Maging armado sa datos at numero, maging pamilyar sa kasaysayan at konteksto: Ito ang paboritong pabaon ng mga patnugot sa mga mamamahayag tuwing tutungo sa komunidad upang mag-legwork. Ngunit sa totoo lang, kung magsasaka na ang kaharap mo, bihira mo lang na magagamit ang mga datos na minemorya at ulat na paulit-ulit mong binasa. Ano pa’t sa sarili nilang sukat at wika, kwentado na nila ang halaga ng pananamantala, danas na nila ang pang-aabuso.
Ganito ipinaliwanag sa akin ng mga magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan ang dagok ng P1.17 bilyong pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng Bagyong Carina: Kung sa karaniwang panahon ng anihan ay makabibili sila ng isang kabang bigas, ngayon ay hanggang limang kilo na lamang ang pagkakasyahin ng bawat pamilya.
Sa iniwang pinsala ng habagat sa maraming probinsya, malinaw na hindi nagmateryalisa ang P255 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways sa flood control projects para sa taong ito. At kabalintunaan sa pagmamalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang administrasyon bilang “climate advocate” sa nakaraang State of the Nation Address, kimi ang kanyang talumpati sa usaping hustisya sa klima.
Bagkus, lalong naging agresibo ang administrasyong Marcos sa panunupil sa mga environment activists. Ayon sa grupong Kalikasan, 18 environment defenders ang napaslang, habang 12 ang biktima ng desaparecidos magmula nang mag-umpisa ang pamamahala ni Marcos.
Mga magsasaka rin ang unang nakararanas sa hagupit ng tumitinding epekto ng pagbabago ng klima sa daigidig. Nitong Mayo, umabot sa P9.5 bilyon ang pagkalugi ng mga magsasaka bunsod ng matinding tagtuyot ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA). Bagaman naunang nangako noong Marso ng P300 milyong pampinansyang tulong ang kagawaran para sa nasalanta ng El Niño, kakarampot na P3,000 hanggang P5,000 lang ang natanggap ng ilang magsasaka, ayon sa grupong Amihan.
Dalawang buwan ang nakalipas, ang epekto naman ng Bagyong Carina ang hinaharap na kalbaryo ng mga pesante. Ngayon, muling pangangakuan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga magsasaka ng pautang. Higit, lalo lamang ibinulid sa utang ang maraming magsasaka sa solusyong P25,000 credit assistance na alok ng gobyerno. Tila pangungutya pa sa kalagayan ng mga magsasaka, ang mga kwalipikado lamang sa Survival and Recovery Loan Program ng DA ang makakatanggap ng pautang at ayudang binhi.
Mahalagang huwag tayong mawaglit sa prinsipal na dahilan na naglugmok sa konektadong kalagayan ng agrikultura at kalikasan: dumadaloy sa mga institusyon natin ang iba-ibang operasyon upang panatilihing pyudal ang pagsasaka, at panatilihing agresibo ang pagsaid sa natitirang rekurso ng bansa para sa tubo.
Katambal ng iniwang pinsala ng Bagyong Carina, nananatiling nagbabadya ang panghihimasok ng estado sa mga sakahan sa rehiyon ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Kaya anumang pag-oorganisa ng mga magsasaka upang makatamo ng maalwan na hanapbuhay ay tinutugunan ng iba-ibang porma ng dahas.
Nitong Hunyo 18, ilegal na pinasok at nagtanim ng mga armas ang 80th Infantry Battalion sa bahay nina Ronnie Manalo at Cecilia Rapiz, mga magsasakang organisador sa sakahan ng San Jose Del Monte, lupang inaangkin ng pamilyang Araneta. Gayundin ang tatlong buwan nang pandarahas ng mga pamilyang Aguinaldo-Ayala sa lupang Tartaria sa Cavite; mula sa panununog ng barikada ng mga magsasaka, paniniktik, at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga lider-magsasaka ng sakahan.
Madalas, ang maituturo sa isang mamamahayag tuwing tumutungo siya sa mga komunidad na pinakapinagsasamantalahan ay ito: ang pangangailangan na maisiwalat ang napakalaking anomalya sa naratibo ng estado at napag-iiwanang kalagayan ng laksa-laksang mamamayan.
Matagal na tayong armado sa mga datos at numero ng paglabag, matagal nang nakakintal sa atin ang kasaysayan at konteksto ng pagmamalupit. Ngunit nasa atin ang kalayaan na makapagbalangkas ng mga kondisyon at mga batayan sa tiyak na pagpapanagot sa mga mapagsamantala—sa wika at pag-uulat na higit tayo ang nakakagagap, nakararanas.●
Unang nailatlaha sa ika-25 isyu ng Collegian noong Hulyo 28, 2024. Binago ang datos ng kalahatang pagkalugi ng mga magsasaka bunsod ng Bagyong Carina upang umangkop sa pinakabagong ulat na datos ng Department of Agriculture, Hulyo 30.