Sa gitna ng nagbabadyang public utility vehicle (PUV) Modernization Program, nagulantang ang samahan ng mga tsuper ng jeep na pumapasada sa loob ng UP Diliman (UPD) sa biglaang pagpasok ng mga e-jeepney noong Hulyo 28 bilang bahagi ng umano’y konsultasyon sa komunidad ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA).
Unang namataan ang mga e-jeep noong ika-113 Araw ng Pagtatapos, na ayon kay Community Affairs Bise Tsanselor Roehl Jamon ay libreng sakay lamang sa mga komyuter at pagtatantsa sa pananaw ng mga estudyante’t iba pang sektor ng UP sa mga e-jeep na tatagal hanggang Agosto 14.
Subalit taas-kilay sa konsultasyon na ito ang UP Transport Group (UPTG). Kaduda-duda na walang ipinarating na abiso sa kanila ang opisina ni Jamon kaugnay ng mga e-jeep na bumiyahe sa ruta ng TOKI, giit ng tagapagsalita ng samahan na si Nolan Grulla.
“Sektor kami ng transportasyon, bakit hindi kami sinangguni,” ani Grulla sa panayam ng Collegian. “Kapag sinimulang ipasok yan, tuloy-tuloy na yan.”
Danas at Dismaya
Aminado ang UPTG na dahil sa pagpapalit ng ruta ng IKOT noong 2022 at 2023 kung saan nadaraanan na halos lahat ng ruta ng TOKI, tumumal ang byahe ng TOKI dahil sa kakulangan ng pasahero. Gayunpaman, napagdesisyunan ng samahan na magtalaga muli ng 10 jeepney na papasada sa pinakabagong ruta ng TOKI na isinapubliko noong Agosto 9.
Samantala, hindi ganap na kinikilala ang UPTG bilang representanteng samahan ng mga tsuper sa UPD. Ang mga kooperatiba, kung saan napilitang mapabilang ang mga drayber, ang kadalasang kinakausap ng bise tsanselor hinggil sa usapin sa transportasyon—bagay na inaalmahan ng grupo.
“Sabi [ni Jamon], ‘Ang gusto lang namin, pumasok kayo sa kooperatiba.’ Yun daw kasi ang gusto ng gobyerno. Ayaw daw niya na [kontrahin] ang gobyerno,” dagdag ni Grulla.
Bilang tugon sa mga e-jeep sa kampus, nagkasa ng tigil-pasada at noise barrage ang mga tsuper ng UPTG sa Academic Oval at Quezon Hall noong Agosto 1 upang kalampagin ang opisina ni Jamon. Mula noong araw na iyon hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling walang paramdam ang opisina sa grupo.
Bigo ring maisakatuparan ng bise tsanselor ang pangako nito mula sa kaisa-isang pagpupulong kasama ang UPD University Student Council (USC) at UPTG noong Enero 12 na magsagawa ng technical working group at masinsinang konsultasyon sa samahan.
Banta ng PUV Modernization sa Kampus
Kinumpirma naman ng USC na hindi nasabihan maging ang kanilang hanay kaugnay sa nangyaring pagbiyahe sa pamantasan ng mga e-jeepney na pagmamay-ari ng Greenhighway Rising Star Transport and Multi-Purpose Cooperative na mula sa Pasay.
“Very one-sided ang kumpas ni Jamon sa modernization. Noong nagkausap kami, binanggit niya na huwag daw makinig sa ‘propaganda,’” ani USC Community Rights and Welfare Head Kristian Mendoza sa panayam ng Collegian.
Katwiran ng bise tsanselor, Greenhighway ang lumapit sa OVCCA sa ilalim ng intensyong “magserbisyo” sa komunidad. Ang basbas aniya rito na bumiyahe sa UPD ay bilang pagsusuri kung posible ang kasunduan sa kooperatiba sa hinaharap, saad ni Mendoza.
Sa kabila ng paninindigan ni Jamon na hindi aniya mangyayari ang modernization program sa kampus, taliwas ito sa tonong ipinakikita ng kaniyang opisina. Para sa UPTG, kapuna-puna ang pagkilos ng OVCCA sa kanilang likuran at maging ang koneksyon ni Jamon sa Greenhighway, na hindi sa Quezon City ang operasyon.
Ipinagtataka naman ng USC kung bakit napayagang umikot ang mga e-jeep na namataang hindi pa rehistrado sa Land Transportation Office (LTO), gayong kinakailangang may sapat na dokumento ang mga jeep sa kampus at nararapat na dumaan sa mabusising drug test ang mga drayber upang mapahintulutang bumiyahe.
Tuloy ang Laban
Sa loob ng pamantasan, tiniyak ni Mendoza na magpapatuloy ang mga mobilisasyon at protesta bilang patunay na malinaw ang pagkontra ng sangkaestudyantehan sa jeepney phaseout.
Matagal nang tinututulan ng mga tsuper ang PUV Modernization Program ng administrasyong Marcos. Sa ilalim nito, ipagbabawal sa lansangan ang mga tradisyunal na jeepney at pupuwersahin ang mga drayber na mapabilang sa mga kooperatiba kasabay ng paghuhulog sa modernong jeep na hindi bababa sa P2.8 milyon ang halaga kada yunit.
Hiling naman ng mga tsuper na patuloy silang suportahan at tangkilikin ng mga estudyante at pasahero sa kabila ng nagbabadyang pagpasok ng pribadong operator at pag-arangkada ng mga e-jeep sa UPD.
“Ang gusto lang namin, huwag kaming pilitin sa kooperatiba. Matagal na kami rito, nais lang namin na magserbisyo,” ani Grulla. ●