Ni JOSE DALISAY, JR.
Anak ng Government Report!
Anong diyaryo ang makukuha ninyo nang libre (oo, libre), mas masahol pa kay Damian Sotto kung barikada din lang ang pag-uusapan, mas nakabibighani pa kay Joe Crisol kung manuyo, mas utak-bulate pa kay Doroy Valencia kung mangutya sa mga radikal at mas mapagpanggap pa sa kabanalan ukol sa kamunduhan kaysa kay Kardinal Santos?
Ano pa nga ba kundi ang Free Collegian, isang papel na ipinamudmod noong nakaraang Huwebes—ang pinakahuling araw sa pangangampanya. Kung hindi ka nga ba naman maghinala sa motibo ng mga nagsipaglimbag nito, tila yata iisa lamang ang tema ng mga artikulong ibinabandila ng Free Collegian: ang maipabagsak ang “paghahari” ng mga grupong radikal (patawarin, amang, at hindi kasali ang MPKP-BRPP) sa kampus.
Hindi na sana namin balak pang bingwitin mula sa basurahan ang munting bagay na ito tungkol sa Free Collegian, nguni’t sa kakulangan ng mga katatawanang makapagbibigay-aliw sa aming mga mambabasa ay napilitan din kaming talakayin ito upang masinagan man lamang ang mga tunay na isyu sa likod ng burak at latak na siyang tanging katanyagan ng Free Collegian.
Ano raw ang sabi ng Free Collegian? Ipangako n’yo munang hindi kayo tatawa.
Balde-baldeng luha ang dulot ng isang kuwento ng nasirang pag-ibig na pinamagatang “Malay’s bankruptcy asssailed”. Kung matatandaan n’yo ay dating batikang Upsilonian si G. Malay; pumakla lamang ang pakikipaglambingan ng mga reaksyonaryo sa kaniya nang may ahenteng nakasilip sa tanggapan ni Malay sa OSA at—o, anung saklap!—nakitang ginagamit ng KM at SDK ang mimeograph machine doon. Hindi rin masasaid ang inyong luha sa ikalawang kuwentong nagtalakay ng mga “tunay” na pangyayari sa sampaksaang ginanap noong Lunes, na nauwi sa basag-ulo. Kawawa nga naman yaong mga tipong BSDU na nagsulputan na lamang at namutiktik nang umagang iyon; at lalo pa yaong mga bundat ang tiyan na may naksukbit pang kuwarenta’y singko na pinagtulungan ng iilang mga radikal na wala namang dala kundi ang wastong kamulatan. At siyempre, binatikos rin ng Free Collegian ang paghahari ng mga radikal sa Sanggunian ng mga Mag-aaral habang pakiliti nilang “tinuligsa” ang ekstremistang Kanan na tila sumisira sa kanilang balatkayo bilang mga liberal.
Ganiyan ang sigaw ng mga reaksyonaryong burges: ibagsak ang mga radikal upang maipanumbalik ang aming paghahari! Kung anu-anong kabalbalan at paninira ang kanilang gagawin, matamo lamang nila ang ginintuang bunga ng pamunuan. Kunwa’y sila pa ang kawawa habang sila naman ang tunay na nananakot at naghahasik ng kabuktutan sa hanay ng mga mag-aaral.
At ito nga ang ipinakita ng Free Collegian, isang huwad na pahayagan na siya ring kagigiliwan ng mga mambabasa ng Tiktik at Sitsirisit: na hindi kusang mawawala ang mga reaksyonaryo kung hindi wawalisin, tulad ng alikabok na aali-aligid sa isang silid, minsa’y sa taas at minsa’y sa sahig, nguni’t naririyan pa rin. Inilarawan ng Free Collegian kung ano ang magiging anyo at gamit ng Philippine Collegian kung mapasakamay ito ng mga reaksyonaryong manunulat, isang behikulo ng kontra-rebolusyon, isang lingguhang tagapaglaganap ng itimang propaganda laban sa mga progresibong mag-aaral.
Sino ngayon ang nagpasimuno sa paglilimbag at pagkakalat ng Free Collegian? Natatandaan n’yo ba ang alamat ng unggoy at pagong, sa bahaging nilagyan ng pagong ng tinik ang puno ng saging habang nagpapakabusong naman sa saging ang unggoy sa itaas? Hindi na kinailangang mag-muni-muni pa ang unggoy bago niya malaman kung sino ang sumabotahe sa kaniyang pagbababa—at gayundin sa Free Collegian, hindi na natin kailangan ang dunong ng isang unggoy upang mabatid kung sino ang nagpakana sa pahayagang ito. Kung sino ang pangunahin mong kaaway ay siya ring tutuligsa sa iyo nang ganoon na lamang at hindi ba maliwanag na ang pangunahin nating kaaway sa pampamantasang pakikibaka ay ang pasistang Estadong kumikilos dito sa pamamagitan ng mga reaksyonaryong alagad nito? Laban man sa mga haka-haka ng ilang mambabasa ng Free Collegian, tiyak naming hindi si Erich Segal, si Frank Harris, si Spiro Agnew, si Pascual Racuyal o si J. D. Constantino ang may-akda nito.
Matitiyak pa rin nating magpapatuloy sa tinatahak nitong landas ng pakikibaka ang Philippine Collegian. Maging malupit man ang reaksyonaryong puwersa dito sa ating pamantasan ay hindi kami uurong sapagka’t ang kalupitan sa kalaban ay likas lamang sa isang pangmatagalang pakikibaka. O, kung tayo’y hihiram ng ilang kataga mula sa Love Story, ang ibig lamang sabihin ng wastong linyang pampulitika ay “never having to say you’re sorry.” At tiyak na wala ni isang reaksyonaryong hinihingan namin ng paumanhin. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Agosto 1971, gamit ang pamagat na Ang Libreng Collegian.