Muling magsasagawa ng dalawang araw na tigil-pasada ang mga transport group na Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) simula Lunes.
Kasunod ito sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na palalawigin pa ang April 30 deadline para sa franchise consolidation ng mga private utility vehicle (PUV).
Bahagi ang franchise consolidation ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno kung saan dapat pag-isahin ang mga prangkisa ng mga operator sa isang kooperatiba na bumibyahe sa isang partikular na ruta.
Babawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa at hindi na pahihintulutang makabyahe ang hindi tatalima sa PUVMP.
Sa isang media conference noong Huwebes sa University Hotel sa UP Diliman, ipinahayag ni MANIBELA President Mar Valbuena na maglulunsad sila ng nationwide transport strike upang magprotesta laban sa “makadayuhang PUVMP.”
“Hindi lamang po dito sa Metro Manila, ikakasa po natin ito (transport strike) nationwide simula po ngayong Lunes, April 15. At ang protesta ay magtutuloy-tuloy hindi lamang po isa, dalawa, o tatlong araw [kundi] hanggang matapos po itong deadline na binibigay ninyo sa amin,” ani Valbuena.
Inaasahan ng dalawang grupo na nasa 30,000 tsuper ang makikiisa sa tigil-pasada sa Metro Manila habang tinatayang 100,000 naman ang lalahok sa buong bansa.
Ito ang unang strike na ikakasa ng dalawang grupo ngayong taon. Matatandaan na huling nagsagawa sila ng tigil-pasada noong huling linggo ng 2023.
Nanawagan din si Valbuena kay Marcos na pakinggan ang kanilang panawagan at huwag silang tanggalan ng hanapbuhay. Iginiit pa ni Valbuena na Kongreso lamang ang may “karapatang” bumawi ng mga prangkisa.
Hinayag din ng PISTON at MANIBELA na patuloy silang mamamasada sa Mayo 1 kahit lumipas na ang deadline ng franchise consolidation sa Abril 30.
"Tatakbo kami sa May 1. Kongreso lang ang puwedeng magtanggal sa prangkisa. Tatakbo at tatakbo kami, kung hulihin niyo kami, kami na mismo ang lalapit sa inyo," ani Valbuena.
Hiniling din ng dalawang grupo na ibasura ang franchise consolidation at ibalik ang limang taong bisa ng kanilang prangkisa.
Sa parehong conference, nanawagan si dating Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa administrasyong Marcos na sa halip na itulak ang PUVMP, dapat magkaroon ng makabayan, progresibo, at maunlad na serbisyo sa transportasyon.
“Mayroon na tayo actually na lokal na produksyon ng mga sasakyan. Dapat matagal nang in-improve ng gobyerno para makatulong sa panawagan na makamasa, makabayan, progresibong transportasyon na pinakikinabangan ng mamamayang Pilipino, di lang ng mga operator, jeepney driver pati na mananakay,” ani Gaite. ●