Palalawigin pa ng Kagawaran ng Agrikultura ang programang Bigas29 sa buong kapuluan na tatagal nang isang taon, sa kabila ng pagtuligsa ng mga pesanteng grupo na nagsabing panakip-butas lamang ito para magmukhang mababa ang presyo ng bigas.
Kaugnay nito, binuksan ang dalawang bagong mga Kadiwa Center, na magsisilbing distribution site, sa Cavite at Laguna. Sa Agosto, paaabutin din ang programa sa Visayas at Mindanao.
Una nang kinondena ng Bantay Bigas, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at Amihan ang programa na magbebenta sa mga bigas na anila’y “bukbok, luma, hindi magandang klase, at hindi ligtas kainin” sa isang protesta sa Balintawak Public Market noong Hunyo 25.
“Kung gusto [ng gobyernong] magbenta ng murang bigas, dapat maayos ang kalidad at hindi parang mumo na walang choice ang mga maralita kundi sumunod sa kagustuhan nila,” ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan.
Programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Kagawaran ng Agrikultura ang Bigas29 na layong maipagbili ang bigas na tatlo hanggang anim na buwan nang nakaimbak sa storage house ng National Food Authority (NFA).
Mabibili ito sa halagang P29 kada kilo sa 10 piling Kadiwa Center sa Metro Manila at Bulacan, ngunit limitado lamang ito para sa senior citizens, single parents, persons with disabilities at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Iginiit naman ng NFA na ligtas pa rin kainin ang bigas sa kabila ng tatlong buwan na pagkakaimbak nito. Ngunit inihalintulad ng KMP ang naturang programa sa pagbebenta ng Kagawaran ng Agrikultura ng bukbok na bigas.
Kaya mungkahi ng Amihan, pagpapalakas sa lokal na produksyon at industriya ng bigas, hindi ang pagbebenta ng lumang bigas, ang dapat na gawin ng pamahalaan kung nais nitong maging abot-kaya ang presyo ng bigas.
Kasabay nito, binatikos din ng mga grupo ang pagpapababa ng taripa sa angkat na bigas sa 15 porsyento mula sa dating 35 porsyento sa ilalim ng Executive Order 62. Nanawagan ang mga grupo na ibasura ito dahil anila ang patuloy na pagbaha ng imported na bigas ang nagpapababa sa presyo ng palay ng mga magsasaka.
Ipinababasura din nila ang Rice Liberalization Law na anila’y pangunahing dahilan ng krisis sa lokal na produksyon ng bigas sa bansa.
Sa ilalim ng naturang batas, inalis ang limitasyon sa dami ng mga inaangkat na mga produktong agrikultural na pumapasok sa bansa. Pinawalang-bisa rin nito ang mga batas na kumokontrol sa pag-aangkat, pagluluwas, at pakikipagkalakal ng bigas.
“Sa patuloy na pagbaha ng imported na bigas, lalong nalulugi ang mga magsasaka, bumabagsak ang self-sufficiency, na banta sa food security ng bansa … dahil dominado ng mga malalaking importer at trader ang sektor,” saad sa pahayag ng Amihan noong Hunyo 21.
Matatandaang isa sa ipinangako ni Marcos noong nakaraang halalan ang pagpapababa ng presyo ng bigas patungong P20 kada kilo. Ngunit ayon sa grupo ng mambubukid, patuloy na mataas ang presyo nito na umaabot sa P55 hanggang higit sa P60 kada kilo.
Bunga nito, plano ng pamahalaan na muling mag-angkat ng bigas ngayong Hulyo na aabot sa 363,697 metrikong tonelada upang mapunan ang buffer stock ng bansa na inaasahang mababawasan dahil sa ipinatutupad na Bigas29 ng pamahalaan.
Una nang iniulat ng US Department of Agriculture na tataas pa ang pag-aangkat ng Pilipinas ng bigas ngayong taon at sa susunod na taon kasunod ng pag-apruba ng gobyerno sa pagpapababa sa taripa ng angkat na bigas. Tinatayang aabot sa 4.6 milyong metrikong tonelada ang aangkatin ngayong 2024 na mas mataas kumpara sa 3.6 milyong metrikong tonelada noong 2023.
“Hindi mamamayan ang makikinabang sa mababang taripa sa bigas kundi mga negosyante. Lalong liliit ang papasok na pera sa kaban ng bayan at taliwas ito sa probisyon ng [Rice Liberalization Law] na kumita para itulong sa mga magsasaka,” ani Soriano. ●