Ni LOUISE VINCENT B. AMANTE
Pilipit ang dila ng bayang ito. Tila ninanamnam natin ang tamis ng wikang Ingles at idinudura ang pakla ng wikang Filipino.
Kaya marami na sa ating mga bagong gradweyt, kahit mismong mga galing dito sa UP, ang nahahalina sa mataas na sahod ng naglipanang call centers. At kailangan sa ganitong trabaho ang mahusay na bigkas at matatas na pagsasalita sa Ingles. Sa dami ng sumusuong sa lumalakas na industriyang ito, nag-utos ang Commission on Higher Education na magtayo ng call center learning institutions ang ating mga pampublikong pamantasan upang makatugon sa pangangailangan ng nasabing industriya.
At sa dila ng mga pihikan, nakasusuya ang Filipino.
Bunóng-Dila
Tila latak sa dila ang wikang Filipino. Hindi na kasi natin ito binibigyang-halaga, kung hindi man tuluyang isinasawalang-bahala. Ayon sa nakasaad sa Artikulo 14 ng Konstitusyong 1987, kailangang gumawa ang Kongreso ng mga batas para sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Subalit wala pang napagtitibay na kahit isang batas ukol dito.
Lagi‘t laging inaatas sa ating mga paaralan ang tungkuling hasain ang kasanayan sa wikang Ingles ng mga mag-aaral. Mula pagkabata ay itinuturo na sa atin ang tamang baybay at bigkas ng mga salita sa Ingles. At sa karamihan ng mga paaralan sa bansa, nagsisilbi itong midyum ng instruksyon, lalo na sa Science at Mathematics. Ayon kay Prop. Jovy Peregrino ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), ipinapalagay na “salat” ang wikang Filipino sa ganitong mga asignatura.
Nakaaalarma ang patuloy na pagbaba ng English proficiency sa bansa sa mahigit 50 bahagdan. Kaya’t kailangan itong pataasin. At para tumatag ang kasanayang Ingles, noong dekada 90 nagsimula ang mga programang pambata sa telebisyon tulad ng Epol Apple at Eskwela ng Bayan. Ipinakikita nitong kahit sa loob ng bahay ay binubura ang araw-araw na pagsasalita ng Filipino. Ipinahayag pa ni Pangulong Arroyo noong Abril 2002 na dapat gawing Ingles ang wika ng pagtuturo. Nangangahulugan itong hindi prayoridad ang paglinang ng ating wikang Filipino, sa loob at labas ng paaralan.
Ngunit hindi dapat maging pamantayan ang pagkabihasa sa isang dayuhang wika para sa kaunlarang pang-ekonomiya. Ayon kay Prop. Pamela Constantino ng DFPP, walang anumang pag-aaral na magpapatunay na isang salik ang wikang Ingles para masabing maunlad ang isang bansa. Tinatangkilik ng mga kalapit-bansa nating Hapon, Korea, at Tsina at ng mga bansang Europeo tulad ng Espanya, Pransya, at Italya ang kanilang sariling mga wika para sa edukasyon, pulitika, kalakalan, midya, at iba pa.
Sinasabi lang nito na wikang sarili ang dapat na gamitin sa mga paaralan. Sinimulan ng UP Integrated School noong 1990 ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng instruksyon sa mga asignatura. Makalipas ang ilang buwan ay mabilis na natutong magbasa ang kanilang mga mag-aaral. At matapos naman ang limang taon, nakita ng mga guro ang silbi ng wika at walang pag-aalinlangang naipahahayag ng mga mag-aaral ang kanilang mga saloobin.
Pait
Alam natin na Ingles ang wikang internasyunal. Para sa marami, ito ang wika ng teknolohiya, ng modernisasyon, at ng pag-unlad. Nasa Konstitusyon din ang paggamit nito bilang wikang nagiging tulay natin sa labas ng bansa.
Ngunit mapanganib ang ganitong mataas na pagtingin sa wikang Ingles. Naiwawaksi nito ang dapat na pagsuring paloob sa ating kaakuhan o identidad bilang mamamayang Pilipino, na makaagapay sa pagpapayabong ng ating sarili at ng bansa. Subalit, hindi ito ang nangyayari sapagkat may kalakaran tayong sinusunod mula sa labas.
Isa sa mga requirement upang makapagtrabaho ang mga magiging Overseas Filipino Workers (OFWs) ay ang pagsasalita ng Ingles. Kung hindi man sila bihasa rito, magpapatala muna sila sa Technical Education and Skills Development Authority o sa affiliated language schools nito para mag-aral ng Ingles. Ngunit, ayon naman kay Dr. Fanny Garcia ng Departamento ng Filipino ng De La Salle University, ginagamit ng ating OFWs ang wikang pambansa ng bansang kanilang pinagtatrabahuan upang makipagtalastasan sa kanilang employers at hindi ang Ingles. Dahil sa mga bansang ito, aniya, pinahahalagahan nila ang kanilang wika.
Subalit hindi naman ginusto ng karamihan sa OFWs ang lumisan para maghanapbuhay sa labas ng bansa. Bunsod ito ng lumalalang kahirapan at pangangailangang buhayin ang kanilang pamilya sa mataas na sahod na inaalok ng mga industriyang wala rito. Sa taunang State of the Nation Address ng Pangulong Arroyo, tumataas ang ating GNP at nagpapasalamat siya dahil sa remittances ng OFWs.
Sangkap
Sa isang banda, hindi lamang dapat tingnan ang alinmang wika bilang isang midyum lamang ng pakikipagtalastasan. Ayon kay Constantino, mahalaga ang wika dahil napagbubuklod nito ang isang bansang may multi-etnik na katangian, tulad ng sa Pilipinas. Naging mahalaga ang wikang sarili upang maihasik ang nasyonalismo noong panahon ng Himagsikang 1896 at maging nitong dekada 1960 at 1970 upang labanan ang diktadurang Marcos. Naging kasangkapan ang wikang alam ng marami na pag-isahin ang diwa ng mga mamamayan sa mga yugtong ito ng kasaysayan. Ngayong lalong tumitindi ang krisis ng panahon, makapagsisilbi ang wikang Filipino sa pag-aambag ng mga kalutasan nito.
Naipapakita rin ng wika kung ano ang kaakuhan o identidad ng gumagamit nito. Dahil nakatingin pa rin tayo sa Kanluran, ang ating mga gawi’t panlasa’y katulad na rin ng sa dayuhan. At pinapalagay na walang prestihiyo at dunong ang wikang Filipino kaya mas maiging sumunod na lamang sa takbo ng daigdig. Maraming Filipinong manunulat ang humahango ng mga anyo at estilo mula sa mga Ingles na manunulat. Mas madalas na ang revivals at pagkopya sa pop songs na sikat sa Estados Unidos ang ginagawa ng ating mga mang-aawit at kompositor. Hollywood din ang pinaghahalawan ng ating mga pelikula, mula tema hanggang special effects. Kaya hindi makabangon ang industriya ng pelikula sa bansa. At kaybilis din nating akuin ang kasikatan ng ilang international showbiz personalities na may kaunting patak ng dugong Filipino, upang sabihing “world-class” tayo.
Ngunit hindi tayo dapat malinlang sa tamis ng wikang dayuhan. Sa paggamit natin ng wikang Filipino araw-araw, dapat nating lasapin ang hatid nitong sustansya, at namnamin din na ang wikang ito ay bahagi ng ating kultura. Hindi sapat ang pag-aaral dito bilang inuusal lamang, sapagkat mahigpit ang kapit ng wika sa mga reyalidad ng ating lipunan at kasaysayan. Sa huli, dapat ay maging kinatawan ito ng bayang malaon nang pinipilipit ang dila. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-24 ng Agosto 2006, gamit ang pamagat na "Ang Wikang Filipino Ngayong Panahon."