Labinlimang taong gulang nang maabutan ni Junmar ang P30 na bigas. Ngayong P50 na ang bigas, hindi naman nagreklamo si Junmar. At kahit umabot pa sa P100 ang presyo nito, naniniwala siyang nasa sariling goal at diskarte lang yan, hindi yung magrereklamo pa kung saan-saan at kung kani-kanino. Ika nga nina Rendon Labador, Franklin Miano, at Josh Mojica, “Nasa tamang mindset at pag-focus lang sa goal yan.”
Sa gulo ng mundo at hirap ng buhay, minsan kailangan natin ng madudulugan na magbibigay gabay kung paano pa nga ba natin pag-iigihan sa buhay. Kaya hindi kataka-taka na naging puntahan ng marami sa social media ang mga influencers na lifestyle o life advice ang content. Sa mga pananaw sa buhay na kanilang ibinahagi, nakapaghapag sila ng alternatibong pananaw kung paano babagtasin ang buhay na tutugon sa kanilang mga suliranin.
Life Hacks
Itinatag ni Thomas Leonard noong 1995 ang International Coach Federation bilang pagsasa-institusyon ng life coaching sa Estados Unidos. Kailangang matapos ng mga kumukuha ng kurso ang coaching education para makakuha ng sertipikong katibayan na sila’y mga propesyunal. Ang life coaches ang magsisilbing gabay sa mga taong kukuha ng kanilang serbisyo—mula sa pagpapaunlad ng tiwala sa sarili, mas mabuting pagtrato sa kapwa, o pagiging mahusay sa napiling larangan.
Sa pagpapalawak ng target audience, pumasok din ang life coaches sa social media sa pamamagitan ng pag-po-post ng maiikling videos o reels para mai-promote ang kanilang serbisyo. Relatable at engaging ang ganitong uri ng content dahil madalas komunikatibo ang paraan ng pananalita, content na inangkop na rin ng influencers sa pagiging “life guru” na nagpapayo o nagbabahagi ng kanilang success stories.
Mindset Ba, Mindset
Kahit sino naman ay pwedeng maging CEO, ayon kina Josh Mojica at Franklin Miano na self-made millionaire kuno, at Rendon Labador na laging nakababad sa gym. At para mas katiwa-tiwala ang kanilang opinyon, magkukuwento sila ng mga sariling karanasan kung paano nila pinili ang diskarte upang umunlad ang buhay.
Kadalasan, pumapatungkol ang mga payo ng influencers kung paano lalampasan ang kawalan ng oportunidad at kakayahang makapag-aral. At dahil laganap ang kawalan ng oportunidad, umiinog sa mga kwento ng kanilang pag-unlad na umangkop, tanggapin, at ayusin na lamang ang sarili na wari’y ito lang ang tanging nangangailangan ng pagsasaayos.
Maaaring hindi intensyunal, nagkakaroon ito ng epektong gawing makaisang panig ang pagtanaw sa tagumpay—ang unahin at isalba ang sarili sa lahat ng pagkakataon at hamon kahit lumubog at mapagiwanan man ang iba. Nagbubunga ito ng pagsasawalang-bahala at hindi pantay na pagtrato sa kapwa, dahil iniaatang nito ang kaisipang hindi nito maaasahan ang kahit sinuman maliban sa kanyang sarili.
Bahagi ito ng indibidwalistang kultura na may layong pahalagahan ang pagpapabuti ng sarili para sa mabilisang pagkamit ng pangarap, ayon kina Dave Capucao at Rico Ponce, mga Pilipinong pari at iskolar ng teolohiya. Naisasakripisyo ang pampersonal na ugnayan kasama ang komunidad at pamilya sa indibidwalistang kaisipan sa pag-unlad, bagay na nagpapahina sa pakikisangkot ng isang tao sa lipunan kung saan namumuo ang kawalan ng tiwala sa kapwa, dagdag nina Capucao at Ponce.
Dahil nakaasa lamang sa sarili ang responsibilidad ng pagpapaunlad ng sarili, natutulak ang lahat na pumaloob sa proseso ng “do-it-yourself” o pagsusumikap na harapin ang suliranin at mithiin sa buhay nang mag-isa. Nagiging kanya-kanya na lamang ang susing solusyon para sa tunay na pag-asenso, sa halip na makisangkot sa lipunan upang maisulong ang mas makatarungang buhay na may mataas na sahod, may hustisya, at malasakit sa bawat isa.
Sampal ng Katotohanan
Anumang gawing anyo ng pagsasarili, hindi natin matatakasan ang panlipunang krisis na pilit nating iniiwasan. Lumilikha ng ilusyon na maaatim din ng manunuod ang simbolo ng karangyaan ng influencers sa kabila ng katotohanang hindi ito ibabahagi ng lipunan sa marami.
Ginagamit ng influencers ang kanilang posisyon at karangyaan sa pamamagitan ng social media upang mapanatili ang kaayusang panlipunan. Produkto ito ng media hegemony, kung saan naiimpluwensyahan ng midya ang konsumer na magnais ng buhay na nakaayon sa hulmang buhay ng mga naghaharing-uri, ayon kay David Altheide, isang Amerikanong mananaliksik.
Mula rito, nagiging pangkaraniwang isipin na sarili lamang ang nangangailangan ng pagsasaayos upang matugunan ang hirap ng buhay–hindi para baguhin ang namamayaning kaayusang panlipunan na sumasamantala sa kanila.
Hindi na sana tayo mahuhulog sa bitag ng mga indibidwalistikong gabay kung simula’t sapul may lipunang maunlad para sa lahat. Ngunit habang malayo pa ito, mainam na umpisahan na nating isaalang-alang ang kapakanan ng iba, maging kritikal sa pagpili ng mga payong tatanggapin, at isulong ang pananaw na magpapaunlad hindi lamang ng sarili nating interes, bagkus nakaayon sa pagpapabuti ng kapakanan ng bawat isa. ●