Madali lang siguro ang buhay content creator. Kahit na naghihirap ang bayan, kinakaya pa ng presidente natin na bumisita sa ToniTalks, pumunta sa concert, at mag-house tour ng kanyang pamilya bilang resident vlogger ng Malacañang. Kung mailagay man sa pwesto ng mga manonood, nakakaengganyo naman talagang pumasok sa content creation. Ano naman ba ang saglit na pag-bi-bidyo kapalit ang pagiging viral at kadikit nitong pagyaman.
Lumaganap ang family vlogging bilang paraan ng pagkita dahil sa dobleng proposisyon nito ng iglap na pagsikat at pagyaman. Sa mga vlog na ito, iisa lang naman ang puhunan: basta “totoo” kayo sa pagbabahagi ng content tungkol sa inyong buhay, at totoo kayo sa viewers.
Kapag paminsan-minsan ganitong pag-iisip ang umookupa sa ating isipan, mahalagang alalahanin na ang pamilya at ang sarili ay hindi matutumbasan ng kahit anong pangangalakal. Walang taong kinakalakal at dapat ikalakal sa simpleng rason na mayroon tayong kapasidad mag-isip, magmahal, at umunawa.
Real to Reel
Hindi kataka-taka ang pagsikat ng mga vloggers tulad ng ToRo Family, bansag sa pamilya ni Toni Fowler o mas kilala bilang Mommy Oni, na bitbit ang branding na pagiging authentic. Mismong si Mommy Oni ay sumikat dahil sa pagiging kontrobersyal ng 'authentic' na sarili niya. Sa kada dalawang oras na episode, ito ang mapapansing branding ng kanilang mga content: maingay at madaldal, patok ang kontrobersya, at pahapyaw na pag-uusap sa mga paksang taboo.
Nananatiling pagkonsumo at reproduksyon ng umiiral na kaisipan at gawi ang konsepto ng “authenticization” sa content ng mga social media vlogger. Gayong laganap ang kulturang mapangsikil, nagkakaroon ng panganib na ito rin ang mapamandila ng mga content creator. Dahil sistematiko ang panlilinlang sa kamalayan na may kakayahan tayong sumalungat sa umiiral na opresyon, maaaring hindi malay na atrasadong tradisyon at gawi ang ating pinaniniwalaan, ayon kay Patric Plesa sa kanyang pananaliksik hinggil sa konsepto ng authenticization.
Hindi maipagkakailang marami ang nagnanais na maging sikat na content creator dahil nananatiling salat sa oportunidad ang marami para sa isang marangyang buhay. Sa vlogging, isang viral hit lang ang kailangan upang umasenso—malaking talon mula sa pagtatrabaho na halos suntok sa buwan ang pagkamit para sa makataong sahod. Kaya liban sa pagkonsumo ng mga vlog, matiyagang sinusundan ng iilan ang kanilang mga idolo sa tyansang manalo ng libreng iPhone, ma-feature sa vlog, at kung anu-ano pang paraan upang sumikat o kumita.
At dahil mahalaga ang pagsusustena ng mataas na views at followers, nagiging paksa na rin ng mga vlog ang pribadong buhay at sariling pamilya. Dito, nabubura na kung ano ang maaaring isapubliko at mainam na isapribado, ang totoo sa scripted, at kung ano ang mas nakabubuti o lalong nakapanghahamak sa pamilya.
Kita sa Kontrobersiya
Kamakailan pinahaba ni Mommy Oni ang kanyang mga vlog, at inihalintulad sa reality show na "Keeping Up With the Kardashians." At bilang pang-akit na panuorin ang bawat episode ng serye ni Mommy Oni, ginagawang trailer ang clips ng mga pag-aaway, bangayan sa isang bagay, pagmumura, at dramatikong pagsasapakete ng mga ito.
Higit pa sa pagbebenta at pagkakalakal sa sarili, tumutungo na ang ganitong pagtingin sa sarili bilang isang ‘korporasyon,’ ayon kina Grant Bollmer at Katherine Guinness, sa librong “The Influencer Factory.” Ang korporasyon, sa ganitong kontekso, ay ang kapasidad ng content creator na monopolisahin ang lahat ng salik ng buhay para sa negosyo.
Dahil kilala ang pamilyang ToRo sa pagiging kontrobersyal at toxic, nauuwi sa pagiging content ang bawat hidwaan at away na namamagitan sa pamilya para sa kasabikan ng mga manonood. Hindi man gustuhin ng pamilya, maaaring nasasamantala ang kanilang mga personal na buhay sa ngalan ng trabaho. Higit, ang pagkakasundo ng mga kapamilya ay minamadali at pinipilit para sa magandang konklusyon ng episode.
Nagiging normal sa kasalukuyang panahon ang pagmamaliit ng midya sa indibidwal bilang produktong nabubuhay para sa atensyon, dagdag nina Bollmer at Guinness. Napalalaganap ang kaisipan na laging may mapagkakakitaan sa pagkatao ng indibidwal at ng pamilya.
Lampas sa Limelight
Wala namang masama sa paghahangad ng pag-unlad ng sariling pamilya. Ngunit higit rito, nagsisimula ang mas makabuluhang pagbabago sa pagbuwag sa mga atrasadong gawi na maaaring nakakasakit na rin sa mga taong malapit sa atin.
Maaaring mabakas sa payak na paraan ang pagiging isang pamilya: may pag-unawa sa mga pangangailangan ng bawat isa, pagpapahalaga sa seguridad ng kapamilya, mapa-mental, emosyonal, o pinansyal man ito. Nararapat na maipamalas natin ang pag- iisip, pagmamahal, at pag-unawa hindi lang sa kanya- kanyang pamilya kundi sa buong lipunan na kung tutuusin ay kapamilya na rin.
Sa ganitong pamamaraan, matagal at mahirap man makamtan ang pagbabago, masasangga natin ang mga tukso na ang epekto lamang ay makapagsamantala at manghamak. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-15 ng Marso 2024.