Matatagpuan sa harap ng Manna East Subdivision ang isang maliit na silong gawa sa pula at asul na mga tabing, suportado ng mga kawayan at sanga ng puno. Ito ang nagsisilbing Kampuhan ng mga nag-pi-piket na manggagawa ng Dreambuilders Pro Inc. (DPI), kumpanyang pagmamay-ari ng Filinvest na namamahala sa pagpapatayo ng kabahayan sa Manna East, Barangay Dalig, Teresa, Rizal.
Sa ilalim ng tirik ng araw, tagaktak-pawis ang mga welgista sa pagsigaw ng kanilang mga panawagan habang nangongolekta ng mga donasyon sa mga dumaraang motorista. Tangan ang kanilang mga plakard at mensahe ng protesta, iginigiit nilang maibalik sa trabaho habang nananawagang ibasura ang batas sa kontraktwalisasyon. Kabilang sa kanilang hanay si Emelito Sol, 38, na nagsilbing steelman sa DPI sa nakalipas na tatlong taon.
Sa ilalim ng tirik ng araw, tagaktak-pawis ang mga welgista sa pagsigaw ng kanilang mga panawagan habang nangongolekta ng mga donasyon sa mga dumaraang motorista. (Kathleen Isaac/Philippine Collegian)
Higit isang buwan na mula nang ikasa ng mga manggagawa ang welga. Ika-18 ng Marso itinindig ang picket line ng Dreambuilders Equitable Alliance of Labor (DEAL), unyon ng mga manggagawa ng DPI, matapos tanggalin ng kumpanya sa trabaho ang higit 100 nitong mga pintor, karpintero, at steelman na nakadestino sa Manna East Subdivision.
Isa si Emelito Sol, dating steelman ng DPI, sa mga nagwewelga at nananatili sa Kampuhan na itinayo ng DEAL. Higit isang buwan nang nagpoprotesta ang mga manggagawa bunsod ng biglaang pagkakatanggal sa trabaho. (Kathleen Isaac/Philippine Collegian)
Pundasyon ng Pananamantala
Mabigat at pisikal ang trabaho sa loob ng konstruksyon ng mga subdibisyong tulad ng Manna East. Bilang steelman, kabilang sa arawang gawain ni Emelito ang maghapong pagbubuhat, pagtatapyas, at pagbubuo ng mga bakal para sa mga poste ng bahay. Kung minsan, umaabot ng 13 oras ang mga manggagawa sa isang araw para matapos ang trabaho.
Sa kabila ng mabigat na gawain, kakarampot ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa ng DPI—pumapatak lamang ng P600 hanggang P650 sa isang araw o P75 hanggang P82 kada oras ang arawang sahod ng mga manggagawa sa Manna East. P630 ang arawang sahod ni Emelito bilang steelman, na pilit niyang pinagkakasya sa gastusin sa pamilya, kabilang ang pag-aaral ng kanyang 14 taong gulang na anak.
Nasa P520 lamang ang kasalukuyang daily minimum wage ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan. Bagaman mas mataas nang bahagya ang sinasahod nina Emelito dito, malayo pa rin ang kanilang sahod sa P1,123 na kinakailangan ng isang limang-kataong pamilya para mabuhay nang marangal kada araw, ayon sa IBON Foundation. Sinasamantala ng malalaking kumpanya ang mababang pasahod upang panatilihin ang kanilang malaking kita, dagdag ng IBON.
Mabibili ang isang bahay sa Manna East sa halagang P1.5 hanggang P1.7 milyon. Sa sahod na natatanggap nina Emelito, ni hindi nila kayang magbayad maging ng paunang hulog para makabili ng bahay sa subdibisyong sila ang nagyari.
Makinarya ng Kapital
Liban sa maliit na sahod, halos wala ring benepisyong nakukuha ang mga manggagawa sa konstruksyon ng Manna East.
Bagaman nakatatanggap sila ng mga benepisyo mula sa PhilHealth, Pag-IBIG, at SSS, pinagkakait ng DPI ang karapatang mag-leave sa trabaho, ani Emelito. Mayroon lamang limang araw na service incentive leave (SIL) ang isang manggagawa kada taon, ngunit hindi pa nila ito magamit nang husto dahil kalahating araw lamang ang pinapayagang SIL ng DPI. Ilalaan sana ni Emelito ang kanyang SIL ngayong taon sa paglalakad ng mga dokumento para sa SSS.
Hindi rin nasusunod ang mga gampanin ng bawat manggagawa, ani Emelito. Dala ng pangambang mawalan ng hanapbuhay, napipilitang akuin ng mga manggagawa ang dagdag na trabaho nang walang karagdagang sahod. “Kapag napag-initan ka rito, ikaw na mismo ang magkukusang maghanap ng ibang foreman. Magpaliwanag ka lang, sasabihan kang reklamador. Hindi nila inuunawa iyong kalagayan ng tao,” ani Emelito.
Sa pagtitipid ng sahod at benepisyo ng mga manggagawa kinukuha ng mga kumpanyang tulad ng DPI at Filinvest ang kalakhan ng kanilang kita. Katunayan, noong 2023, nakapagtala ang Filinvest ng P14.49 bilyong tubo mula sa residential segment nito. Maaaring malaking bahagi ng halagang ito ang nagmula sa DPI, na siyang humahawak sa higit-kumulang 20 proyekto ng Filinvest sa bansa.
Kawalang-halaga
Sa pagpupumilit ng DPI na tumangan ang mga manggagawa ng mga responsibilidad na labas sa kanilang kontrata, nasasangkalan ang kaligtasan ng mga manggagawa.
Madalas, ang mga manggagawa pa mismo ang bumibili ng sariling safety gloves, ani Emelito. Bunsod ng kapabayaan ng DPI, naaksidente ang isang manggagawa at nabagsakan ng entrance post ng konstruksyon. Bagaman inasikaso ng DPI ang gastusin sa pagpapagamot, tinanggal din ang manggagawa sa kalaunan at binayaran ng kaunting halaga dahil hindi na ito makapagtrabaho, kwento ni Emelito.
Higit pa rito, maraming manggagawang nagtatrabaho sa Manna East nang walang pinirmahang kontrata. Layunin ng kontratang linawin ang responsibilidad ng isang manggagawa sa trabaho, kalakip ng kanyang mga karapatan at benepisyong dapat niyang makuha. Sa kawalan ng kontrata, nagkakaroon ng mas malaking posibilidad ng pang-aabuso at di makataong pagtrato sa mga manggagawa.
Bagaman nakasaad sa batas na hindi kailangan ang pormal na dokumento upang mapatunayan ang pagiging empleyado, mahalaga ang kontrata bilang proteksyon ng mga manggagawa sa ligal na aspeto ng labor dispute, ani Sonny Matula, tagapangulo ng Federation of Free Workers.
Pagbibigkis at Pagbuwag
Sa kabuuan, lahat ng mga manggagawa sa DEAL ay direct-hire ng DPI, nangangahulugang DPI ang kumuha sa kanila at hindi dumaan sa manpower agency. Subalit dahil tali ang kanilang kontrata sa mga proyekto, nananatili silang kontraktwal. Bagaman higit tatlong taon nang nagtatrabaho sa DPI ang kalakhan ng manggagawa sa unyon, hindi sila ginawang regular ng kumpanya.
“Isinusulong natin na i-review ang Article 106 ng Labor Code tungkol sa kontraktwalisasyon. Para hindi mang-abuso ang mga employer, regular employment must be the norm, at dapat categorical ang prohibition sa labor-only contracting,” ani Matula.
Noong Nobyembre 2023, nagkaisa ang mga manggagawa upang mabuo ang DEAL bunsod ng di makataong kondisyon sa trabaho sa ilalim ng DPI. Makalipas ang isang buwan, opisyal na narehistro ang unyon sa Department of Labor and Employment.
Hawak ng mga manggagawa ang dokumentong nagsasaad ng kanilang karapatang mag-unyon at magsagawa ng welga. Saklaw ng batas ang seguridad ng mga manggagawa mula sa anumang banta o aktwal na karahasan mula sa mga organisasyong tutol sa gawain ng unyon. (Gie Rodenas/Philippine Collegian)
Subalit matapos malamang ganap nang rehistrado ang DEAL, agarang tinanggal ng DPI ang mga manggagawang sumapi sa unyon.
“Nagpaskil lang sila ng listahan ng mga tatanggalin nila…Sinadya nilang unahin ang mga opisyal ng unyon para hindi nila kami mapagtanggol,” ani Emelito. Bagaman sa Oktubre ang katapusan ng kanyang kontrata sa proyekto, sapilitang pinapirma si Emelito ng end of contract ng DPI noong Marso.
Malinaw sa Labor Code na karapatan ng mga manggagawang maabisuhan sa anumang suspensyon, relokasyon, o pagkakatanggal sa trabaho at mabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili. “Dapat hindi matanggal ang isang manggagawa [sa trabaho] nang walang dahilan. [Maituturing] illegal dismissal ang pag-violate ng length of service sa kontrata kapag hindi authorized ang end of contract,” ani Matula.
Ayon sa DPI, pagtatapos ng proyekto ang dahilan ng tanggalan. Ngunit nabalitaan nina Emelito na pinalitan sila ng mga subcontracted na manggagawa mula sa mga manpower agency. Dahil nasa mga manpower agency ang direktang pananagutan sa mga manggagawa, nakatitipid ang mga kumpanya sa pag-aasikaso ng mga benepisyo at ibang pangangailangan ng mga manggagawa.
Malinaw sa DEAL na taktika lamang ito ng DPI upang buwagin ang kanilang unyon at takasan ang pananagutan.
Sa higit 10 hearing na naganap, P32,000 lamang ang iminumungkahing kompensasyon ng DPI sa mga manggagawang nawalan ng trabaho. Nasa dalawang buwang sahod lamang ito ng mga manggagawa at higit na kapos sa ilang buwang trabaho na natitira pa sa kanilang kontrata, ani Emelito.
Patuloy ang welga hanggang hindi tinutugunan ng DPI ang panawagang ibalik sa trabaho ang mga manggagawa, at kilalanin ang kanilang karapatan na mag-unyon. (Gie Rodenas/Philippine Collegian)
Nagpapatuloy ang kampuhan ng mga manggagawa ng DEAL bagaman higit isang buwan na mula nang naganap ang tanggalan. Tulad ng mga itinindig na kabahayan sa pinagtrabahuang subdibisyon, mananatiling nakatindig ang kampuhan at ang mga manggagawa hanggang hindi nakakamit ang mga batayang karapatang ipinagkait sa kanila ng DPI. ●