Sa ating Tsanselor Edgardo Carlo Vistan, sa mga kapwa kong miyembro ng Board of Judges, sa aking editorial board, sa mga kasapi ng Kulê, at mga bisita, magandang hapon sa inyong lahat.
Nagsimula ang termino ng Kulê 101 na mariing kumakapit sa paalala kung bakit tayo naririto. Malaki ang inaasahan mula sa publikasyong may higit isang daang taong kasaysayan ng radikal na pamamahayag. At isa sa mga inaasahan mula sa Kulê ay ang paninilbihang higit pa sa sapat.
Sapagkat ano pa nga ba ang dapat na gampanin ng institusyong binuhay at patuloy na binubuhay ng mga naratibo ng pakikibaka ng mga sektor, kung hindi ang pakikisangkot nito sa kanilang mga laban sa pagpanday ng kasaysayan at kinabukasan ng bayan. Kaya noong nakaraang taon, upang patuloy na matanganan ang ganitong tungkulin, hinarap ng Kulê ang hamon ng pagbangon at pagbago–pagbangon mula sa pagkakahiwa-hiwalay na presswork dulot ng pandemya, at pagbago ng pamamaraan ng pagbabalita na naaayon sa kahingian ng panahon.
Pinaunlad ng patnugutan ang mga platapormang digital ng Kulê, mula sa patuloy na paglathala sa website nito, sa paglalabas ng mga news reel at iba pang short-form videos nang mas madalas at mas regular, hanggang sa pagsusubok ng mga animated na grapix. Pinagsikapan din nating ibalik ang presensya ng Kulê sa mga pisikal na espasyo. Nitong nakaraang taon, sumuong muli sa halos lingguhang pag-iimprenta ng tabloid ang pahayagan. Nakapaglabas tayo ng 25 na isyu ng Kulê. Huli nating nagawa ito noong 2018.
Bagaman sinasabing hindi na akma sa panahon ngayon ang pag-iimprenta ng dyaryo dahil marami-rami sa ating mga mambabasa ay online nang tumatangkilik sa pahayagan, naninindigan ang Kulê sa kahalagahan ng pag-aabot ng mga balita sa mas maraming espasyo sa mas lalong madaling panahon–mapa-digital man, pisikal, sa gilid man ng hagdanan sa AS, sa kanto, at higit,sa lansangan, kung saan naroroon ang mas marami pang mga mambabasa natin.
Ang pagpapalawak ng ating pagbabalita ay pagsisiguro na kagyat na makararating sa mga mambabasa ang mga naratibong mas matimbang at mga pagsusuring may talab na makapagpapamulat at makapagpapakilos. Nakiisa tayo sa pagsisiwalat ng mga pahirap na patakaran ng gobyerno tulad ng jeepney phaseout, at ang pagtutulak ng administrasyong Marcos ng charter change. Patuloy tayong nagbabalita ng mga pag-atake sa mga karapatan ng mga kabataan, kababaihan, magsasaka, at manggagawa.
Sa loob ng ating pamantasan, higit pa sa pag-unawa ng dahilan sa likod ng humihinang partisipasyon ng mga estudyante, nakikiisa rin tayo sa pag-iisip kung paano natin ito pasisiglahin.
Batid naming hindi madali ang pagganap nitong tungkulin. Totoong nangangapa kami noong kakasimula pa lang. Di rin maiwasang mapilayan ang mga operasyon sa tuwing may umaalis na mga miyembro (na may kanya-kanyang dahilan naman ng pag-alis). Sa pagdaluyong ng iba-ibang krisis sa lipunan, hindi hiwalay ang Kulê sa pagiging apektado nito. Ngunit, lagi nating inaalala ang ating mas malaking gampanin–ang dahilan kung bakit tayo naririto, kung bakit pinipili nating makialam at magmulat. Kaya matindi ang aming pagkapit sa isa’t-isa upang kumilos at magpatuloy.
Sa kabila nito, batid natin na hindi nararapat ang mga ganitong umiiral na kondisyon. Magpapatuloy pa rin ang mga ganitong suliranin sa susunod na taon. Sasahol pa ang iniiralan nating kaligiran. Nakaambang tumindi ang disimpormasyon at karahasan sa darating na eleksyon. Sa mga panahong ito, higit na kinakailangan sa Collegian ang pagpapatibay ng pag-uulat at pagpapalakas ng pagkilos nito.
Ngunit mismong Collegian ay nanganganib ngayon. Nakaamba ang matinding pagpilay ng mga operasyon ng Kulê dahil sa kakulangan ng pondo nito. Buhat ng pasikot-sikot at walang klarong implementasyon ng Commission on Higher Education (CHED) sa Free Tuition Law, walang pumapasok–o kung meron mang pumapasok, sa halagang sobrang kulang naman–na pondo sa mga institusyong pang-estudyante. Nitong nakaraang semestre, higit P180,000 lang ang pumasok sa Kulê, sobrang layo sa inaasahang P1.72-milyon kada semestre. Tila malaking sampal ito para sa mga estudyanteng tunay nating tagapaglimbag.
Magsisimula ang bagong termino ng Collegian na walang sapat na pondo. Madaling sabihing bawasan na lang namin ang aming mga operasyon. Madaling sabihing di na lang kami mag-iimprenta ng dyaryo. Ngunit, walang puwang ngayon ang basta-basta lang sumuko sa kung anong meron lang tayo. Dahil ang pagpayag sa hindi nararapat ay katumbas ng pagsuko sa mas malaki pang laban na hindi lang tayo ang nahaharap, kundi maging ang iba pang pahayagang pangkampus na nakarararanas ng iba-ibang klase ng panggigipit. Kaya ngayong taon, ipaglalaban ng Philippine Collegian ang nararapat nitong pondo.
Hinahamon namin ang administrasyon ng UP na tumindig sa aming laban para sa pondo. Higit pa sa paghahanap ng maaaring pansamantalang paghuhugutan ng budget, hinihiling din namin ang suporta ng UP para masingil ang CHED sa pagkakaligtaan nito sa mga institusyong pang-estudyante.
Kasabay nito, kahingian din mismo ang pagwawasto at pagpapalakas ng Philippine Collegian. Nakasalalay ang tagumpay ng kampanya nito sa suporta ng mga estudyante. Magagawa lamang ito kung patuloy na tatanganan ng Kulê ang radikal na tradisyon ng pamamahayag–pamamahayag na lagi’t laging dumidikit sa interes ng mga estudyante at mamamayan.
Malaki ang inaasahan para sa susunod na patnugutan at malaki rin ang aking tiwala na ipagpapatuloy nito ang laban sa kabila ng lahat. ●
Talumpati ng pagtatalaga ng tungkulin sa susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Affirmation at Turnover Ceremony noong Agosto 5, 2024, Vinzons Hall, UP Diliman.