Hindi lang masamang panahon ang nagbabadya sa darating na mga araw. Para sa mga magsisitapos na mga Iskolar ng Bayan, naghihintay na ang pagtanggap sa hamong kaakibat ng edukasyong utang natin sa taumbayan: ang maglingkod sa mamamayan.
Nitong Miyerkules, umabot sa 200,000 katao ang lumikas sa matinding pag-ulan at pagbaha buhat ng Bagyong Carina at habagat. Kabilang sa mga lubos na naapektuhan ang ilan sa kapwa iskolar at ang kanilang mga pamilya na maaaring di makakasama ngayong araw ng pagtatapos.
Malinaw ang katotohanang ito: Mananatili pa ring mapaniil at batbat ng suliranin ang lipunan sa ating paglabas sa akademya. Hindi lahat ay makapagdiriwang, hindi lahat ay may kakayahang makabangon agad. At nitong mga nakaraang araw, wala nang pagkukunwari ang estado sa papel nito sa lalong pagpapahirap sa atin.
Hanggang ngayon, mamamayan at mga organisasyon ang nakakapunan sa napakalaking pagkukulang ng gobyerno sa pagpapatupad ng maayos na sistemang pansakuna. Ano pa’t gobyerno rin naman ang nagdudulot ng trahedya sa pamamagitan ng palpak na mga proyektong pang-imprastraktura, pagpapahintulot ng mga proyektong reklamasyon, at pagmimina sa mga kabundukan. Naghahasik ng karahasan ang mga pwersa ng estado laban sa sinumang tumitindig para sa kalikasan. Nakadulo lahat ng ito sa pagprotekta sa interes ng mga malalaking kumpanya na malayang nananamantala ng ating likas-yaman.
Kasabay ring inaanak ng parehong sistemang nagpahintulot sa matinding kawalan ng katarungang pangklima ang iba-ibang krisis panlipunan na haharapin ng bawat iskolar. Sa ating pagtatapos, bubungad sa atin ang kahirapan sa paghahanap ng trabaho na may nakakasapat na sahod. At habang naghahanap, nakikipagtuos tayo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang mga kahirapang naghihintay sa atin sa hinaharap ay dulot ng mga patakarang tanging mga makakapangyarihan lamang ang nakikinabang. At sa sistemang ipinapamandila ng gobyernong kontrolado nila, pilit tayong pinapaniwala na wala tayong magagawa, na kailangan nating sumunod at isangla ang sarili para sa kanilang interes. Ngunit batid nating hindi dapat nagpapatuloy ang ganitong uri ng lipunan.
Ito ang “tunay na mundo” na naghihintay sa atin sa paglabas natin sa pamantasan. Sa ganitong kondisyon, walang katiyakan ang kinabukasan, walang maaasahang ginhawa. Kung gayon, sa pagtanggap natin sa mga diploma ngayon, nahaharap tayo sa pagpili kung ipagpapatuloy o tatalikuran ang hamong kumilos tungo sa pagbabago ng lipunan.
Kritikal ang pagpapasya ng bawat iskolar sa kanilang tatahaking hakbang matapos ang pagtatapos. Isang malinaw na hakbang pasulong ang pagpili na sumama sa laban ng mamamayan tungo sa paglaya mula sa mapaniil na lipunan. Malaking hakbang paatras ang pananahimik at pagiging instrumento ng pagpapanatili ng kasalukuyang kaayusan.
Ngayong tumutungo tayo sa paglalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aasahang titindi pa ang mga krisis, karahasan, at kasinungalingan. Aasahan ang mga desperadong pagtatangka ng mga Marcos at Duterte upang magkamal ng higit na kapangyarihan sa paparating na halalan. Sa ganitong sitwasyon, walang lugar sa atin ang pag-atras.
Kahingian, kung gayon, sa mga mag-aaral na makiisa sa laban at tumugon sa tawag ng taumbayan. Makalalaya lang tayo sa lipunang tigib ng kawalang katarungan at karahasan kung tayo mismo ang makikiisa sa paglalagot sa sistema ng paniniil na nagbibigkis sa pagdurusa ng lahat ng sektor.
Saan man mapunta, laging may puwang ang ano mang porma ng pagkilos na dumudulo sa pagsisilbi sa mamamayan. Lilikha tayo ng mga solusyong tutugon sa pangangailangan ng sambayanan. Tutunggaliin at pananagutin natin ang gobyernong pabaya at mapang-api. Tangan ang mga aral sa iba-ibang disiplina, papanday tayo ng matibay na pundasyon para sa pag-unlad ng lahat.
Sapagkat mabigat na kasalanan sa bayan ang paglayo sa layunin ng pagiging Iskolar ng Bayan, tanging sa aktibong pakikisangkot at pagsusulong ng pagbabagong panlipunan maisasakatuparan ang tunay na esensya ng husay at dangal. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hulyo 2024.