Limang buwan matapos pagkasunduan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan, nananatili ang pandarahas ng estado sa mga peace consultant at iligal na pagpatay sa mga kasapi ng rebeldeng grupo. Nitong Abril, pinaslang ng estado si Kaliska Peralta, miyembro ng New People’s Army (NPA) at dating mag-aaral ng UP Diliman.
Nasawi si Peralta, kasama ng tatlo pang rebolusyonaryo, habang sila’y di armado. Taliwas naman dito ang ulat ng estado: Namatay umano sina Peralta sa isang engkwentro.
Ngunit malaon nang taktika ng estado na kasangkapin ang mga programang kontra-insurhensya nito sa paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL). Sa ilalim ng IHL, hindi maaaring paslangin ang mga taong wala nang kakayahang lumaban.
Isa lamang si Peralta sa maraming biktima ng pandarahas ng estado. Mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2023, kumitil ang estado ng 67 biktima sa mga pekeng engkwentro, ayon sa tala ng Karapatan. Sa ilalim ng ipinalalaganap na naratibo ng estado rin nawala ang buhay ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, at Ericson Acosta, pawang mga NDFP peace consultant.
Huwad ang anumang tangkang pagsulong ng estado sa kapayapaan kung hindi nito natutugunan ang obligasyong sundin ang mga patakaran ng giyera, tulad ng IHL, na pumapaloob sa international law. Sa tabing ng whole-of-nation approach ng estado, pinapangatuwiranan ang pagpuntirya sa mga komunidad at grupong iniuugnay ng gobyerno sa armadong kilusan.
Lantad ito sa walang habas na pambobomba ng estado sa mga komunidad sa kanayunan kung saan primaryang biktima ang mga magsasaka at katutubo. Bunsod ng mga ito, napipilitang lumikas ang mga residente, nasisira ang mga pananim, napipinsala ang mga lupang ninuno, at tumitindi ang polusyon.
Hindi na maikukubli ng estado ang taktika ng kanilang panlilinlang: magmistulang bukas sa usaping pangkapayapaan habang patuloy na sinasagot ng dahas ang mga miyembro ng mga grupong kasama nito sa negosasyon.
Bagaman isang simulain ang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan sa kabi-kabilang paglabag sa IHL at pakikipag-ugnayan ng estado sa mga grupong lumalahok sa armadong pakikibaka, walang maaatim na pagbabago kung taliwas sa salitang ipinapangako ang kinikilos ng estado. Ang pangunahing layunin ng usaping pangkapayapaan ay hindi lamang wakasan ang mga armadong engkwentro, bagkus ang pag-uugat sa pinagmulan ng armadong pakikibaka—kahirapan, at kawalan ng trabaho at lupa.
Bagaman malayo pa ang daang kailangang bagtasin tungo sa ganap na kapayapaan, esensyal ang pagtalima ng estado sa IHL na pinangako nitong sundin. Gayundin, marapat lamang na isulong ng gobyerno ang usaping pangkapayapaan at IHL upang siguruhin ang kaligtasan ng mga sibilyan at bawasan ang pinsala ng giyera sa mga komunidad na laganap at masidhi ang digmaan.
Bagaman naglulunsad ang Commission on Human Rights (CHR) ng mga human rights education at diskusyon ng IHL sa kapulisan at mga militar, nananatiling kahingian na manggaling mismo ang pagwawasto mula sa armadong pwersa ng estado. Ang pangangailangang imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, latak na iniwan ng administrasyong Marcos Sr., ang nagluwal sa CHR.
Hindi na bago ang isang administrasyong pumopostura para sa kapayapaan para lamang biguin ang taumbayan sa huli. Kung gayon, ang kagyat na pagkakaisa at pagpapasya ng taumbayan na wakasan ang paglabag ng estado sa karapatang pantao ang tuluyang magbibigay-daan sa tunay na pagsulong ng kapayapaan. ●