sa kanilang espasyo, hindi pa rin mahihiwalay rito ang impluwensya ng merkado at uri na nagtutulak sa kanila tungo sa pangongolekta.
Hoarding
Baryasyon ng salitang “ano-ano” ang naging tanyag na “anik-anik.” Mula na rin sa kahulugan nito, kung ano-anong bagay na pinipiling itago ng mga tao ang tinutukoy ng anik-anik. Maaaring arbitraryo para sa mata ng iba, may simbolo para sa nagmamay-ari ang koleksyon ng mga resibo, sirang bracelet na hindi matapon-tapon, ticket sa bus, at souvenirs na madalas ikinakabit sa isang karanasan o alaala.
Liban sa ekspresyon ng mahahalagang tao o karanasan sa buhay, maaari ring makita ang anik-anik sa mga gamit na may maraming pakinabang sa pang-araw-araw na buhay. Tulad ng mga lumang tub ng biscuit at ice cream na iniimbak bilang lalagyan, mga lumang ID bilang keyholder, at drum ng pintura na imbakan ng tubig panligo. Bagaman tampulan ng biro para sa kabataan, nababawasan ang gastusin sa loob ng tahanan sa paggamit ng mga bagay na ito lampas sa inisyal nitong gamit.
Itinatambak ang mga gamit na nakukuhang libre o pinagkagastusan nang malaki dahil na rin sa kasalatan sa trabaho, saad ni Alice Guillermo sa kanyang sanaysay na “The Filipino Worldview in Visual Arts.” Mayroong pag-iisip na minsan lamang sila makakahawak nito dulot ng kamahalan ng presyo ng bilihin sa gitna ng lumalalang kondisyon ng trabaho kaya kinakailangang lubusin ang pagtatabi ng mga gamit.
Bunsod sa salat ang maraming ordinaryong tahanan na matamasa miski ang kanilang mga batayang pangangailangan, natuto ang mga Pilipino na mamuhay sa paraang nakasentro sa “sulit.” Sa kawalan ng sariling industriya upang magkaroon ng mabilis na produksyon sa mga produkto, at nagmamahal na presyo ng bilihin sa merkado, nagiging kasanayan ang pangongolekta ng mga anik-anik sa pag-aasang may pakinabang pa ang mga ito sa hinaharap.
Limited Edition
Mula sa libreng gamit na mapapakinabangan muli, nakakawing na ang salitang anik-anik sa mga sosyal at mamahaling mini figurines na kinokolekta ng mga tao. Naisasapakete ngayon sa kabataan ang mga anik-anik bilang “limited,” bagay na eksklusibo at bihira lang kung makita sa merkado.
Dagdag pa sa istratehiyang pang-akit ng mamimili ang pagiging “random” ng produkto—kailangan bumili nang bumili dahil hindi inihahayag sa kahon kung anong baryasyon ng produkto ang nasa loob. Sa elemento ng sikreto napananatili ang illusion of scarcity o mataas na halaga sa isang gamit. Ang ganitong impluwensya sa merkado ang nagtutulak sa mga taong gumastos sa kabila ng labis na halaga ng isang bagay, may produktibong gamit man o wala, ayon sa Commodity Theory ni Timothy Brock, isang social psychologist.
Higit, sa ganitong gawi, ang may kakayahan pang-ekonomiko lamang ang nakapag-aangkin at kolekta ng mga sumisikat na anik-anik. Kumpara sa konsepto ng masa na pagsaid sa halaga ng isang bagay sa iba-ibang paraan ng paggamit, ang siyang nakakapagpuno na lamang ng espasyo at nakakapagkolekta ng mga anik-anik ay limitado na sa iilang may marangyang oras at pera.
Clearing-up
Tulak ng isang “consumer society” ang pag-i-impluwensya ng merkado sa mamimili na labis-labis na bumili ng mga gamit lampas sa batayang pangangailan. Sa umiigting na disilusyon sa ipinapangakong kaunlaran ng estado sa kasalukuyan, naging taktika ang konsumerismo upang mailihis ang atensyon ng kalakhan sa nararanasang kalagayan ng mundo.
Habang isinasapakete ito bilang mga simbolo ng “quality of life,” alinsunod sa artikulo sa konsumerismo ni Lani Mae Junio, isang propesor sa pilosopiya, nananatiling hungkag na solusyon para sa pagpapaunlad ng sarili ang mga gawi at kaisipang iniaanak ng konsumerismo. “A consumerist lifestyle is a self-defeating endeavor because the fulfillment derived from it is misdirected … The existential vacuum left by modernity 's woes drives people to a frenetic search for fulfillment,” ani Junio.
Sa pagsisimula ng “responsableng pagkonsumo,” mahalagang mahiwalay ng tao ang halaga ng kanyang pagkatao sa mga produktong inilalako sa kanya. Ani Junio, ang pagpapaunlad sa sariling karakter at kaalaman, at paggamit sa angking kapasidad sa pagpapabuti ng sarili at kapaligiran, ang hakbang sa pagkakaroon ng mas responsableng pagkonsumo.
Ngunit bago ang lahat ng ito, mahalaga ang kritikal na pagpapaunawa sa tao na hugpungan ang mga nabubulok na ugat sa indibidwal niyang karanasan sa mundo—na siya, bilang tao, ay maaaring umalpas sa kaisipang labis-labis, at balon ng dunong na maaaring magpaunlad sa iniinugang espasyo na mabanaag sa darating pang panahon. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-1 ng Marso 2024.