Ang kasunduan ay isang mabisang paraan upang masolusyunan ang anumang tunggalian ng dalawang panig at hindi mauwi sa dahas. Marapat na ang bawat kasunduan ay may bentahe sa dalawang panig—ito ang laging sambit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos (US) at Pilipinas. Ngunit sa reyalidad, ang mga kasunduang ito pa ang nagpapairal ng pananamantala sa mga Pilipino.
Isang magandang buhay ang ipinangako ni “Ganda” sa kanyang inang si Julita Laude. Binagtas ng dokumentaryo ni PJ Raval na “Call Her Ganda” ang malaon nang pananamantala sa kababaihan at mga LGBTQ+, bunsod ng pagpapanatili sa mga base militar ng US sa bansa. Sa dalawang oras na pagsasalaysay ng dokumentaryo mula sa perspektiba ng isang mamamahayag at inang nawalan ng anak, sa isang bagay lamang nauuwi ang mga kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas: inhustisya.
Mandato ng bawat bayan na pangalagaan ang sariling soberanya. Gayunpaman, nananatiling nakatali ang Pilipinas sa kamay ng imperyong US na kailanman ay hindi nawala ang kontrol at panghihimasok sa atin. Nananatili pa rin ang presensya ng US sa ating bansa at naging pawang sunod-sunuran ang bayan, ayon kay dating Sen. Claro Recto sa kanyang talumpati na “A Mendicant Foreign Policy” noong 1951.
Gamit ang huwad na ideya ng pagtulong, nakita ng dating pangulo ng US na si William McKinley ang pangangailangan na panatilihin ang nakatimping kontrol ng kanyang imperyo sa Pilipinas. Taong 1898, inatasan ni McKinley ang isang heneral na bumuo ng pamahalaang militar sa bansa. Ang ganitong hakbangin ang naghikayat kay dating Pangulong Manuel Roxas upang lagdaan ang Military Bases Agreement. At hanggang sa kasalukuyan, binibigyang karapatan ng kasunduang ito na magkaroon ng malayang presensya ng militar ang US sa iba-ibang bahagi ng bansa.
Sa pagpasok ng Pilipinas sa isang kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), lalong pinairal ng estado ang pananaw na hindi kayang makapag-isa ng bayan at kailangan nating manatiling nakasandig sa tulong ng mga dayuhan.
Likas na nakakiling sa dayuhan ang mga benepisyo at ganansya ng mga hindi pantay na kasunduan, tulad ng EDCA. Kapalit nito ang pananamantala sa rekurso, komunidad, at mamamayang Pilipino. Sa Visiting Forces Agreement (VFA) pa lamang na nilagdaan noong 1998, lumitaw na ang sistematikong pananamantala ng US, partikular ang kanilang paglabag sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino.
Hindi naging kagyat ang hustisya noong paslangin ni US Marine Joseph Scott Pemberton si Jennifer Laude, isang transgender woman na nagtatrabaho sa Olongapo, Zambales. Sa halip na sa New Bilibid Prison ipiit batay sa naging hatol sa isang taong paglilitis sa kaso, nanatili si Pemberton sa isang pribadong kulungan sa Camp Aguinaldo na gwardyado ng US service members.
Panghihimasukan ng US ang iba-ibang institusyon ng bansa upang maprotektahan ang kanilang mga sundalo. Mababakas din ito sa kaso ng panggagahasa ni US serviceman Daniel Smith noong 2005, kung saan nakalaya na lamang siya dahil sa biglaang pagbitaw ng biktima sa kaso noong 2009. Higit, malaki ang ginagampanan ng mga pang-militar na kasunduan sa panghihimasok ng US dahil kanilang pinapatagal ang takbo ng mga kaso, pinapagaan ang sentensya, at kung minsan ay nabubura nang tuluyan para sa mga sundalong Amerikano.
Inilantad din sa dokumentaryo ang epekto ng ganitong kasunduan sa komunidad: ang hindi pantay na pagtingin ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipinong kababaihan at mga LGBTQ+ bilang taga-benta ng aliw.
Ang presensya ng dayuhang militar sa mga lokal na komunidad ay nagbubunga ng lalong pag-usbong ng prostitusyon sa bansa, ayon sa pananaliksik ni Gabrielle Abando, isang mag-aaral mula sa University of British Columbia. Aniya, napipilitang pumasok ang kababaihan sa mga mapang-abusong relasyon upang tugunan ang kawalan o mababang oportunidad sa Pilipinas. Ang pagbebenta ng aliw ng kababaihan ay palihim namang sinusuportahan ng gobyerno sa paghikayat sa kanilang mandarayuhan sa ibang bansa, at ilihim ang tunay na trabahong dapat nilang gawin dahil sila ay nakapagkakamal din ng kita mula rito, ani Abando.
Hindi man pinalawig ng dokumentaryo, mahalagang maiugat sa patuloy na interbensyon ng mga militar ang pagkawala ng sustenableng paraan ng ikabubuhay ng mamamayan sa isang komunidad. Sa taon-taong pagdaong sa bansa, ang sektor ng pesante at mangingisda ang pangunahing nawawalan ng kabuhayan. At tulad ng naratibo ng mga lokal sa dokumentaryo, ang gayong panghihimasok ang nagtutulak sa karamihan ng mga Pilipino na pumasok sa mga delikadong trabaho.
Madaling talikuran ang batas para sa iilang pangunahing lumalabag dito. Sa anim na taon lamang na pagkakakulong, nakalaya noong 2020 si Pemberton matapos bigyan ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Upang makakuha ng paborableng transaksyon sa pagbili ng armas mula sa imperyong bansa, hayagang sinuportahan din ni Duterte ang kasunduang VFA.
Pinahintulutan din ni Marcos Jr. nitong nakaraang taon ang pagkakaroon ng akses ng US sa apat na base militar ng Pilipinas. Pumapasok sa hindi pantay na kasunduan ang ating pamahalaan upang maisulong ang kanilang pansariling interes at makatanggap ng milyong dolyar na halaga ng military assistance mula sa US.
Ngunit hindi dapat nananatiling sunod-sunuran ang ating hudikatura sa mga pang-aabuso ng US, ayon kay Abraham Acosta, isang Pilipinong abogado. Ang pagkakaroon ng kasunduan tulad ng EDCA at VFA ang patuloy na nanghahamak sa ating sariling soberanya. Kung kaya naman nararapat lamang manguna ang hudikatura sa pagtaliwas sa dikta ng mga sundalong Amerikano sa ating sariling batas.
Gayong hindi maaasahan, ang mga institusyong may mandato na magprotekta sa mga Pilipino ay unti-unti lamang ding bumabalikwas at tahasang pumapanig sa imperyong bansa. Sa kanilang adhikaing maisulong ang pansariling interes, higit na napag-iiwanan ang mamamayang nakararanas ng iba-ibang anyo ng karahasan. Gayunpaman, tulad ng nagpapanalo sa kaso ni Ganda, ang malawak na ginagampanan ng kolektibo nating pagkilos ang lalantad sa tunay nating kalagayan at magpapalaya sa ating bayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hulyo 2024.