Imposibleng hindi matakam ang kahit sino sa mga sumisikat na food vlog. At bilang tugon sa napanood at ma-satisfy ang cravings, dadalhin tayo ng mga paa natin kung saan matatagpuan ang mga sulit-deal, mix-n-match: mga street food.
Hindi maipagkakailang food lover ang mga Pilipino, lalo na kung mura at abot-kaya. Madalas, mahahanap ang mga ganitong uri ng pagkain sa gilid ng kalsada—halimbawa na lamang ang Area 2 na pinakamalapit na puntahan sa atin bilang mga estudyante. Sa espasyong ito, nakahanap ang maraming estudyante ng alternatibo sa nagmamahal na bilihin ng pagkain sa pamantasan.
Ngunit mapapansin sa kasalukuyan ang umiiksing mga hilera ng mga bangketa na dati’y umuokupa sa mga lansangan ng lungsod. Kahapon, basta-bastang kinumpiska ng Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works at Public Order and Safety ang kagamitan ng mga manininda sa Area 2. Bunsod ng lalong pagtutulak sa komersyalisasyon ng mga pampublikong espasyo, humaharap sa walang katiyakan sa kabuhayan ang mga manininda.
Para sa streets
Mga manininda ang nagpatunay na maaaring makakain sa halaga ng bente pesos. Buhat ng abot-kayang presyo, mabenta ang mga tusok-tusok para sa ating limitado lamang ang badyet. Malaki ang ginagampanan ng street foods para sa seguridad sa pagkain, partikular na sa mga Pilipinong manggagawa, dahil ito ang nagkakasya sa kakarampot nilang kita.
Mababa lamang ang puhunang kinakailangan sa pagsisimula ng negosyo ng street foods. Ito ang madalas na pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng maralitang lungsod. Sa araw-araw na suliraning masustena ang pamilya, pagbebenta sa bangketa ang nagiging paraan upang matugunan ang mga pangangailangan.
Hindi lahat ay may kakayahang bumili ng gamit, tulad ng refrigerator, para mag-imbak ng pagkain. Kung kaya, ang street foods na mabilis makonsumo rin ang kadalasang binibili ng maralitang lungsod, ayon kay Shweta Sharma, propesor sa Sheffield Hallam University.
Malaki ang ambag ng mga binebentang street foods sa seguridad sa pagkain sa kalunsuran, lalo na sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin. Nitong Marso, naitala ang 3.7 porsyento ng inflation rate sa bansa, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Dahil dito, hindi nakasasabay sa taas ng bilihin ang kalakhan ng mga Pilipinong nananatiling mababa ang sahod. Sa National Capital Region, umaabot lamang sa P610 ang arawang minimum na sahod. Kulang na kulang, partikular sa pamilyang may apat na miyembro, kung saan P512 ang arawang gastos para sa pagkain, ayon sa ulat ng Pinoy Weekly. Bunsod ng nagmamahal na kondisyon ng lipunan, lalong natutulak ang mga tao na humanap ng paraan tungo sa mas murang pagkonsumo.
Dito sa gedli
Malaki ang bahaging ginagampanan ng lansangan bilang pampublikong espasyo. Ngunit ito rin ang lugar na madalas na sinasamantala ng may kapangyarihan. Gamit ang kapital, ang mga espasyong ito ay malayang naisasapribado, ayon kay David Harvey, isang Briton na heograpo, sa kanyang librong “The Right to the City.” Ito ay ginagawa ng mga elite o malalaking negosyante upang malayang makapagkamal ng kita, at mapanatili ang kanilang impluwensya sa isang lungsod.
Dahil nakatayo ang kariton ng mga manininda sa maliliit na bahagi ng pilit inaangkin at isinasapribong espasyo, itinuturing sila ng mga elite bilang "sakit" lamang sa mata. Nakapipinsala umano ito sa imahe ng organisadong lungsod na sila rin ang nagpapanatili, kung saan ang mga manininda ay dapat nasa establisyementong sila ang humahawak at kumokontrol ng halaga at kita.
Mababakas ang ganitong sitwasyon sa nangyari kay Diwata, isang manininda ng pares, na nakatanggap ng closure order nitong buwan at agarang pinalilipat ng pwesto. Tumatagos din ito maging sa isyung pampamantasan, kung saan ang espasyo ay inilalaan para sa mga komersyalisadong establisyemento tulad ng Gyud Food Hub na may mataas na rentang kailangang bayaran ng mga manininda.
Sa Kamaynilaan, gumagawa ng paraan ang mga manininda upang makatakas sa polisiyang elite ng kalunsuran. Tuwing may huli, agaran silang umaalis sa pwesto upang hindi makulong at maiwasan din ang pagkawala ng kita sa “lagay” o pangongotong ng pulisya, ayon sa pag-aaral ni Reynold Agnes, isang propesor sa Far Eastern University. Dito, higit sa pagbubuo ng konsolidasyon sa hanay nilang manininda, panandalian nilang napo-protektahan ang kanilang kabuhayan at espasyo sa lungsod.
Sana all belong
Sa kalsada madalas nabubuo ang mga gawi at ugnayan. Mahalaga ito sa mga taong dito nagmumula ang ikinabubuhay. Marapat lamang na ibinubuklod ang lahat sa mga programang mayroong hangaring paunlarin ang kalunsuran.
Hindi lamang nagtatapos sa pagkakaroon ng akses ang karapatan, ayon kay Harvey. Aniya, magsisimula ito sa tunay na partisipasyon ng maralitang grupo sa paghulma ng isang espasyo. At salimbayan sa paghuhulma ng isang demokratikong espasyo ang pagsulong ng kaisipan na bawat isa ay magkakapantay, at kinikilala ang papel ng bawat miyembro ng komunidad sa pagbuo ng isang maunlad na lungsod na lulan para sa lahat.
Hindi na mawawala ang hilig ng bawat Pilipino sa kung ano ang mura. Sumasalamin sa street foods at lansangan ang kwento ng masang nagpapatuloy sa gitna ng nagmamahal na kondisyon ng lipunan. Kung kaya dapat lamang itong niyayakap at pinagyayaman sa halip na bastang ipinagkakait at tinatalikuran. ●