Panlipunang pagbabago ang nagtutulak sa atin hubugin ang landas na nais tahakin.
Sa isang daan at isang taong pag-iral ng Philippine Collegian bilang institusyon sa pamantasan at boses ng mga aping sektor ng lipunan, iba-ibang isyu at panlipunang krisis ang tinunggali ng publikasyon. Gayundin, dumaan na rin sa ilalim ng maraming patnugutan at daan-daang miyembro ang Kulê sa pakikipagtuos ng institusyon sa mga isyu ng panahon.
Nitong nakalipas na taon, naging saksi ang mga miyembro ng publikasyon sa patuloy na panunumbalik ng kasiglahan sa loob ng opisina—madalas nang abutin ng pagsikat ng araw ang mga miyembro makapagsara lamang ng dyaryo, at napupuno na muli ang mga upuan sa mga lingguhang pagpupulong—tulad ng nakasanayan ng maraming miyembro ng Kulê bago ang pandemya.
Tinatanggap natin ang panunumbalik sa nakasanayan, miski sa pamantasan kung saan nakapagklase muli tayo nang tuloy-tuloy sa loob ng unibersidad nitong nakalipas na dalawang semestre. Sa kabila nito, hindi maikakaila ang mga naging kahirapan bago tayo makarating sa puntong ito—ang sunod-sunod na paggaod bunsod ng pagbabalik ng lingguhang tabloid, habang binabalanse ang buhay bilang estudyante at pagsasaayos ng sariling disposisyon para makapagpatuloy sa araw-araw.
Ngunit hindi ito nangangahulugang tatalikuran natin ang hamong bumalikwas. Pagkat kinikilala natin na batbat pa rin ng krisis ang lipunan, hindi makakampante ang Kulê sa nakasanayan. Sa ika-102 taon ng Philippine Collegian, muli nating ididiin ang dahilan ng ating paggaod sa bawat artikulo, dibuho, at litrato na inilalapat sa dyaryo o inilalathala natin sa social media: Ang makapaglingkod sa mga estudyante at kabataan, magsasaka, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping sektor.
Walang puwang para manatili ang Kulê sa kaalwanan ng opisina. Kagyat ang pangangailangam ma tumungo sa mga komunidad, higit lalo kung binubuhay ang kasalukuyang kaayusan ng kaliwa’t kanang pang-aatake sa midya, patuloy na paglabag ng estado sa karapatang pantao, at pagtindi ng krisis sa edukasyon na sumasagka sa pagkatuto ng mga estudyante. Patuloy nating itatampok ang kanilang mga naratibo at ilalantad ang mga ilusyon at kasinungalingan ng administrasyong Marcos-Duterte.
Sa pag-uulat ng tunay na danas ng mga sektor, muling igigiit ng Kulê ang lugar nito sa alternatibong pamamahayag: Ang pagbasag sa obhetismo ng peryodismo at pagpapagitna sa iba-ibang panig at opinyon. Ang gayong klarong pagtindig sa mga prinsipyo ang gagabay sa ating praktika.
Hindi lamang bunga ng kagustuhan ng publikasyon ang tahakin ang landas na ito, bagkus kahingian ito sa pagpapatag ng daan tungo sa panlipunang pagbabago. Liban sa pagpapatuloy ng pag-iimprenta ng lingguhang tabloid at pagpapaunlad sa mga digital na plataporma ng Kulê, tutungo tayo sa pinamamalagian ng ating mga sinusulatan, sa mga komunidad at sa lansangan.
Mula rito, patuloy nating hahasain ang suri sa paggaod ng ating mga inilalathala at titiyaking lapat ito sa kongkretong danas ng mga pinatutungkulan ng ating mga dyaryo at nilalaman ng ating mga digital na plataporma. Ngunit kahingian sa pagbalikwas sa nakasanayan ang pagiging mas malikhain sa pamamahayag ng publikasyon.
Patuloy na nagbabago ang lipunan sa paraang taliwas sa ating inaasam na kinabukasan—tumitindi at iba-iba na ang anyo ng disimpormasyon sa maraming plataporma, sumisidhi ang mga panlipunang krisis—habang nahaharap ngayon sa humihinang partisipasyon ang kilusang estudyante. Tutunggaliin ito ng Kulê sa pamamagitan ng pagpapatuloy at pagpapaunlad sa mga multimedia na produksyon, na interaktibo at sumisipat sa tunay na pulso ng taumbayan. Tatanganan ng publikasyon ang hamong mapukaw ang atensyon ng mga mambabasa, mapatimo ang kahalagahan ng aming mga binabalita, at higit sa lahat, magpakilos.
At miski ang publikasyon ay nahaharap sa isang yugto ng malaking pagbabago—sisimulan natin ang termino nang walang sapat na pondo, at nang walang kasiguraduhan kung kailan ito babalik sa normal. Malaking dagok ito sa ating layuning ipagpatuloy ang mga operasyon ng publikasyon, partikular na sa pag-iimprenta ng dyaryo, at pagpapaunlad sa ating pag-uulat.
Ngunit kung may tinuturo man sa atin ang higit isang daan taong pag-iral ng Kulê, ito ang hindi pagtalikod sa mandatong pinangako natin sa ating mga mambabasa, ano man ang balakid na humarang sa ating mga hangarin. Nagigipit man bunsod ng di klarong implementasyon ng Commision on Higher Education (CHED) sa pagpopondo sa mga publikasyon sa ilalim ng Free Tuition Law, susuong tayo sa bagong termino bitbit ang kampanya para sa akma at aksesibleng pondo, di lamang sa Philippine Collegian, kundi sa marami pang publikasyon na kinakaharap ang parehong suliranin.
Handa tayong kumilos hanggang sa mapagtagumpayan natin ang ating laban. Kung kaya ito ang hamon namin ngayon sa administrasyon ng UP: Ang tumindig at makiisa sa ating laban at kampanya para sa aksesibleng pondo.
Wala nang mas akmang tugon sa kakaharaping krisis ng Kulê kundi ang buong-loob nating pagtanggap sa hamong magpatuloy at lumaban sa kabila ng mga pagbabago. Higit pa sa pagpapanumbalik ng regular na pondo, magpapatuloy tayo para sa ating mga mambabasa na pinangakong paglingkuran.
Bagaman patuloy na dumaraan sa maraming pagbabago ang lipunan, isang bagay lamang ang tiyak: Hindi tayo mag-aatubiling manindigan; mananatiling espasyo ang Kulê para sa mga inaapi ng kasalukuyang kaayusan tungo sa mapagpalayang pagbabago sa lipunan. ●
Talumpati ng pagtatalaga ng tungkulin sa susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Affirmation at Turnover Ceremony noong Agosto 5, 2024, Vinzons Hall, UP Diliman.