Sa isla ng Capul sa Hilagang Samar, ginagamit ni Cristy Cula ng Capul 1 Central School ang wikang Inabaknon sa pagtuturo ng kanyang mga estudyante sa kindergarten. Para sa kanya, ang pagkatuto ng kabataang Capuleño ay pinasisinayaan ng lokal nilang wika.
Mula sa paglalaro, pagkukwento, pagkanta, pagtula, at pakikisalamuha sa mga bata, maririnig mula kay Cristy ang Inabaknon—ang Mother Tongue o katutubong wika ng Capul.
“Mas madaling matuto ang mga bata kapag mother tongue ang ginagamit,” ani Cristy sa panayam ng Kulê. “Nagpapalakas [ito] ng pakiramdam ng pagiging kabilang, mas madali nilang maiisip ang mga ideya, at mas mahusay [silang] makapag-aanalisa.”
Subalit sa ilalim ng Senate Bill (SB) 2457 na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa, maaaring maglaho sa silid-aralan ang paggamit ng Mother Tongue bilang midyum ng instruksyon o pagtuturo. Ipatitigil ng panukala ang implementasyon ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) mula kinder hanggang ikatlong baitang, kung saan hahalili bilang pangunahing wikang panturo ang Filipino at Ingles.
Suliranin sa Implementasyon
Ipinakilala ng Department of Education (DepEd) ang MTB-MLE taong 2012 sa bisa ng DepEd Order No.16, na nagtatakda sa mga pampublikong paaralan mula kinder hanggang ikatlong baitang na gawing asignatura at gamitin bilang wikang panturo ang mother tongue.
Sa ilalim nito, ginagamit ang katutubo o unang wika para sa batayang pagbabasa at pagsusulat bago unti-unting gamitin ang ikalawang wika gaya ng Filipino o Ingles.
“Kung matatanggal ang Mother Tongue, ang epekto nito sa mga bata ay maaaring makaramdam ng [pagkalito] at pagkabigo sa pag-aaral kung hindi nila naiintindihan ang wika ng pagtuturo,” pangamba ni Cristy.
Giit ng may-akda ng SB 2457 na si Senador Win Gatchalian, epektibo lamang ang MTB-MLE sa mga monolingual na silid kung saan nagsasalita ng iisang lokal na wika ang mga mag-aaral, at hindi sa mga multilingual na klase.
Suportado ito maging ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), na naunang maghain ng House Bill No. 6717 noong 2023 upang suspendihin ang paggamit ng Mother Tongue. Ayon kay EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee, nararapat tanggalin ang MTB-MLE dahil sa sentralisadong sistema ng edukasyon na hindi kayang paunlakan ang linguistic diversity ng Pilipinas.
Ngunit para kay Ched Arzadon, propersor ng UP College of Education, ang mga pagsubok sa implementasyon ng MTB-MLE ay lumilitaw hindi dahil palpak mismo ito bagkus bunsod ng di sapat na suporta ng pamahalaan sa edukasyon. Aniya, kapos ang polisiya ng DepEd sa language mapping o pagmamapa ng wika ayon sa rehiyon o lugar, na magsisilbi sanang batayan upang tukuyin ang angkop na suportang kailangan ng bawat paaralan.
Masasalamin ito sa pagiging halos magkatulad ng mga asignaturang Filipino at Mother Tongue sa mga paaralan sa Katagalugan. Samantala, sa mga rehiyon na melting pot ng iba-ibang wika, pagsubok ang pagtuturo ng iisang lenggwaheng hindi ganap na naiintindihan ng lahat ng bata.
“Kapag nahinto [ang MTB-MLE], talagang hindi maoobserbahan ang resulta,” ani Arzadon sa panayam ng Kulê. “It takes time to show, and if you want to show good results, you have to give time, provide good materials, produce dictionaries, and use mother tongue.”
Ayon sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) ng UNICEF noong 2019, 10 porsyento lamang ng mga estudyantang Pilipino sa ika-limang baitang ang mayroong reading proficiency level na inaasahan sa kanilang edad. Bunsod nito, nirerekomenda ng UNICEF ang pagpapaigting ng mother tongue mula kinder hanggang ikatlong baitang bago dumako sa Ingles at Filipino simula ika-4 na baitang.
Kung susuriin, Pilipinas lamang din ang tanging bansa sa Timog Silangang Asya na lumahok sa metriko na gumamit ng wikang Ingles para sa SEA-PLM, kahit na hindi ito ang unang wika ng kalakhan sa mga Pilipino. Sa kabilang banda, ang Vietnam na gumamit ng Vietnamese sa SEA-PLM ay nakapagtala ng 82 porsyento samantalang 58 porsyento naman sa Malaysia na Malay ang ginamit.
Naniniwala naman ang ibang kritiko na balakid ang Mother Tongue sa pagkatuto ng mga estudyanteng sanay sa paggamit ng wikang Ingles. Subalit katwiran dito ni Arzadon, ipinakikita ng mga siyentipikong pananaliksik na ang matibay na pundasyon sa mother tongue ay nakatutulong sa kritikal at analitikal na pag-unawa ng mga aralin—maging ng Ingles.
“Imbes na ayusin yung implementation [ng MTB-MLE], tinatanggal na lang nila. Bakit hindi na lang pondohan para ayusin?” dagdag ni Arzadon.
Sandekadang Kapabayaan ng Kagawaran
Sa katunayan, nakasulat sa Waray ang mga pang-akademikong materyales na ipinadala ng DepEd sa Capul, isa sa 19 lamang na wikang kinilala ng Kagawaran bilang wikang panturo. Doble-kayod ang mga guro ng isla sa pagsasalin dahil bagaman Waray ang pangunahing wika sa Samar, namumukod-tangi ang Capul na gumagamit ng Inabaknon.
At mayroon man silang mga gurong manunulat at tagasalin sa kanilang wika, limitado pa rin ang aksesibleng materyales para sa bawat bata sa Capul bunsod ng kakulangan sa pondo.
Nababahala ngayon si Nera Castillo, guro sa asignaturang English sa ika-walong baitang, sa implikasyon ng panukala sa kanyang susunod na mga estudyante, partikular na sa mga batang “economically at geographically disadvantaged.”
Ayon kay Nera, maging sa hayskul ay nakatutulong ang Inabaknon upang ipaintindi ang Ingles sa mga kabataan ng kanilang isla, na karamihan ay walang selpon, telebisyon, o internet para sa pag-aaral. Inaalala niya na kung pipilayan ang mother tongue sa elementarya pa lamang, maaari itong makaapekto sa pag-unawa ng mga mag-aaral sa mas mataas na antas ng edukasyon.
Tinitingnan man ni Gatchalian na pahintulutan ang MTB-MLE sa mga monolingual na klase, sa ilalim ng SB 2457 ay magiging “auxiliary medium of instruction” lamang ito o pang-alalay. Mawawalan lalo ng institusyunalisadong suporta ang napakaraming wika ng Pilipinas na maaari pang gawan ng mga pang-akademikong materyales na susuporta sa paggamit nito.
Ngayon pa lamang ay kapansin-pansin na ito sa Capul.
Kamalayan at Pagkakakilanlan
Hindi ito ang unang pagkakataon na natatabunan ang lokal na wika sa kurikulum ng edukasyon. Noong 2013, nilabas ng Commission on Higher Education ang Memorandum Order No. 20 na nagtatanggal naman sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo na bahagi ng general education.
Tinuligsa ito ng mga samahang pangwika at mga guro. Anila, mayroong responsibilidad ang wika upang magtakda at magpaunlad ng pagkakakilanlan ng isang Pilipino sa lipunan, at ang pagtatanggal ng Filipino sa kurikulum ng edukasyon ay anyo ng pagkikintal ng kagustuhang magsilbi hindi para sa bayan kundi para sa dayuhan.
Nanindigan naman si Arzadon na sa halip na tanggalin ang MTB-MLE, nararapat itong suportahan upang dumikit sa layuning paunlarin hindi lamang ang husay sa akademiko ng isang batang Pilipino, kundi maging ang kanyang pakikipagkapwa, kritikal na pag-iisip, at pagpapahalaga sa pambansang kaunlaran.
Para rin kay Nera, tumatagos sa kasaysayan at hinaharap ng kanilang wika ang paggamit ng Inabaknon. “Very [scarce] ang linguistic studies at impormasyon ukol dito. Pag [natanggal] ang paggamit nito sa MTB-MLE, magiging contributing factor ito para maging inactive o [mapunta] sa minimal na status of endangerment ang Inabaknon,” aniya.
Gayunpaman, naniniwala si Cristy na ang pagpapaunlad sa MTB-MLE at pagbibigay-suporta ng pamahalaan sa kaguruan at mga estudyante ay kagyat at nararapat.
“Ang mga kumpletong materyales [sa MTB-MLE] ay nagsisilbing suporta sa mga guro at mag-aaral sa proseso ng pagkatuto [at] pag-unawa,” aniya. ●