Bakas sa mukha ni Tatay ang pag-aalala nang banggitin kong, matapos ang ilang taon, ay nakapagsimba muli ako; yun nga lang, sa kulungan. Sa misa na aking dinaluhan, pag-asa sa gitna ng pangamba ang tinalakay.
Kasama ang Kapatid, isang organisasyong nagsusulong sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, bumisita ako sa Camp Bagong Diwa. Hindi maikukubli ni Tatay ang pag-aalala nang maikwento kong halos isang oras kaming nakatigil sa bukana dahil sa mahihigpit na palisiya ng mga pulis. Aniya, ano raw ba ang saysay ng pagbisita ko sa piitan gayong nakakatakot ang dinanas ko.
Totoo, hindi komportable sa loob ng prison complex—sobrang init, kulob ang mga selda dahil maliliit ang bintana, at masikip ang bawat pasilyo.
Gayunpaman, hindi alintana ang mga ito, naging malugod ang pagtanggap sa akin ng 23 bilanggong pulitikal. Doon ko rin nakilala si Vic Ladlad, isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nang batiin niya ako ng Miyerkoles na yun, nakangiti na para bang isang kakilala.
Hindi agad mapapansin ang pagkahapo at mga sugat sa kanyang kamay dala ng dermatitis. At bagaman nakakulong, masigasig pa ring nakasubaybay sa balita at matalas ang kanyang suri sa kalagayan ng bansa. Nakuha niya pang magbiro kung public health emergency daw ba ang kakulangan ng glutathione drip supply.
Noong 2018, inaresto si Vic sa gawa-gawang kaso ng iligal na pag-aari ng baril. Bagaman limang taon nang nakakulong, nananatili ang kanyang pag-asa na makalaya sila ng iba pang bilanggong pulitikal at kasamahang NDFP consultant. Nitong nakaraang taon, nagkaroon ng planong muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyerno ng Pilipinas. Sa layon umanong gamutin ang matagal nang mga sakit ng bayan, lumapit ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang muling ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan matapos itong talikuran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit lantad pa rin na sa panig ng estado, huwad ang pagsusulong nito ng kapayapaan. Walang habas na nagpaulan ng bomba ang mga militar sa diumanong kampo ng New People’s Army nitong Abril 3 sa Abra at Ilocos Sur sa komunidad ng mga katutubo at pesante. Halos 7,000 ang biktima ng military aerial bombings sa unang taon pa lamang ni Marcos, ayon sa datos ng human rights group Karapatan.
Gayundin, magpapatuloy ang mga hindi pantay na kasunduan bunsod ng nalalapit na Balikatan exercises ngayong Abril 22. Inaasahang sisidhi lamang ang militarisasyon sa kanayunan, at kasabay nito ang pagtaas ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at batayang karatapan ng mga apektadong komunidad.
Nais ng NDFP ang tuluyang paglaya mula sa krisis ng bansa sa kabuhayan at seguridad, ani Vic. Ngunit sa pagsusulong ng mga aktibista at peace consultant nito, gayundin, sila ang patuloy na biktima ng red-tagging at pagpaslang ng pwersa ng estado. Patunay dito ang ilang kaso ng pagdukot sa mga aktibista tulad nina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus na halos isang taon nang nawawala sa gitna ng pasismo ng militar sa kanayunan.
Bagaman hindi komportable ang landas na tinahak nila at kalagayan ngayon, ipinakita ni Vic at ng kanyang mga kasama na ang tunay na kapayapaan ay nakasalalay sa ating paglaban. Mayroon lang naman isang paraan para lisanin ang bilangguan: dalhin ang kwento ng mga bilanggong pulitikal, iulat ito, at manatili rin sa atin ang pag-asang makakamit natin ang paglaya. ●