Nangampanya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamit ang plataporma at tema ng pagkakaisa at pagbabago. Ngunit sa ikalawang taon ng kanyang termino, mababa pa rin ang kita ng mga manggagawa, lumalala ang paglabag sa karapatang-pantao, kulang pa rin sa proteksyon ang mga kababaihan at LGBTQ+, at nasasagasaan ang mga magsasaka, mangingisda, at jeepney driver sa mga programang “pampaunlad” ng gobyerno.
Sa ikatlong State of the Nation Address ni Marcos, maiging tingnan ang mga sektor na ngayon ay napag-iiwanan sa kanyang “Bagong Pilipinas.”
Agrikultura
Patuloy pa ring pinepeste ng mga problema ang sektor ng agrikultura, at sinusubukan itong lutasin ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-aangkat sa halip sa pagtulong sa mga lokal na pesante. Nagbunga lamang ang pagpapasa ni Marcos sa negosyanteng si Francis Laurel Tiu ng posisyon bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa mas mariing pagsusulong ng makadayuhang interes sa agrikultura.
Ngayong Hulyo, nagsimulang magbenta ang DA ng lumang bigas sa mga maralitang konsyumer sa halagang P29 kada kilo. Bukod pa rito, inaprubahan rin ni Marcos ang Executive Order No. 62 nitong Hunyo 20, na lalo lamang magpapababa ng presyo ng taripa ng bigas mula 35 porsyento patungong 15 porsyento.
Sa mga palisiyang lalong nagbubukas sa ekonomiya ng Pilipinas at ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa ang nag-udyok sa patuloy na pagbaba ng bilang nga mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura. Patunay ito sa kalagayan ng sektor ngmga magsasaka na napipilitan lumipat ng trabaho para sa mas magandang kita.
Mangingisda
Isa sa mga pangako ni Marcos ang pagpapatayo ng imprastraktura. Ngunit napag-iiwanan ang mga mangingisda sa mga proyektong ito. Dahil sa mga proyektong dredging at reklamasyon ng mga korporasyon tulad ng San Miguel Corporation, hindi makapaghanap-buhay ang mga mangingisda sa Manila Bay.
Bagaman nabibigyan sila ng ayuda, hindi nito napapantayan ang dating kita nila. Naging reaktibo lang din ang administrasyon sa pagpapatigil ng mga proyektong ito dahil ipinatigil lang ang mga ito nang magkaroon ng matinding baha sa Pampanga at Bulacan.
Bukod sa reklamasyon, gipit din ang mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa patuloy na panghihimasok ng Tsina rito. Tuluyang ginigiit ng mga grupo tulad ng PAMALAKAYA na mananatili silang gipit hanggang hindi tunay na mga patakarang nakapagsasarili ang isinusulong ng bansa sa WPS.
Ngunit hindi ito pinapairal ni Marcos dahil sa patuloy niyang pagpapalawig sa Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Karapatang-pantao
Hinatulan noong Hulyo 15 sina Rep. France Castro, dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, at 11 pang aktibista ng kasong child abuse dahil sa kanilang pagtulong sa mga estudyante at guro sa isang paaralang Lumad sa Talaingod, Davao del Norte laban sa agresyon ng militar noong 2018.
Ngunit isa lamang ang kasong ito sa maraming halimbawa ng patuloy na pag-atake ng estado laban sa mga katutubo, mambubukid, at mga indigenous peoples rights defender. Walang-hinto pa rin ang pagpapahirap ng militar sa kanayunan sa kanilang pagbobomba sa lupain at pagpaslang sa mga volunteer-teacher sa rehiyon.
Pilit na iniiwasan ni Marcos ang paghahambing ng kaniyang administrayon sa marahas at madugong pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa grupong Karapatan. Ngunit lalo pang tumaas ang bilang ng pagdadakip at pananakot sa pamumuno ni Marcos kumpara sa nakaraang administrasyon. At mas lalong lumalala ang paglabag sa karapatang-pantao ng mamamayan sa kanayunan dulot ng presensya ng militar.
Manggagawa
Noong Araw ng mga Manggagawa, ipinagtibay ni Marcos ang kanyang pangako na tutukan ang mga manggagawa sa ilalim ng “Bagong Pilipinas.” Ngunit, tila hindi ito maramdaman dahil hindi na rin mairaos ng mga manggagawa ngayon ang kanilang pang-araw-araw na buhay.
Higit na mas mababa ang tunay na halaga ng minimum wage sa panahon ni Marcos kumpara sa mga nakaraang administrasyon, ayon sa grupong pang-ekonomiyang IBON Foundation. Binatikos din ng mga grupo ang kakarampot na P35 na dagdag sa suweldo, lalo na’t ang nakaraang P610 minumum wage sa Metro Manila ay nagkakahalaga lang talaga ng P501.
Umabot naman patungong 4.1 porsyento ngayong Mayo ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho mula 3.1 porsyento noong Disyembre 2023. Bukod sa mababang bilang ng trabaho, pahirapan din para sa mga Pilipino na makahanap ng dekalidad na ikabubuhay. Ayon sa tala ng IBON, tinatayang 41.7 porsyento ng mga taong may trabaho sa bansa ay kabilang sa mga impormal na sektor.
Transportasyon
Ngayong taong ito ipinakita ni Marcos ang kanyang pagpupursigi na isakatuparan ang modernisasyon ng mga public utility vehicle (PUV) sa kabila ng mga batikos mula sa iba’t ibang sektor.
Upang sagutin ang krisis sa transportasyon, biglaang palihim na isinabatas nitong Abril 30 ang Board Resolution No. 53 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na nagbigay-pahintulot sa mga unconsolidated na PUV na bumiyahe sa mga rutang may mababang consolidation rate.
Ang kakulangan din sa kakayahan ng gobyerno na sagutin ang krisis sa transportasyon ang nag-udyok sa kanilang iatang na lang ang responsibilidad sa mga komyuter. Inagahan nila ang oras ng opisina sa gobyerno kahit na kasabay nito ang pasukan ng mga estudyante, kaysa paunlarin ang pampublikong transportasyon.
LGBTQ+ at kababaihan
Dekada na ang lumipas, ngunit ngayon lang nakalampas ng Kamara ang divorce bill, habang hindi pa rin umuusad ang SOGIE bill na matagal nang isinusulong ng LGBTQ+ groups.
Nagmumukhang malabo pa rin ang pagpapasa ng SOGIE bill sa Senado dahil sa pagtutol ng ilang senador. Sa divorce bill naman, limang senador pa lang ang nagbigay-suporta rito, malayo sa 13 na kailangan upang maipasa ito.
Kahit na pilit itong isinusulong ng iba-ibang grupo, hindi prayoridad ng administrasyon ang dalawang batas na ito. Patunay ang pagsusulong ng mga “urgent bill” nitong Hunyo tulad ng mga pagbabago sa Rice Tariffication Law at ang pagpapadali ng pamumuhunan para sa mga dayuhan, sa halip ng divorce at SOGIE bills. ●
Sulat nina Dean Gabriel Amarillas at Reg Dipasupil.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-22 ng Hulyo 2024.