Tuwing Hunyo, namumutawi ang kulay ng bahaghari sa buong mundo. Nagsisimula na ang pagsabit ng pride flag sa mga gusali, minsan, kulay bahaghari pa ang mismong mga pader. Hindi maipagkakaila na marami nang naabot na tagumpay ang LGBTQ+ community sa kanilang laban para sa pagkakapantay-pantay. At bagaman namamayani pa rin ang pang-aapi, makikita na sa ilang institusyon ang pagtunggali sa diskriminasyon at abusong nararanasan ng komunidad. Ngunit sa likod ng suporta, mahalaga ang pananatiling kritikal kung para saan ito.
Inklusibo kung ipinta ng Israel ang kanilang bansa sa mga LGBTQ+. Ngunit ang Pinkwashing, o pulitikal na promosyon ng Israel na kaisa at bukas ito sa sektor, ay kasangkapan ng estado upang pagtakpan ang kalupitan ng kanilang pananakop sa Palestine. Sa paraang ito, sadyang ibinabaling ng estado ang publiko sa huwad nitong pagsuporta sa LGBTQ+ community sa pamamagitan ng iba-ibang aktibidad at kampanya.
Ipinapanawagan ngayon ng mga progresibong miyembro ng LGBTQ+, tulad ng No Pride in Genocide, ang malawakang pagtunggali sa ipinapalaganap na Pinkwashing ng Israel. Sa radikal na kasaysayang pinagmulan ng kilusan ng LGBTQ+ community, mahalagang maiangat ang kanilang papel na ginagampanan sa pandaigdigang pagkilos upang makamit ang tunay na kalayaan–mula sa anumang maka-uri at pangkasariang panunupil.
Pagsasainstrumento
Ginagawang instrumento ang komunidad ng LGBTQ+ sa Israel upang malehitimisa ang karahasang ipinapalaganap ng kanilang okupasyon. Nagiging estratehiya ang Pinkwashing na may “pagtanggap” ito sa komunidad upang makabuo ng pananaw na demokratiko at liberal ang patakaran ng estado, ayon kay Sara Gregory, isang mamamahayag sa Estados Unidos.
Sa simpatya at suportang makukuha ng Israel, itatanim nila sa kamalayan ng publiko na “makatarungan” ang paggamit ng dahas sa pananakop. Makikita ito sa mariin nilang pagpipinta sa Palestine bilang lubusang “bayolente” at “homophobic,” at kailangan nilang “iligtas” ang mga Palestinong LGBTQ+ mula rito.
Umabot na sa 37, 266 Palestino ang kinitil ng Israel Defense Force (IDF) mula Oktubre 7, ayon sa datos ng health ministry ng Gaza. Kabilang sa mga biktima ng IDF ay pawang mga bata, kababaihan, at LGBTQ+.
Ngunit upang magbigay umano ng pag-asa, ipinakalat ng estado ng Israel ang larawan ng isang LGBTQ+ na sundalo sa IDF habang hawak ang pride flag sa likod ng mga gumuhong gusali sa Gaza. Nitong Disyembre 2023, nag-post ang Israel ng litrato ng isang same-sex couple mula sa IDF upang ipakita ang naratibong may paggalang ang estado sa kalayaan ng kanilang mamamayan.
Sistematiko ang pisikal at sikolohikal na pang-aabuso ng IDF sa mga Palestino, lalo na sa Palestinong LGBTQ+. Nangyayari ito sa Shin Bet, internal security agency sa Israel, kung saan pinipilit ang mga Palestinong LGBTQ+ na maging espiya para sa ahensya, kapalit ng hindi pagsuplong sa kanilang kasarian.
Bukod sa pagsasawalang-bahala sa karahasan ng IDF, ibinabaon din sa publiko ng dominanteng midya ang kolektibong pagkilos ng mga Palestinong LGBTQ+ laban sa henosidyo. Higit, ang naratibong ipinapalaganap ng Israel sa midya ay ang kanilang “progresibong” pagtingin sa komunidad, sa gitna ng pagiging “bayolente” at “homophobic” umanong mga Muslim.
Pagbubukod-bukod
Maraming miyembro ng LGBTQ+ sa Israel ang may Zionistang pananaw, ayon kay Samira Saraya, mula sa Aswat, isang LGBTQ+ organization sa Palestine. Aniya, maging ang mga Palestinong LGBTQ+ ay dumaranas din ng diskriminasyon mula sa LGBTQ+ community ng Israel.
Buhat ng ideolohiyang Zionist na malaon nang ipinapalaganap ng estado ng Israel, naikikintal ang pag-iisip na hindi kapantay ng mga Israeli ang mga Palestino. Sa paniniwalang sila ay “demokratiko,” itinatatak na ang mga Arabo at Muslim ay “atrasado.”
Ngunit dantay sa kasaysayan bilang batayan, walang iginagalang na anumang sektor o kasarian ang isang kolonisador. Maging sa kasaysayan ng Pilipinas, kinasangkapan ng kolonyalistang Kastila sa kanilang pananakop ang pagbansag sa mga cultural-bearer ng katutubong komunidad, o ang mga Babaylan at Asog Babaylan, bilang “demonyo” at “mangkukulam.”
Sa pamamagitan ng Pinkwashing, ang LGBTQ+ community ay ginagamit sa pagpapakalat ng hungkag na imahe ng pagiging demokratiko ng estado ng Israel. Dito, ang komunidad na dapat sanang nagkakaisa upang labanan ang pananamantala sa kapwa ay nakapagbibigay daan pa sa lalong pang-aabuso at diskriminasyon.
Pagbubuklod-buklod
Hindi maihihiwalay ang paglaya ng kasarian sa makauring paglaya. Ang karahasan, na nag-uugat mula sa nagpapatuloy na pananakop ng mga makapangyarihang bansa, ay matutuldukan lamang sa paglansag sa mga baluktot na paniniwalang may lahi o kasariang nakatataas.
Noon pa man, mayroon nang masikhay na pagkakaisa ang mga LGBTQ+ para sa Palestine. Makikita ito sa mga akda ng pagtindig ni James Baldwin, isang aktibista at manunulat sa Estados Unidos, para sa kalayaan ng Palestino mula sa okupasyon ng Israel.
Gamit ang mga hakbanging pag-oorganisa at pagpapakilos sa publiko, tulad ng Queer Artists for Palestine, kolektibong naipapanawagan ang tigil-putukan at natutunggali ang Pinkwashing ng Israel. Ibinabahagi rin ng mga Palestinong LGBTQ+ ang kanilang danas sa gitna ng henosidyo, sa tulong ng online mapping platform na Queering The Map. Sa ganitong paraan, bukod sa lalong napagkakaisa ang kanilang komunidad, napapalawak din ang pagkilos upang wakasan ang panunupil ng Israel sa Palestine.
Lampas ngayong Hunyo, nananatili ang malaki nating gampanin para sa pandaigdigang pagkilos na lalaban para sa tunay na kasarinlan. Dito, higit nating maipapahayag na walang sinuman ang dapat nakararanas ng karahasan, anuman ang lahing pinagmulan o kasarian. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Hunyo 2024