Wasak ang anim na tirahan sa Barangay Central, Tarlac na sakop ng Hacienda Luisita matapos itong bulabugin ng iligal na demolisyong inutos ng mga haciendero na pamilyang Cojuangco at Lorenzo dakong alas-4 ng madaling araw nitong nakaraang Lunes.
Pinangunahan ang demolisyon ng kompanyang Central Azucarera de Tarlac (CAT) na nasa ilalim ng Cojuangco-Lorenzo at dating nagmamay-ari ng 290-ektaryang lupain bago bilhin ng Ayala Land Inc. noong 2019. Samantala, natigil lamang ang paggiba bunsod ng pagtutol ng mga residente at opisyal ng barangay, ayon sa ulat ng Pokus Gitnang Luson Multimedia Network.
Nakatakdang itayo sa lupain ang proyekto ng Ayala Land na Cresendo, isang P18-bilyon land development plan na mayroong residensyal at komersyal na espasyo. Mula noong malipat ang titulo sa mga Ayala, nagsimula ang sunod-sunod na pagpapadala ng “notice to vacate” sa mga residente.
Maliban sa pabatid ng demolition team na nakalagay lamang sa maliit na papel, walang bitbit na kasulatan mula sa korte ang 100 tauhan ng Winace Security Agency na gumawa ng mismong demolisyon. Iniulat ng mga residente na Hunyo 15 pa lamang ay nagtayo na ng mga tent ang mga binayarang tauhan ng mga Cojuangco at Lorenzo sa paligid ng barangay.
Nangangamba ngayon ang mahigit kumulang 989 pamilya sa Barangay Central—na karamihan ay mga manggagawang agrikultural ng Hacienda Luisita—sa nagbabadyang pagpapalayas. Sa kasalukuyan, nananatiling alerto ang mga residente bunsod ng namataang halos 1000 katao sakay ng mga truck na umaaligid sa lugar nitong Martes ng gabi.
“Hindi lang sila landlord. Sa sahol ng kanilang panggigipit sa mga pesante at sa dahas ng kanilang pang-aagaw ng lupa, ang mga Ayala, Lorenzo, at Cojuangco ay mga warlord,” saad sa pahayag ng tagapangulo ng Ugnayan ng mga Manggagawa sa Agrikultura na si Ayik Casilao.
Giit ng mga pamilyang apektado, wala pa man ang mga Cojuangco at Lorenzo ay matagal na silang nakatira sa Barangay Central at Hacienda Luisita.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tinangkang palayasin ng binansagang “Luisita Warlord Trio” na Ayala-Cojuangco-Lorenzo ang mga mamamayan ng Barangay Central. Bago pa pumutok ang pandemya, unti-unti nang sinampahan ng kasong unlawful detainer ang aabot sa 276 mamamayan dahil sa patuloy na pananatili sa lupain sa kabila ng pagpapaalis.
Ipinagbawal din ang pagpapapasok ng mga materyales para sa konstruksiyon, kahit kinakailangang maghanda sa paparating na tag-ulan. Dagdag pa ng Pokus Gitnang Luson, hindi na tinatanggap maging ang aplikasyon ng mga residente na magpakabit ng tubig dahil anila sa kawalan ng mga ito ng titulo ng lupa.
Naniniwala naman ang mga mamamayan ng Barangay Central na taliwas ang Cresendo sa ibinabanderang kaunlaran ng mga Ayala. Para sa mga samahan ng mga pesante, paiigtingin lamang nito ang pagpapatalsik ng daan-daang mga pamilya para sa pagpapatayo ng mga komersiyalisadong espasyo.
“Hindi porke normalisado ng estado ang pang-aapi ng Luisita Warlord Trio ay hahayaan lang ito ng mga pesante,” pagbibigay-diin ni Casilao. ●