Ang tahasang pang-iipit sa kalayaan nating magpahayag ay pagsikil sa ating mga demokratikong karapatan. Sa gitna ng ating pakikipagtunggali sa mga iskema ng administrasyong Marcos Jr. na ipinaglalako sa mga dayuhan ang ating kinabukasan, gayundin ang pagtindi ng klima ng represyon sa mga akademikong institusyon.
Kahapon, naglabas na ng pahayag ang University of Santo Tomas (UST) na bubuo ito ng technical working group upang balikan at aralin ang mga polisiya nito hinggil sa pangangalaga ng kapakanan ng mga estudyante. Sabi nito, makikinig ang pamantasan sa hinaing ng mga lider-estudyante. Ito, matapos ang mga umusbong na kaso ng represyon sa pamantasan noong mga nakaraang linggo.
Lunes nang naghain ng resolusyon sa mababang kapulungan ng Kongreso si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel upang imbestigahan ang mga kaso ng censorship at iba pang paglabag sa karapatan ng mga estudyante sa UST. Buhat ito ng interbensyon ng UST Office for Student Affairs (OSA) sa ulat ng TomasinoWeb, isang media-based organization, na nauwi sa ilang linggong tigil-operasyon ng pahayagan.
Isang mahalagang hakbang ang resolusyon sa pagpapanagot sa mga opisyal ng OSA at ang pagpapangako ng UST na makikipagdiyalogo ito sa mga estudyante. Tagumpay ding maituturing ang muling pagbabalik ng operasyon ng TomasinoWeb ngayong Linggo. Ngunit, nariyan pa rin ang pangangailangang singilin ang administrasyon na tuparin ang pangako nito–lalo na’t hindi na bago ang ganitong mga kaso ng panghihigpit sa mga estudyante ng UST. Nananatiling hamon ang nanunuot na kultura ng represyon sa pamantasan.
Hanggang ngayon, patuloy pa ring ginagamit na taktika ang pagpataw ng parusa at show cause order sa mga lider-estudyante ng pamantasan upang sikilin ang kanilang pagnanais na kumilos. Ipinagbabawal din ang pagkilos ng mga estudyanteng nakikiisa sa pahayagan at sinasagkaan ang bawat tangkang isiwalat ang pang-aabuso ng administrasyon.
Malinaw na indikasyon ng umiiral na sistematikong represyon sa ating mga akademikong institusyon, hindi lamang sa UST, ang mga paglabag sa karapatan ng mga pahayagang pangkampus. Hinihigpitan ng mga administrasyon ang nararapat na pondo ng mga publikasyon upang pilayin ang kanilang operasyon, at nanghihimasok sa editoryal na pagpapasya ng pahayagan.
Taktika ang ganitong pananamantala sa posisyon upang hadlangan ang pag-uulat na kritikal sa administrasyon. Ano pang maaasahan sa sistema ng edukasyong nakapaloob sa lipunang tigib ng pananamantala kundi ang pamamayagpag ng kulturang pumapatay sa malayang kaisipan, at gayundin, sa kakayahang magpahayag ng mga estudyante.
Tumatagos ang ganitong klima ng agresyon sa UP kung saan nagsisilbing sagka sa pagbabalita ng mga pahayagan ang mga represibong patakarang nakatago sa tabing ng mga burukratikong proseso.
Hanggang ngayon, nananatili pa rin ang laban ng Tinig ng Plaridel at Ang Tanglaw para magawaran ng pagkilala mula sa administrasyon bilang mga opisyal na pahayagan. Maging ang kahingian ng mga estudyante ng UP Los Baños College of Economics and Management na magtatag ng publikasyon ay inisyal na tinanggihan ng kolehiyo dahil sa di pagkilala ng kahalagahan ng isang pahayagan.
Mahalagang mapatimo sa mga administrasyon ang kanilang mandato bilang tagapamandila ng kalayaang akademiko at tagapagtanggol ng kapakanan ng mga mag-aaral. Higit lalo ngayong niraratsada ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang charter change, ang mga pamantasan dapat ang isa sa mga magsilbing katuwang ng mga estudyante sa laban tungo sa mas kalidad at aksesibleng edukasyon.
Ngayong dinadaluyong tayo ng sunod-sunod na atake sa espasyong ating ginagalawan, higit na hinihingi sa atin na umagapay at makiisa sa laban ng kapwa mamamahayag, sa loob at labas ng ating mga pamantasan. Ang patuloy na pagtindig natin kasama ang TomasinoWeb at iba pang mga estudyanteng naninindigan laban sa mga mapanupil na polisiya ng pamantasan ay hamong nararapat nating harapin.
Lagpas sa pakikiisa, kagyat na pangangailangan sa ating mga publikasyon ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga estudyante. Kahingian, gayon, ang pag-aangkop ng ating mga ulat sa kalagayan ng mga mag-aaral at ng panahon. Ito, upang higit na maabot ang layuning maipaunawa sa mga estudyante ang ugat ng kanilang paghihirap at kakayahan upang wakasan ito.
Aasahan na sa ano mang anyo ng panggigipit, malakas na pagbalikwas ang sasalubong. Sapagkat ano pa ba ang nararapat na gampanin nating mga pahayagang nabubuhay mula sa demokratikong pakikilahok ng mga estudyante, kundi ang pagiging tagapagtanggol ng karapatan sa kalayaang magpahayag. ●