Nananatiling kapos ang polisiya ng UP Diliman (UPD) tungo sa pagkilala ng mga transgender at nonconforming students, matapos makailang beses makaranas ng diskriminasyon ang isang first-year transgender woman.
Ibinahagi ni Vanisa Isaac Tan Dayao ng College of Social Work and Community Development na higit apat na beses siyang nakaranas ng diskriminasyon sa loob ng pamantasan mula sa Office of the University Registrar (OUR), at sa kanyang mga propesor, orgmate at kaklase.
Nang magpakuha siya ng larawan para sa UP RFID noong unang semestre, sinabihan siya ng isang empleyado ng OUR na hindi siya maaaring makunan dahil nakadamit pambabae raw siya at maaaring hindi aprubahan ang kanyang RFID.
Pilit pang tinukoy ng isang kawani ng OUR na lalaki umano si Dayao kahit babae na ang pagkakakilanlan ng estudyante sa sarili.
Walang nakasaad sa Memorandum MTTP 2019-21 kung ano ang dapat suotin ng mga estudyante para makakuha ng RFID.
Mayroon pang insidente na mismong propesor ni Dayao ay hindi kinilala ang kanyang lived name sa loob ng klase.
“Sinabi niya sa akin na lagyan ko raw ng quotation mark ‘yung ‘Vanisa’ and in-advise niya ako na baka next time, tanggalin ko na lang ‘yung ‘Vanisa’ kasi nga submission naman daw ‘yon para sa school,” ani Dayao.
Lived name ang pangalang ginagamit ng isang tao na nakatugma sa kanyang pagkakakilanlan.
Ayon sa Guideline on Affirming Transgender and Gender Non-Conforming (TGNC) Students’ Names, Pronouns, and Titles ng UPD, dapat kilalanin ng bawat propesor ang lived name, pronouns, at title ng kanilang mga estudyante.
Saad din ng polisiya na maituturing na diskriminasyon at karahasan laban sa mga TGNC na mag-aaral ang hindi pagkilala sa lived name o deadnaming, at hindi pagkilala sa piniling kasarian o misgendering.
Bunga ng polisiya, may kalayaan na ang bawat mag-aaral na ilagay ang kanilang lived name at pronoun sa Computerized Registration System na magbibigay-alam sa mga propesor ng kanilang pagkakakilanlan.
May insidente ring pinagdudahan ng kamag-aral na lalaki ang pagiging transwoman ni Dayao. Sinabi nito sa kanya na hangga’t hindi siya nagmumukhang babae, huwag daw munang gagamit ng palikuran ng babae.
“Nagkakaroon ako ng hard time na pumasok sa mga gano’ng space kasi ‘yung judgment ng aking kapwa mag-aaral,” ani Dayao.
Nakasaad sa UP Gender Guidelines na dapat na kilalanin, igalang, at itaguyod ng unibersidad ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ng lahat. Haharap sa parusang alinsunod sa mga alituntunin ng unibersidad ang mga nagkasala. Hindi rin hahadlangan ng UP ang biktima na magsampa ng kaso.
Mayroon ding Gender Fair Ordinance ang Quezon City na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity and expression ng isang tao. Pagmumultahin ng isa hanggang limang libong piso at/o ikukulong nang isa hanggang animnapung araw ang mapatutunayang lumabag dito.
“Make it (TNGC guidelines) more comprehensive and target-specific. Implement it everywhere na magbibigay ng precautions na ‘yung estudyante na gustong gamitin ‘yung pangalan niya, gustong ipresenta ‘yung sarili, gustong suotin ‘yung sarili niya na magkakaroon talaga ng maayos na proseso ‘pag hindi sila narespeto,” ani Dayao. ●