Nakaranas ng ilang beses na pagsikil sa kalayaan ang pahayagang pangkampus ng University of Caloocan (UCC) mula sa pamunuan ng unibersidad matapos ipabura sa The New Crossroads (TNC) ang isa sa mga artikulo nito.
Pinatanggal ng UCC ang isang akda tungkol sa sexual harassment ilang araw matapos mailathala sa Facebook page ng TNC, ayon sa kay John Drave Brion, punong patnugot ng TNC, sa panayam ng Collegian. Ang TNC ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UCC.
Mula 2010, nakapagtala ang College Editors Guild of the Philippines ng halos 1,000 kaso tulad ng harassment, red-tagging, terrorist tagging, panghihimasok ng pamunuan ng paaralan, at censorship.
Matapos ipatanggal ang kanilang artikulo sa Facebook noong Pebrero, agad na nagsagawa ng pulong ang publikasyon kasama ang kanilang technical adviser na si Bernadette Enriquez, na siya ring dekana ng UCC College of Liberal Arts and Sciences. Sa parehong pulong, inabisuhan ni Enriquez ang patnugutan na “bawasan” ang paglalathala hinggil sa EDSA People Power Revolution.
“Sinabihan niya (Enriquez) kami na we can repost it pero may kasamang pagbabanta kung anong mangyayari,” ani Brion.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nanghimasok ang pamunuan ng UCC sa pahayagan. Sa panayam pa lamang kay Brion bago manungkulan bilang punong patnugot, mayroon nang mga katanungan sa kanya gaya ng “neutrality at paano ma-e-establish ang [magandang ugnayan sa] UCC administration.”
Mayroon ding ibinalita ang TNC hinggil sa hindi pagpapapasok ng administrasyon ng UCC sa mga estudyanteng kumundena sa panukalang mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC) sa pamamagitan ng pagsusuot ng itim na damit. Kalaunan, pinatanggal ng administrasyon ng unibersidad ang artikulo dahil "na-vi-villainize" daw sila, ayon kay Brion.
Dagdag ni Brion, mayroong isinulat na editoryal ang TNC hinggil sa pagtapyas ng pondo sa pamantasan, ngunit hindi ito pinayagan ng administrasyon ng UCC na mailathala dahil anila “hindi concern” iyon ng mga estudyante dahil “LGU ang nagpapaaral sa kanila.”
Noong 2021, suspensyon sa online page at kabi-kabilang pagpapatawag sa mga miyembro ng dating pahayagang TNC of the North (TNCN) ng UCC North Campus ang hinarap ng pahayagan nang maglabas ito ng isang editoryal hinggil sa “apoliticism” at “patronage politics” sa UCC.
Ipinatigil ang operasyon ng pahayagan matapos maglabas ang TNCN ng isang kolum noong 2022 hinggil sa aktibismo at red-tagging. Sa parehong taon din ipinasara ang TNCN.
Magkahiwalay ang pahayagan ng UCC north at south campus noon ngunit pinag-isa na lamang ang dalawa bilang UCC The New Crossroads.
Nakasaad sa Campus Journalism Act of 1991 na technical guidance lamang ang tungkulin ng isang adviser at may kalayaan ang bawat pahayagan mula sa anumang uri ng panghihimasok sa mga inilalathala nito.
Samantala, sa inihaing Campus Press Freedom Bill ng Kabataan Party-list, pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000, ikukulong nang isa hanggang limang taon, o parehas ang mapatutunayang lumabag sa panukalang batas.
“Manatiling tumindig para sa mga kapwa estudyante at maging sa masa para maghatid ng katotohanang magsisilbing boses para sa mga nangangailangang mapakinggan,” ani Brion. ●