Inis na inis ka sa akin noong nagkita tayo sa Z para magkumustahan. “No offense pero ang OA mo talaga,” sabi mo tungkol sa huli kong kolum. Natawa na lang ako dahil totoo namang medyo OA ako sa pagdadrama ko sa 1.75 na grado.
At di naman kita masisisi. Tandang-tanda ko pa ang mga huling buwan mo sa UP bago ka grumadweyt. May dalawang subject kang alanganin noon at mukhang ma-de-delay ka na naman ng isa pang semestre. Sinubukan mo ang lahat ng klaseng pagpupuyat at pagpapagod para maisalba ang acads mo. Buti na nairaos mo rin ang pag-aaral mo’t naitupad mo rin ang pangako sa pamilya na huling sem mo na iyon.
Ngunit di mo maiwasang tawagin ang sarili na delayed at bagsakin. Pero sana wag mo namang sisihin ang sarili mo. Kung hindi nga lang dahil mahal ang renta at pagkain dito sa UP kumpara sa nakasanayan mo sa probinsya, kung hindi nga lang dahil kailangan mong pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral para may pantustos ka sa pang-araw-araw, at kung hindi nga lang ikaw na ang inaasahang susunod na breadwinner ng pamilya mo, hindi ka sana umabot sa sitwasyong kailangan mong isakripisyo ang oras sa sarili at pag-aaral.
Pero kahit papaano ay sinubukan mo pa rin akong intindihin. Sabi mo pa, ang mahalaga napagtanto natin na resulta ng kasalukuyang oryentasyon ng edukasyon natin ang pagbabatay ng kagalingan ng tao sa grado at sa kung gaano siya kaproduktibo. Dahil dito, napipilit tayong isakripisyo at isangla ang sarili sa pamantayang mapapakinabangan lang ng merkado.
“Sa huli, di talaga nagma-matter yan,” dagdag mo bago mo lagukin ‘yung alak (na inakala mong ikina-cool mo pero hindi).
At naiintindihan kita. Kung sino man sa ating dalawa ang higit na may masabi tungkol sa kabiguan ng mga pangako ng neoliberal na edukasyon natin ngayon, ikaw ‘yun. Halos anim na buwan ka nang naghahanap ng maayos na trabaho matapos mong grumadweyt. Bagaman may dalawang trabaho ka naman, di naman naaayon ang mga ito sa kakayahan mo. Kailangan mo pang ipagsabay para maging sapat ang kita mo.
Kaya nang nabalitaan mong pinapangalandakan ng administrasyong Marcos na gumaganda na ang employment rate at ang kalidad ng trabaho rito sa Pilipinas, napatanong ka na lang kung bakit parang di naman ganoon yung nakikita mo. Yung mga nakasabayan mo nga na naghahanap ng trabaho o kahit dagdag na sideline ay napatigil na lang sa paghahanap dahil wala na rin talagang mahanap.
Di malayong haharapin ko rin ang mga bagay na kinikwento mo. At siguradong tulad mo, mangangamba rin ako. Sa patuloy ba namang pagtrato ng gobyerno sa edukasyon at hanapbuhay bilang negosyo, aasahan na kung anumang hirap ang dinaranas natin sa loob ng ating mga pamantasan–ang pakikipagkompetensya natin sa espasyo, slots sa mga klase, at grado–ay kapareho o higit pa ang haharapin nating paghihirap pagkatapos nating grumadweyt, kung saan makikipagbuno naman tayo para sa seguridad sa trabaho. Sa sistemang mayroon tayo ngayon, walang katiyakan ang maayos at maginhawang buhay para sa nakararami.
Kahit naparami man ang ininom kong alak sa gabing iyon at inaamin kong may pagkakataon na nawawala ako sa sarili, nailinaw mo sa akin ang kahalagahan ng patuloy na pagtaliwas sa dikta ng sistema. ●
First published in the July 22, 2024 print edition of the Collegian