Laging malakas ang presensya ng dalawang kabataan, na kalaunan ay magiging mga kaibigan ko rin, kada pagkilos na dinaluhan ko sa Kabite. Hindi katangkaran ang isa sa kanila pero kuhang-kuha ang atensyon mo sa lakas ng boses. Ang kasama niya, laging nasa unahan ng bulto, madalas na nagtatanghal–nag-ra-rap habang may hawak na megaphone o nakasukbit sa kanyang balikat ang isang gitara. Sa paglaon ng panahon di na lamang sila makikilala sa mga protesta sa Kabite, ngunit pati na rin sa loob at labas ng rehiyon ng Timog Katagalugan.
Makikilala sina Jian Markus “Ka Reb” Tayco at Royce Jethro “Ka Alex” Magtira bilang ilan sa mga kabataang masisikhay na kumilos sa Kabite at sa kalaunan, mga rebolusyunaryo ng Batangas. Magdadalawang taon na mula nang huli ko silang nabalitaan kaya laking gulat ko nung natanggap ko ang balita sa isang pahayag. Kabilang silang dalawa sa tatlong napaslang sa naganap sa engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at 59th Infantry Battalion noong ika-23 ng Hunyo sa Tuy, Batangas.
Nagsimula sina Jet at Tayco bilang parte ng mga kabataang nag-oorganisa sa Kabite. Ang lantarang paglabag sa karapatang pantao noong pandemya ang nagmulat sa kanila, at mula doon, nagsumikap silang mag-organisa sa hanay ng kabataan.
Una ko silang nakilala sa Workers’ Assistance Center kung saan malugod nila akong tinanggap at ginabayan sa pagpipinta ng mga placard tuwing prodwork. Hindi sila madaling makalimutan—mula sa pakikipagkantahan kasama ang mga magsasaka sa Lupang Ramos, hanggang sa kwentuhan at pagsusulat ng tula habang nagpipinta ng mga mural—tila sa lahat ng pagkakataong nag-oorganisa ako sa Kabite ay litaw ang presensya nila.
Handang tumugon sina Jet at Tayco tuwing dadaluyong ang krisis sa probinsya. Nariyan sila upang tumugon sa marahas na pagpapalayas sa mga mangingisda sa Maragondon noong 2022 at pandarahas sa mga magsasaka ng Lupang Tartaria noong 2021. Bagaman nagsimula ang kanilang pagkamulat sa mga online na espasyo, ang kanilang panahon ng pakikipamuhay ang mas nagpatibay sa kanilang diwa ng pakikibaka.
Ang lantarang karahasan ng estado sa komunidad na kanilang inorganisa, at mga kasamang nakatrabaho ang nagtulak sa kanila sa landas ng armadong pakikibaka. Hindi malayong maagang naunaawan nilang dalawa ang hangganan ng pakikibaka bitbit ang mga placard na panawagan laban sa bala at dahas na laging tugon ng mga pwersa ng estado.
Naging saksi sila sa biglaang putukan ng baril habang naglulunsad ng kilos protesta sa Talaba 7, Bacoor;
kabilang sila sa 64 na mga Kabitenyo na iligal na inaresto noong SONA 2020. Kanilang iniyakan ang pagpaslang sa kapwa aktibista na si Manny Asuncion sa mismong lugar kung saan ko sila nakilala.
Hindi magaan ang desisyon na tumangan ng armas. Bunga ito ng matagalang proseso ng pagpapasya at paghahanda. Sa maikling panahon na sila ay aking nakilala, napabatid sa akin nina Tayco at Jet kung saan maaaring dalhin ang pagmamahal sa komunidad at sektor na kanilang pinagsilbihan. Sa huli, ito ang nagpatibay sa kanilang desisyon na lumaban hanggang sa huling hinga.
Taong 2022 ko na huling makikita sina Tayco at Jet, at tulad ng dati, sa isang mobilisasyon ito sa Kabite. Gaya ng unang pagkakakilala ko sa kanila, nanatiling malakas ang kanilang presensya hanggang sa mga huling sandali ng kanilang pakikibaka.
Sa lakas at tapang ng mga taong makikilala ko sa probinsya ng Kabite at sa rehiyon ng Timog Katagaluhan, minsan ko lang masaksihan ito: ang tahimik na pagkababad sa dalumhati.
Ngunit sa gitna ng pagbagsak ng luha at mga mensahe ng pagpupugay at pasasalamat para kina Jet at Tayco, ang pananatili ng habilin nilang dalawa na ipagpatuloy ng mga susunod na kabataan: ang buong-loob na pagsingil para sa hustisya at tuloy-tuloy na pagsisilbi sa bayan bilang pinakamataas na anyo ng pagwasak sa tanikala ng pananamantala. ●
*Halaw sa pamagat ng tula ni Ka Alex.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-22 ng Hulyo 2024.