Pinasok ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas, Cavite ang Lupang Ramos dala ang isang demolition notice at pilit na ipinatanggal ang tarangkahan ng komunidad noong Hunyo 3.
Nakasaad sa abiso na ang tarangkahan na bahagi ng 372 ektarya ng Lupang Ramos ay isang obstruksyon at itinuturing na iligal dahil nakatayo ito sa isang barangay road. Pero ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid - Lupang Ramos (KASAMA-LR), hindi man lamang dumaan ang abiso sa mga opisyal ng barangay.
Pinangunahan ng konsehal na si Kiko Barzaga ang pagpapatanggal sa tarangkahan. Si Barzaga ang pinuno ng Municipal Task Force to End Local Communists Armed Conflict at kilala sa pan-re-red-tag sa mga indibidwal, estudyante, at progresibong grupo sa Cavite.
Para sa mga residente ng Lupang Ramos, nagsisilbing proteksyon ang tarangkahan mula sa paulit-ulit na panggigipit ng mga militar, kapulisan, at Task Force Ugnay, na binubuo ng Armed Forces of the Philippines - 2nd Infantry Division at Philippine National Police (PNP) Regional Office CALABARZON.
Sa gabi ng Hunyo 4, pagkatapos tanggalin ang tarangkahan sa Lupang Ramos ay nagkaisa ang mga residente ng Lupang Ramos para paalisin ang isang mobil ng PNP matapos tangkain nitong pasukin ang lupain.
Pero hindi ito ang unang pagkakataon na ginipit ang mga residente ng Lupang Ramos. Taong 2018 nang pinaputukan ng mga armadong lalaki ang kampuhan ng mga magsasaka. Pinaghihinalaang binayaran ng land agent na si Rudy Herrera at barangay kagawad na si Nestor Pangilinan ang mga armadong lalaki, iginiit din nila na sa kanila ang lupain.
Noong October 23, 2020 naman, pinadalhan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at National Power Corporation ang mga residente ng “notice to vacate” para tayuan ang Lupang Ramos ng mga tore ng kuryente. Saad pa sa abiso na hanggang Disyembre 22, 2020 na lamang sila maaaring manatili sa lupain.
Hindi natuloy ang demolisyon dahil nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng KASAMA-LR, NGCP, at ang lokal na pamahalaan ng Dasmariñas. Gayunpaman, hindi pa rin naisasakatuparan ang tunay na reporma sa lupa at nananatiling mga naghaharing-uri pa rin ang nagmamay-ari ng mga lupain.
Isang malawak na lupang agrikultural ang Lupang Ramos na ikinabubuhay ng mga residente nito. Matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasakang nakatira rito na maipamahagi sa kanila ang lupa simula nang kamkamin ito ng pamilya ni Emerito Ramos noong 1965.
Noong Pebrero 17, 2010 pa itinatag ang KASAMA-LR na sinalihan ng daan-daang magsasaka ng Lupang Ramos para isulong ang kapakanan ng mga magsasaka. Higit isang dekada na rin nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa sa pamamagitan ng pagtatayo ng tarangkahan at sama-samang bungkalan.
Bukod sa paglutas sa mga sigalot sa lupa, hiling din ng mga taga-Lupang Ramos sa sangguniang panlungsod na magkaroon ng maayos na dayalogo sa pagitan nila upang mabigyang-linaw kung mayroong bang pormal na resolusyon hinggil sa pagpapatanggal ng kanilang tarangkahan.
“Kaming mga magsasaka ay walang nilalabag na batas sa pagtitindig ng aming boom at pagdepensa sa aming karapatang pantao,” saad sa isang pahayag ng KASAMA LR. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Hunyo 2024