Laganap ang lagim ng pasismo. Walang mapagsidlan ang takot sa lagim na ipinapalaganap ng estado. Pisikal ang presensya ng panunupil: wala sa tahanang saglit na pinamalagian ng magkakaibigang Balé, Vivian, Rory at Badong ang misteryo ng katatakutan. Nagmumula sa pananakot ng estado ang nararanasan ng mga karakter sa dulang “Spirit of the Glass” sa panulat ni Bonifacio Ilagan at direksyon ni Joel Lamangan.
Halaw ang dula sa nangyaring pan-re-red-tag noong 2022 sa mga akda ng mga guro ng UP Diliman na sina Reuel Aguila, Rommel Rodriguez at tatlo pang manunulat. Inakusahan ni Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na subersibo ang pagbanggit ng mga may-akda sa mga dokumento mula sa mga komunistang grupo.
Buhat ng panganib na dinulot ng red-tagging sa mga aktibista-manunulat na sina Balé at Vivian, nakituloy sila sa probinsya ng kaibigang si Rory kasama si Badong. Napalitaw ng pagganap nina Elora Españo, Carlos Dala, Edward Allen Solon, at Barbara Miguel ang personalidad ng mga karakter at dinamikong relasyon na mayroon ang bawat isa.
Humihimok ng pagkabagabag sa mga manonood ang presensya ng kaluluwa ni Natalya, isang aktibistang biktima ng sapilitang pagkawala sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kalunos-lunos na isisiwalat ng dula ang pisikal at sekswal na pang-aabuso kay Natalya sa kamay ng mga militar. Gayundin, ikinwento rin ang naging danas ng tatlong espiritong biktima mula sa iba-ibang panahon—kolonyalismong Espanyol, Amerikano, at ang war on drugs ni Rodrigo Duterte.
Nairehistro ng dula ang mensaheng nagpapatuloy lamang ang siklo ng dahas hanggang sa kasalukuyan. Ngunit naging kakulangan sa ilang pagkakataon sa dula ang pagbibigay ng malinaw na kontradiksyon ng mga karakter. Mas napatimo pa sana sa karakter ni Rory, na may malapit na koneksyon kay Natalya, ang halaga ng pakikibakang lampas sa paggamit ng sining at pansariling interes.
Malaki rin sana ang maiaambag ng karakter ni Badong sa daloy ng kwento bilang isa sa pinakamatagal na aktibista sa kwento. Makatutulong ang detalyeng ito sa posibleng pag-uumpugan ng kanilang mga ideya at pananaw ukol sa pakikibaka.
Hindi mahihiwalay ang pulitika sa personal na danas—itong aspeto ng pakikibaka ang mas nasiyasat pa sana ng dula. Tinalakay pa sana ng dula ang kontradiksyon sa panandaliang pagtigil sa pagkilos at pagpapasikhay ng paglaban sa kabila ng mga banta.
Sa dulo, pinakita ng dula na ang kolektibong pagharap sa hamon ang pinakamabisang tugon laban sa panunupil ng estado. Ipinakita ito sa resolusyong pagbalik sa lungsod at salubungin ang mga kasamang bugkos-bugkos na nagkaisa at lumaban para sa kanilang proteksyon. Dito, lumakas ang kanilang loob at humarap sa lagim na dating sumindak sa kanila.
Pinakamatibay na sandata ang kolektibong pakikibaka upang mawaksi ang panlipunang inhustisyang matagal nang bumabangungot sa ating bayan. Kung handa ang mga multo ng nakaraan na muling bumalik at maningil para sa hustisya, marapat na bitbit din natin ang bigat ng pagsulong sa kabila ng umiiral na lagim. ●