Kasisikat pa lamang ng araw noong ika-7 ng Pebrero nang magsimulang bumiyahe si Gary Gardi, 52, upang maghatid ng mga pasaherong nagkukumahog na makarating sa kanilang destinasyon. Inda ang init at pagod mula sa pagmamaneho ng jeep sa rutang Mohon-Miag-ao, umuuwi siya araw-araw nang may pangambang mawala ang hanapbuhay.
Ang pangunahin sa mga pangamba ni Gary: ang gumugulong na planong tuluyang pagpapatupad sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Mayroon na lamang hanggang Abril 31 ang mga drayber at operator para pumailalim sa mandatory franchise consolidation.
Ngunit baog ang ano pa mang pagpupumilit ng gobyerno na bagtasin ang daan patungong modernisasyon kung sa proseso nito ay mapag-iiwanan lamang ang mga drayber at operator. Sa halip na patatagin ng gobyerno ang makamasang katangian ng pampublikong transportasyon, tinutulak pa nitong gawing negosyo pinagkakakitaan ng iilan ang sektor.
Biglaang preno
Idinadambana man ng gobyernong pag-unlad ang pagmomodernisa ng sektor ng transportasyon sa ilalim ng PUVMP, binigo na ng programa ang libo-libong drayber at operator sa bansa.
Nasa 30 taon nang namamasada si Gary. Ito na ang bumuhay sa kanyang pamilya, nakapagtapos sa dalawa niyang anak, at nagpapa-aral sa apat pa niyang anak. Bagaman tradisyunal na jeep pa rin ang kanyang minamaneho, consolidated na ang prangkisa nito sa isang kooperatiba sa Iloilo. Sa kasalukuyan, nasa 30 na lamang ngayon, sa dating 120 na tradisyunal na yunit, ang bumabyahe sa ruta nina Gary.
Ngunit nakaambang mapalitan na rin ang mga natitirang tradisyunal na jeep buhat ng Local Public Transport Route Plan (LTPRP). Bahagi ng PUVMP ang LTPRP, isang lokal na ordinansang nagtatakda ng mga ruta at bilang ng mga yunit na maaring bumiyahe rito. Sa LTPRP ng Iloilo City, 1,732 na modernized PUVs lamang ang papayagang bumiyahe, habang higit 800 ang mawawalan ng prangkisa.
Dahil sa napipintong phaseout, marami sa mga drayber at operator ang napilitang kumuha ng prangkisa para sa mga minibus, at pinalitan ang kanilang mga jeep sa pangakong mas organisado at tuloy-tuloy ang kita sa ilalim ng isang kooperatiba.
“Yung iba, binigay nila sa minibus yung kanilang franchise dahil sabi ng kooperatiba bibigyan sila ng P500 kada-araw, sa isang buwan P15,000. Waay silay nakuha (Wala silang nakuha),” ani Gary.
Hanggang walong biyahe lamang ang pinahihintulutan ng kooperatiba ni Gary, tig-apat papunta at pabalik sa ruta. Habang sa tradisyunal na yunit, maaari magsimulang bumiyahe ng alas sais ng umaga at kumita ng P600 pagpatak ng alas tres ng hapon. Limitado na ang mga biyaheng pinahihintulutan ng kooperatiba, hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay naibibigay sa tamang oras ang mababang arawang sahod na kinikita ng mga drayber, kwento ni Gary.
Kabig ng mga korporasyon
Dahil bigong mapaunlad ng gobyerno ang sektor ng transportasyon, iniraratsada na lamang nito ang PUVMP upang ilipat ang responsibilidad sa mga pribadong sektor na nakasandig sa interes ng lalong pagpapalago ng kanilang mga korporasyon.
Ang mga Euro-4 emission compliant engines, na pumapatak ang presyo sa P2.5 milyon kada yunit, ang pamantayan sa mga gagamiting makina ng mga yunit ng jeep sa PUVMP. Mga pribadong kumpanya, tulad ng Byahe ng bilyonaryong si Manuel Pangilinan, ang higit na makikinabang sa polisiya dahil sila rin ang may sapat na kapital para makabili ng yunit at kontrolin ang operasyon nito. Sa Iloilo, isa ang MetroExpress Connect, Inc. ng mga Villar sa namumuhan sa mga modernisadong jeep.
Mga kooperatiba ang ekslusibong namamahala sa mga yunit na nakapailalim dito at nagdidikta sa mga regulasyon nito, ani Bernabe Villaniza ng No to PUV Phaseout Coalition - Panay. Napapanatili ang hindi paborableng kondisyon ng mga drayber dahil tulad sa danas ni Gary, hindi isinasama sa mga pagpupulong ng kooperatiba ang mga drayber upang makapaghayag ng mga hinaing at makilahok sa pagpapasya.
Walang pagsusubali, ginagamit ng mga korporasyon ang hawak na kooperatiba upang magpataw ng dagdag bayarin sa mga drayber at operator upang mabawi ang gastos sa pagbili ng mga bagong yunit.
Bukod sa mga membership fee sa kooperatiba, dagdag gastusin din ang nagmahal na pag-renew ng prangkisa na dating nasa P7,000 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Lumolobo na ito sa P12,000 dahil kailangan ang mismong kooperatiba ang maglakad nito, ani Gary.
Kakaharapin din ng mga komyuter ang dagdag-pasanin sa presyong kalakip ng modernisasyon ng gobyerno. Tinitingnang aabot sa P15–25 hanggang P45–50 ang minimum fare sa jeep matapos ang implementasyon ng PUVMP sa kalaunan dahil sa mga gastusin sa gasolina, maintenance, at kooperatiba, ayon sa IBON Foundation.
Sa pagkakataong lahat ay napipinsala sa ipinamapamandilang disenyo ng modernisasyon, lalong nagiging kahingian mula sa gobyerno ang kagyat nitong pagpihit sa direksyon ng interes ng taumbayan.
Makatarungang pag-arangkada
Bagaman naka-ilang urong na ang deadline ng franchise consolidation, esensyal na kilalanin ng gobyerno na tanging pagbasura sa franchise consolidation at PUVMP ang hinihinging solusyon mula sa kanila.
“Dapat proteksyunan ng gobyerno ang mga drayber at operator nito. Nakikita naman nila ang abuso at pagpapahirap ng mga kooperatiba at LTFRB sa amin. Isa lamang [itong] economic sabotage,” ani Villaniza
Bagkus, kailangang itaguyod ng gobyerno ang mga industriyang makakapagmanupaktura ng mga makina, piyesa at iba pang imprastrakturang susuporta sa abot-kayang transportasyon, ayon sa IBON. Nangangahulugan ito sa pagbibigay ng sapat na subsidyo upang makabili ng modernisadong yunit ang mga drayber at pagkakaroon ng mga konsultasyon tungo sa makatarungang modernisasyon.
Magpapatuloy ang mga tigil-pasada at pagkilos nina Gary kasama ang iba pang drayber at operator hanggang ganap na maibasura ang PUVMP. Sa pagkakataong ito, hindi na lamang tunog ng mga umuugong na kotse at jeep ang maririnig sa kalsada, kundi pati ang paglaban ng mamamayang pinagkaitan ng makamasa at inklusibong transportasyon. ●
Mula sa mga ulat ni Rona Pizarro.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-15 ng Marso 2024.