Sa pinakahuling pagpupulong ng UP Board of Regents (BOR) noong Biyernes, tinanggihan ang kahilingan ng sectoral regents na mapag-usapan ang kontrobersyal na Declaration of Cooperation sa pagitan ng UP at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bagaman agad na iminungkahi ng sectoral regents sa simula ng pulong na mapabilang sa agenda ang pagtalakay sa kasunduan, di ito pinahintulutan ng ibang mga rehente dahil anila “framework” pa lamang ito at wala pang pormal na mga probisyon, ani Student Regent Francesca Duran sa panayam ng Collegian.
Ang BOR ang lupong may pinakamataas na kapangyarihan sa UP System. Mula sa 11 rehente, tig-isang kinatawan lamang mula sa mga estudyante, faculty, at staff ang bumubuo sa sectoral regents. Si UP President Angelo Jimenez, na kinatawan ng unibersidad sa kasunduan, ang co-chairperson ng lupon.
Nilagdaan ang UP-AFP Declaration noong Agosto 8 nang walang konsultasyon sa komunidad. Pinahihintulutan nito ang pagdalo ng mga tauhan ng AFP sa UP Center for Integrative and Development Studies upang isulong umano ang mga gawaing pang-akademiko at pangkomunidad.
Mula nang lagdaan at isapubliko ang kasunduan, tinutulan na ito ng iba-ibang sektor mula sa komunidad ng UP. Agad na nagkasa ng kilos-protesta ang mga grupo sa Quezon Hall upang ipanawagan ang kagyat na pagbuwag dito.
“Definitely, it will interfere with [the] academic freedom of the university. Ang pino-promote ng ating charter ay human rights at academic freedom pero nakikipag-[tulungan ang UP] sa number one violator of human rights,” ani Rommel Rodriguez ng All UP Academic Employees Union sa Collegian.
Kaduda-dudang kasunduan
Bago pa man pirmahan ang UP-AFP Declaration, mayroon nang mga kasunduan ang ilang kolehiyo ng UP kasama ang mga armadong pwersa ng estado. Dalawa ang nilagdaan nitong huling taon: isa sa pagitan ng UP Manila College of Dentistry at AFP, at isa sa pagitan ng UP Diliman College of Engineering at Philippine National Police. Pareho ring isinusulong umano ng mga ito ang kolaborasyon sa mga gawaing pananaliksik.
Ngunit higit na mas malawak ang saklaw ng bagong kasunduan. Imbes na isang kolehiyo lang ang pumasok sa kasunduan, inaprubahan na ito mismo ng pinakamataas na pinuno ng UP, ayon kay Rodriguez. Aniya, tila isinasawalang-bahala ng administrasyon ang kasaysayan ng pang-aatake ng mga pwersa ng estado sa unibersidad, mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Dumaragdag sa kakulangan ng proteksyon sa komunidad ang pagpapawalang-bisa ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord noong 2021. Ipinagbawal ng kasunduang ito ang pagpasok ng mga militar sa UP nang walang pahintulot.
Ikinababahala ng Defend UP Network, na binubuo ng mga estudyante at faculty na nagsusulong ng kalayaang akademiko sa unibersidad, ang pagdami ng mga kaso ng red-tagging at panghihimasok sa UP mula nang buwagin ito.
Nitong taon lang, halimbawa, nagsagawa ang CALABARZON Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng “national security seminars” sa UP Los Baños kung saan ni-red-tag ang mga progresibong grupo sa mga klase ng National Service Training Program.
Pagbalikwas ng komunidad
Sa gitna ng mga tumitinding atake at panghihimasok sa pamantasan, patuloy ang panawagan ng komunidad na depensahan ang kalayaang pang-akademiko. Itinutulak ni Duran na magkaroon ng diyalogo ang iba-ibang sektor ng UP kay President Jimenez upang tutulan ang deklarasyon.
Noong nagdaang pagpupulong ng General Assembly of Student Councils ay ipinasa ang isang resolusyon ukol sa pagpapaigting sa Defend UP Network. Idinidiin ng resolusyon ang pangangailangan ng isang Academic Freedom Committee sa buong UP System at pagkasa ng paralegal training sa mga estudyante.
Patuloy namang isinusulong ng Defend UP Network ang muling pagpapatupad sa UP-DND Accord at pagbuwag sa anumang kasunduan kasama ang mga armadong pwersa ng estado.
“Kailangan muna may pagkilala si Jimenez na yung academic freedom natin ay kailangang protektahan at hindi ito maisasakatuparan hanggang may partnership tayo kasama yung AFP,” ani Jenelle Raganas ng Ugnayang Tanggol KAPP, organisasyong bahagi ng Defend UP Network.
Alinsunod dito, tinututukan ngayon ng network ang rekonsolidasyon, na sinimulan sa paghalal ng mga bagong convenor sa lahat ng yunit ng UP at pagpaparami ng mga miyembro, ayon kay Duran.
Naghain din ng petisyon ang network upang buwagin ang deklarasyon. Higit 600 na ang pumirma nito, tatlong araw lamang matapos itong i-post sa page ng network.
Maaaring lagdaan ang petisyon dito. ●