Inilalako na lamang ng gobyerno ang mga estudyante nito sa mga banyaga sa gitna ng lumulubhang krisis sa edukasyon.
Kabilang ang edukasyon sa mga sektor na pahihintulutang pagmay-arian nang buo ng mga dayuhan sa tinutulak na charter change (cha-cha) ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. Pinangangambahan ng mga grupo ng estudyante at guro na patitindihin nito ang komersyalisasyon ng edukasyon sa bansa.
Patitibayin lamang ng cha-cha ang hulma ng edukasyon bilang nakakiling sa interes ng mga korporasyon, sa halip na manatili bilang batayang serbisyong abot-kaya sa lahat.
Noong 2013, pinondohan ng transnasyunal na kumpanyang Pearson at Ayala Coporation ang pagtatayo ng mga Affordable Private Education Center sa bansa. Dito nakokompromiso ang kalidad ng pag-aaral dahil pangunahing tuon ng mga pribadong institusyon ang makapagkamal ng kita sa pamamagitan ng pagbabawas ng gastos sa mga pasilidad at pag-empleyo ng mga di-lisensyadong guro, ayon sa pag-aaral ni Curtis Riep ng Education International noong 2015.
Ang paglubha ng komersyalisasyon sa sektor ng edukasyon ay kalaunang magdudulot ng pagkalusaw ng diwa ng nasyonalismo sa mga estudyante, ayon sa Teachers, Education Workers, and Academics Against Charter Change. Alang-alang sa mas mabilis na paghubog ng mga empleyadong tanging teknikal na mga kahusayan ang kailangan, nauna nang tinanggal ang asignaturang Philippine History sa hayskul noong 2013 at sinundan ng pagiging opsyonal na lamang ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo noong 2018.
Sa paglusaw ng pambansang katangian ng edukasyon, higit lalong tataliwas ang gobyerno sa pangunguna sa paglutas ng mga suliraning idinulot ng matagal na nitong kapabayaan. “Easing restrictions on foreign ownership will only heighten the commercialization of this crucial social service, and further justify the inadequacy of government funding for education,” saad ni Angeli Mari Rodenas, College Editors Guild of the Philippines deputy spokesperson sa isang pagdinig sa House of Representatives ukol sa cha-cha.
Sa halip na mag-aksaya ng pondo at oras sa cha-cha, dapat na ilaan ng gobyerno ang lakas nito sa paglutas sa ugat ng krisis—mababang pondo ng sektor ng edukasyon, kakarampot na sahod ng mga guro, at kakulangan sa klasrum at iba pang kagamitan sa klase, ani Rodenas.
Paglubha sa krisis ng pagkatuto ang tanging idudulot ng cha-cha. Kung kaya’t matinding kahingiang bawiin ng gobyerno mula sa mga negosyante ang tungkulin nitong maging tagapanguna sa pagtugon sa krisis sa edukasyon. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-15 ng Marso 2024.