Ito ang natutunan ko sa mga ospital, matapos ang ilang buwang pagdalaw kay Lolo: Sa tingin ko’y may takdang oras ang mga pasyente, at ang takdang ito ang makapagsasabi sa tsansa nilang gumaling. Kung ikaw ay lumaya sa pagkakapiit sa kama at maputulan ng posas ng mga nakakabit na IV bago ang markadong oras, tiyak ang iyong kalusugan. Ngunit kapag lumampas ka sa takdang panahon ng paglaya, may sentensya kang kamatayan sa hinihigaan.
Sinentensyahan na ang lolo ko, at isang taon makalipas, sinentensyahan na rin ang nag-iisa niyang lalaking anak. Masyado nang matagal si Lolo sa ospital, at bagaman sa bawat dalaw ay kailangan naming maging tagapagdala ng kasiyahan at buhay, alam kong sa bawat dagdag na araw na inilalagi niya roon at sa bawat Linggong bumibisita ako ay kabawasan sa pag-asang makakaalis pa siya. Di nagtagal, sinabi na rin ng mga doktor na wala na silang magagawa; masyado nang malala ang kanser, at hindi kakayanin ng kanyang katawan ang anumang operasyon.
Wala na ring magagawa ang mga magulang ko, maging ang mga kapatid at pinsan ng nanay ko. Hindi lang mga maysakit ang nakakaramdam ng kabigatan sa tuwing hinahatulan sila. May kakaibang bigat din ito para sa pamilya dahil sa huli, sila ang mawawalan, maiiwanan kung maipagkakait ang alagang kailangan ng pasyente. Ngunit wala kang magagawa kung ubos na ang kaya mong ibigay. At minsan, ang kabigatan sa pagkawala ng mahal sa buhay ay kaalwanan sa kanilang natitira sa mundo.
Tahimik ang lolo ko at hindi niya gusto ang atensyon noon pang malakas siya, at dinala niya ito hanggang sa magkasakit at maratay siya sa kama. Marahil nasa lahi ang ganitong ugali; tumanggi rin ang tito kong pagkagastusan siya nang siya naman ang magkasakit isang taon makalipas mamatay si Lolo. Siya rin kasi ang sanay na magbigay; lahat ng kita sa abroad ay ipinapadala sa pamilya, at may mga pagkakataong siya pa ang hihingi ng paumanhin kapag walang naibibigay sa aking allowance o load.
Marahil malay siyang nauubos na rin ang kayang ibigay ng kanyang mga kapatid, lalo’t hindi pa sila nakakabawi sa mga inutang at ginastos kay Lolo noong nakaraang taon. Kaya sa pagpapasya at pagtanggap ng tito ko, at marahil ng lolo, na igugol ang natitirang panahon sa kanilang bahay, hindi lang siguro kalayaan mula sa pananakit ng mga kalamnan ang idinalangin niya, kundi pati paglaya ng kanyang mga kaanak sa pagod at paghihirap, matugunan lang ang kanyang pangangailangan.
Kasalanan ba, kung sa pagkakataong malaman mong ihininga na nila ang huli ay siya namang pagbuga mo ng ginhawa? Nariyan ang hinagpis na wala na silang bumuhay sa’yo at nakasama mo, nariyan ang pangungulila sa pagkakaroon ng tila malaking butas sa pamumuhay magmula sa araw na ito. Ngunit posible kaya, na kapag sinasabi nating, “Salamat at hindi na siya nahihirapan,” ay sinasabi natin ito sa ating sarili? Nakakalungkot isiping wala na akong bibisitahin tuwing Linggo, ngunit may kagaanan sa kawalan ng iisiping bayarin sa ospital at mga gamot.
Kung minsan, ang kagaanan ay hindi lang dahil malaya na tayo sa mga pang-ekonomikong aspeto ng kanilang pananatiling buhay. Ang kaalwanan ay maaari ring dahil hindi na natin sila kailangang isipin o problemahin. May mga pagkakataong tayong mga maiiwan ang nangangailangan ng kalayaan mula sa kanila.
Sa pagkamatay ng nakababatang kapatid ng aking ama, matapos ang pagkatakot, dahil nalaman kong ako pala ang huli niyang nakasalamuha bago atakihin sa puso, ay pakiramdam ng ginhawa. Ginugol ng tito ko ang kalakhan ng kanyang buhay nang lulong sa alak. Kapag may tama’y wala sa sarili kaya hindi pinapapasok sa bahay; at kung hindi lasing, naghahanap ito ng maipapambili ng bote o di kaya’y nangangapitbahay, nangangapit-inuman sa kabilang barangay. Hindi ko siya ginustong mamatay, at maging mga kapatid niyang tinitiis na lang siya ay hindi rin ito gustong mangyari. Ngunit sa totoo lang, tila maging siya ay wala na ring tinitingnan pang matinong kapalaran.
Gusto natin, at gagawin natin ang lahat ng paraan mapanatili lang na buhay ang minamahal, ngunit kung masyado nang mabigat, tingin ko’y hindi naman nila tayo masisisi. O kung hindi man, at galit nga sila dahil sa mga naramdaman ko, malaya silang parusahan ako, ipadama sa akin ang naranasan nila.
Ganoon siguro talaga kapag limitado ka. Palagay ko’y hindi ko naman ito maisusulat kung may sapat kaming yaman upang maipagamot sa pinakamagagandang pasilidad ang mga kaanak at magkaroon pa rin ng sapat na pera para naman sa sarili naming kinabukasan. Marahil ang madaling pagtanggap sa kamatayan ay bunsod na rin ng pagmimistulang normal ng mga pagkawala ngayong may pandemya. Sa sunod-sunod na pagkamatay ng dating mga kaibigan at mga kakilala dahil sa hindi matugunang krisis, mas dama natin ang pagiging limitado. Kaya madaling tanggapin ang pagkawala, ngunit mananatili minsan ang poot dahil wala tayong nagawa para sa kanila.
Ang sabi, pantay-pantay ang lahat sa kamatayan, ngunit maiiba siguro ako. Maaaring iisa ang kahahantungan ng lahat, ngunit hindi pare-pareho ang estado ng mga taong iiwanan natin. Ang mayayaman marahil, kapag namatay, ay mamamatay nang walang alinlangan. Ngunit para sa aming nangangailangang ibuhos ang lahat ng ari-arian sa pagpapagamot sa pamilyang mawawala rin, lilisan siguro sila nang may pangamba at baka sisihin pa ang sarili dahil iiwan niya ang pamilyang ubos na. ●