Kinundena ng iba-ibang grupo ng kabataan ang mga “national security seminars” ng estado sa Timog Katagalugan. Ito ay matapos kunin ng National Service Training Program (NSTP) ng UP Los Baños (UPLB) ang isang dating opisyal ng militar bilang speaker para sa kanilang common module.
Laman ng mga seminar ang mga walang batayang paratang laban sa mga progresibong organisasyon, kung saan inaakusahang konektado ang mga ito sa mga komunistang grupo.
“Nagiging excuse ang mga ‘national security seminars’ ng [estado] upang makapasok ang mga military officers–including retired officials and reservists–sa ating mga pamantasan,” ani Siegfred Severino, National Union of Students of the Philippines - Southern Tagalog (NUSP-ST) regional coordinator at dating UP student regent.
Noong Enero 25, nagkaroon ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Laguna para sa pagbuo ng isang Special Action Committee on Insurgency. Kasunod nito, nagpasa ang 202nd Infantry Brigade at CALABARZON Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ng isang resolusyon na naglalayong magsagawa ng mga “national security seminars” sa lahat ng paaralan sa Timog Katagalugan.
Binanggit ng NUSP-ST sa kanilang pahayag na hindi kinonsulta ang mga estudyante sa pagbuo ng resolusyon. At nang magsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Kapitolyo ng Laguna, napag-alaman ng mga estudyante na naipasa na ng Laguna Peace and Order Council ang resolusyon at kagyat na pagpapatupad nito.
Huwad na Turo
Ilang beses nang naganap ang mga “national security seminar” sa CALABARZON, partikular na sa Laguna at Cavite. Maliban sa UPLB, ilan sa mga paaralang nagdaos nito ang Pamantasan ng Cabuyao, Pulo National High School, at Dasmariñas Integrated High School.
“Ang template na di-ni-discuss dito ay wag daw magpalinlang sa mga NDMOs dahil ito ay mga ‘pool reserves’ ng NPA recruits at sa halip ay mag-focus na lang sa pag-aaral [kaysa] kundenahin ang gobyerno,” ani Severino.
Sa UPLB, higit 16 na klase sa NSTP ang pinasok upang pagbintangan ang mga progresibong grupo na kabilang sa mga itinuturing nilang “communist-terrorist groups,” ayon sa ulat ng Youth Advocates for Peace and Justice at Youth Movement Against Tyranny Southern Tagalog.
Para kay Candy*, isang mag-aaral ng sosyolohiya sa UPLB, nakakaalarma ang biglang pagpasok ng mga sundalo upang magturo sa kanilang klase sa NSTP.
“Nakakadismaya na ex-military yung naimbitahan para maging speaker sa NSTP namin. Mas lalo pang nakakadismaya na mapakinggan na ina-associate ng speaker ang mga kabataan at estudyante as manpower ng CPP-NPA-NDF,” sabi ni Candy.
Nang may nagtanong kung bakit militar ang speaker habang nasa klase, sumagot lamang ang NSTP office representative na ipadala na lang sa email ng opisina ng NSTP ang kanilang “concern.”
Isang tahasang paglabag sa Safe Haven Resolution ng unibersidad ang RTF-ELCAC resolution, ayon sa pahayag ng UPLB University Student Council.
Ang Safe Haven Resolution ay naglalayong panatilihing ligtas ang unibersidad sa pamamagitan ng pagpapaigting ng akademikong kalayaan, karapatang pantao, at institusyonal na kalayaan.
Danas ng Dahas
Hindi lamang nakukulong sa loob ng mga pamantasan ang red-tagging ng estado sa Timog Katagalugan.
Habang nagsasagawa ng kilos-protesta sa harap ng Kapitolyo ng Laguna noong Marso 4, hinarangan sina Severino at iba pang progresibong grupo ng kapulisan nang binalak nilang bumalik sa loob upang kumuha ng litrato.
“Na-le-legitimize ang militar bilang parte ng academic community dahil sa pagbibigay sa kanila ng platforms despite their persistent attacks and hijacking of academic discussions para ilagay sa peligro ang mga estudyante natin,” ani Severino.
Dulot ng mga seminar na ito ang pagpapadali para sa RTF-ELCAC na magbanta, manggipit, at manakot, na lalo lamang magpapalala sa kasalukuyang sitwasyon ng Timog Katagalugan, dagdag ni Severino.
Pinangangambahan ng mga grupo ang lalong pagdami ng kaso ng pagmamanman bunsod ng resolusyon tulad ng paniniktik kay Anakbayan UPLB Chair Nemo Yangco. Pati ang taktika ng pagsampa ng mga gawa-gawang na kaso laban sa mga kabataang aktibista tulad ng kaso nina John Peter “Jpeg” Garcia, Ken Rementilla, at Jasmine Rubia.
“Delikado talaga yung nangyari sa NSTP namin dahil ang dami ng cases ng abuse ng mga militar, tapos parang nanonormalisa pa yon dahil yung red-tagging ay mismong nangyayari sa klase,” ani Candy.
Sa ngayon, hinihiling ng mga estudyante sa lokal na pamahalaan na ibasura ang resolusyon ng RTF-ELCAC. Anila, ang kagustuhan ng militar na pasukin ang mga paaralan para man-red-tag ay taliwas sa mga prinsipyo ng kalayaan sa akademya.
“Sa mga pagkakataong bumubuo ng mga resolusyon para sa ‘safety and security’ ng mga eskwelahan, napakaimportante na may student representation o consultation dito upang marehistro natin agad kung paano pinakaangkop [na] mga protocols [para] hindi natatapakan ang ating mga karapatan at kapakanan,” ani Severino.
*Itinago ang tunay na pangalan ng source upang mapangalagaan ang kanyang seguridad.