Laganap sa social media ang pagbibida ng mga unibersidad sa natatamo nitong ranggo sa paglabas ng world university rankings. Sa gitna ng pagkilala sa mga unibersidad, umani ng pagsuporta mula sa maraming akademiko ang pagkalas ng University of Zurich (UZ) mula sa Times Higher Education (THE) university ranking noong Marso. Ayon sa UZ, pinalalabnaw lamang ng pagtuon sa pag-aantas ng mga marka ang pagsusuri sa kalidad ng edukasyon.
Sa pamantayan ng THE, 30 porsyento ang nakalaan sa pananaliksik, ang pinakamalaking bahagi ng metrik. Kung kaya, nagkakaroon ng maling motibasyon ang mga unibersidad tulad ng UP na paramihin ang journal publications nito sa layong pataasin ang ranking. Lumobo sa higit 125 porsyento ng journal articles ng UP na nagawaran ng international publication award mula 2021 hanggang 2022. Batay sa huling ranking ng THE, nasa ika 1,201 hanggang 1,500 ang ranggo ng UP.
Dahil pananaliksik ang pangunahing pamantayan sa rankings, mas nakakiling ang unibersidad na palaguin ang mga proyekto sa mga larangang higit na nakatuon dito tulad ng STEM. Sa 368 journal articles na inilathala ng UP Diliman noong 2023, higit sa kalahati ay mula sa College of Science.
Ngunit sa pagiging abala ng UP sa pagpapataas ng ranking, naisasantabi ng pamantasan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante at bayang pinaglilingkuran nito. Marahil hati ang atensyon at lihis ang tanaw ng unibersidad, kung kaya hindi na nito lubusang naisasakatuparan ang mandatong paunlarin ang edukasyon sa mas malawak na antas at disiplina.
Sa layong maglathala sa isang Scopus-indexed journal, isa sa pinakamalawak na database para sa academic research sa mundo, pilit na idinidikit sa Kanluraning metrik ang kalidad ng pananaliksik. Pagkat mataas ang pagpapahalaga ng kanluraning pamantayan sa pananaliksik, naisasantabi ang mga lokal na research journal at iba pang disiplina tulad ng agham panlipunan at kultura at sining—mga disiplinang nakaangkla rin naman sa interes ng mga sektor ng lipunan.
Pinasusubalian ng pagsunod ng UP sa dikta ng rankings ang pagpostura nito bilang tagapanguna sa paghahasa ng mas kritikal na uri ng pananaliksik at pagpapaunlad sa edukasyon. Higit na nilalantad ng ganitong praktika ang pagpapabaya ng UP sa mandato nito bilang pambansang pamantasan.
Esensyal na alalahanin ng UP na nasa lipunan ang pangunahin nitong gampanin. Kabilang dito ang pananaliksik na nakaugat sa pangangailangan ng lipunang iniiralan ng unibersidad kasama ang mga estudyante, guro, kawani, magsasaka, at manggagawa, at hindi sa dikta ng dayuhang oryentasyon ng world rankings.
Sa halip na bumuntot sa rankings, mas matimbang na kahingian sa UP ang pagsasakatupuran ng gampanin nito bilang pampublikong institusyon. Panahon na upang talikuran ng UP ang world rankings sapagkat hindi ito lubos na nagsisilbi sa interes ng lipunang kanyang kinabibilangan. Wala sa kumpas ng anumang ranking o pagkilala ang pananagutan ng pamantasan, bagkus nasa mga komunidad na pinangako nitong paglingkuran.
Hindi sa university rankings matutunton ng UP ang ibinabanderang dangal at husay. Mapapatunayan lamang ng UP ang sarili nito sa pagsisigurong naisasakatuparan ng unibersidad ang mandato nito sa lipunan: ang matamasa ng mga Pilipino ang serbisyo ng pamantasan batay sa lapat sa danas ng mga sektor sa loob o labas man ng UP. ●