Itinurong salarin ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas-Cavite (PAMALAKAYA-Cavite) ang panunumbalik ng mga operasyon sa reklamasyon at dredging, gayundin sa iba pang mga proyekto ng gobyerno tulad ng LRT-1 extension, sa sunod-sunod na sunog na nangyari sa Cavite nitong taon.
Mula Enero, nakapagtala ang PAMALAKAYA-Cavite ng higit 20 sunog sa buong probinsya. Madalas na nangyayari ang mga sunog sa mga coastal area sa Cavite.
Kabilang sa mga reklamasyong muling ipagpapatuloy ang 90-hektaryang Bacoor Inner Island Reclamation and Development Project na ginagawa ng Frabelle Fishing Corporation, at pinangungunahan ni kasalukuyang Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel.
“Simula nung nag-dredging wala na kaming mahuli, sinira ang aming mga karagatan at dalampasigan. At maging dito sa Bacoor, nag-dre-dredge talaga ang Frabelle Corporation. Wala rin silang binigay na compensation sa mga [apektadong] mangingisda sa kasalukuyan,” ani Aries Soledad, PAMALAKAYA-Cavite secretary-general.
Matagal nang ginagamit ang panununog upang gipitin ang mga mangingisda at maralita sa Bacoor, Cavite. Sa ulat ng Bagong Alyansang Makabayan - Cavite, na nagkaroon na ng pagsunog sa Barangay Niog 1 at Talaba 7 noong 2019, at sinundan ng isa pang insidente noong Disyembre 2021. Apat ang nasawi sa sunog na naganap sa Barangay Talaba 2 noong Disyembre 14, 2023.
Sa kaso ng Niog, Bacoor City, sumiklab ang isang sunog na nag-iwan ng tatlong sugatan, at nakaapekto sa 82 pamilya noong Pebrero 10.
Matapos ang isang linggo, nagkaroon ulit ng sunog na nakapinsala sa tahanan ng 88 pamilya at nagdulot sa pagkasawi ng isang senior citizen. Giit ni Soledad, nangyari ito dahil ang Barangay Niog ay isang coastal area na malapit sa pinagdarausan ng reklamasyon.
Hindi rin naiiba ang sinapit ng karatig-barangay ng Habay, kung saan isang sunog ang nagpaalis sa 10 pamilya noong Pebrero 18. Ngunit hindi lamang sunog ang nagsisilbing bangungot sa barangay, pati na rin mga banta sa demolisyon mula sa Cavite.
Noong Pebrero 28, sinugod ng anim na patrol at dalawang swat ang Barangay Habay 2 upang baklasin ang mga bahay na nakatayo sa lugar. Saad ng PAMALAKAYA-Cavite, hindi man lang sila kinausap bago magsagawa ng demolisyon, at nagbigay lamang ng 15 minuto sa mga residente para ilabas ang kanilang mga gamit kahit walang court order. Isang kilometro lang ang layo ng Habay sa reclamation site sa Bacoor.
Nakatira ngayon sa kalsada ang anim na pamilyang apektado ng ilegal na demolisyong ito sa Barangay Habay. Wala silang tulong na natatanggap mula sa lokal na pamahalaan ng Bacoor, saad ni Solendad.
Noong Marso 12, nakatanggap ng sulat ang mga residente ng Niog 1 at Talaba 7 na binibigyan na lamang sila hanggang Marso 31 dahil “private property” na raw ang kanilang lupa. Sa ilalim ng LRT-1 extension project, ang Niog ang magiging huling istasyon na siya ring iikutan ng bagon.
Nagpasa na ng isang resolusyon sa Mababang Kapulungan ang PAMALAKAYA-Cavite sa tulong ng Makabayan Bloc noong Lunes, upang paimbestigahan ang sunod-sunod na sunog sa Cavite at matunton ang tunay na salarin nang mapanagutan nito ang mga krimen nito sa rehiyon.
“Hindi pa matatapos yan. May mga mangyayari’t mangyayaring iba pang pamamaraan ng panununog at demolisyon hangga’t naririyan yung mga dambuhalang proyektong sasagasa sa kabuhayan at panirahan ng mga mangingisda at maralitang tinatamaan nito,” ani Soledad. ●