Nakauwi na rin ako sa pamilya ko sa Davao matapos ang higit isang taong pagka-alipin ko sa mga klase at gawain sa Kulê. Aaminin ko, di man lang ako nakapagpahinga nang maayos sa dalawang linggong break. Liban pa sa paghahabol ng mga gawain para sa klase, nariyan din pala ‘yung emosyonal at mental na pagod sa paghahabol sa buhay ng mga kaanak at kakilala.
Inaasahan ko namang mapapagal ako sa mga kamag-anak ko: May mga nangungumusta, at syempre, mga nanghuhusga sa nagiging tahak ng buhay ko. Di talaga maiiwasang pag-usapan ‘yung pagiging estudyante ko sa UP, kung narekrut na ba raw ako ng mga “komunistang grupo” at kung bakit ba ako sumusulat sa pahayagang laging kontra sa gobyerno.
Sinusubukan ko namang magtimpi at umiiwas sa gulo kapag inuulan na ako ng mga mapanghamak na akusasyon hinggil sa pag-aaral ko sa UP, sa mga politikal kong sinusulat, at pati na rin sa ibang bahagi ng buhay ko. Ngunit napagtanto ko ring hindi na sapat ang pag-iiwas. Kailangan ko nang harapin ang hamon na ipaliwanag sa kanila kung bakit ko piniling makialam sa mga bagay na para sa kanila’y wala tayong kapangyarihang baguhin.
Sa kabila ng paggagap ko nito, di ko iyon nagawa bunsod ng takot kong madala lang sa emosyon at di maunawaan. Ngunit nang nagkita kami ng dati kong guro noong high school at ng kanyang mga estudyante noong Linggo, tila nabigyan ako ng pagkakataon na magpaliwanag—bagay na di ko nagawa sa pamilya ko.
Inimbitahan ako ng guro kong magbigay ng workshop bilang paghahanda sa schools press conference. Minsan na rin akong naging bahagi sa mga patimpalak na ito at sa totoo lang, hinihiling ko lang sana na mabago na ang pagpapagana sa mga preskon na nagtutulak sa karamihan sa mga paaralan na itrato ang pamamahayag bilang pang-contest lang.
Sa gitna ng talakayan namin, tinanong ako ng isa sa kanila: Bakit ba ako sumusulat sa isang biased na pahayagan? Sobrang taliwas ito sa kung ano ang inaakala nilang peryodismo—walang kinikilingan. Naintindihan ko naman kung bakit ganoon ang kanilang pagtingin sa pamamahayag dahil ganoon din naman ang itinuro sa akin noong high school.
Sinubukan kong ipaliwanag at ipaintindi sa kanila ang mito ng obhetismo, idiniin na sa bawat likha natin ay may laging dinadalang pagkiling. Syempre, may mga pumiglas at nagtanong. Ngunit pinagtiyagaan kong sagutin nang maayos ang mga katanungan nila, kumakapit sa pag-asang matanto nila na mahalagang kumiling sa interes ng kanilang mga mambabasa–mga kapwa estudyante, kabataan, at maging ng mas malawak na hanay ng mamamayan.
Batid kong di sapat ang panandaliang interaksyon namin para maunawaan nila nang buo ang bigat ng kanilang gampanin. At batid ko ring marami pa akong dapat paunlarin sa sarili. Balang araw, makakausap ko na rin ang pamilya ko tulad ng pangungumbinsi ko sa mga estudyante; mananatili ang pag-asang mauunawaan nila kung bakit ako lumalaban at mahikayat din silang makiisa. Di bale na kung paunti-unti. ●