Napasakamay natin ang oras nang maipatupad ang lockdown. Nailipat ang mga opisina sa kanya-kanyang mga bahay at kwarto, walang boss o manager na umaaligid, nagtitiyak na gumagalaw ang iyong kamay at tumatakbo ang iyong isip. Sa pagkakataong ito, ang bahay mo ang opisina, at ikaw ang nagmamando sa sarili mong paggawa. Nasa sa iyo paano mo gugugulin ang araw.
Ang pagkawala ng mga nakasanayan nang gawin sa takdang mga oras ay nagdudulot ng pagkakagulo. At ang pagkakagulong ito ang nais solusyunan ng iba’t ibang umusbong na productivity app. Gigisingin ka ng alarm sa umaga, naka-iskedyul gaano ka katagal kakain, maliligo, at anong oras ka haharap sa kompyuter. Tutunog muli ang alarm matapos ang kalahating oras mong pagtatrabaho upang senyasan ang limang minuto mong pahinga; alisin ang mata sa kompyuter at mag-unat.
Para sa naliligaw na sa masukal na isipan, ang bawat Ting! ng selpon ay karatula, ang listahan at pagkakasunod-sunod ng mga dapat gawin ay mapa, at bawat gawaing nae-ekis ay isang hakbang palapit sa luwasan.
Birtwal na Sekretarya
Ang paglipat ng mga kumpanya sa work from home (WFH) set up ay pagbali sa anumang natitirang linya na naghihiwalay sa personal na buhay at trabaho. Nanghimasok ang opisina sa tahanan, at nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mas maraming oras para sa paggawa. Higit, tuluyan na nitong nabura ang pribadong buhay at paggawa ng indibidwal.
Sa katunayan, sa isang pag-aaral ng Atlassian, developer ng mga software sa opisina mula Australia, natuklasan nilang humaba ang oras ng trabaho sa isang araw ng mga tao; dagdag halos isang oras sa Israel, at kalahating oras sa India, Canada, Australia, United Kingdom, Germany, at Estados Unidos. Partikular ito sa mga tinaguriang knowledge worker, terminong ginamit ni Peter Drucker, kinikilalang ama ng modern management, para sa mga manggagawang ang kapital ay ang kanilang isip—mga programmer, inhinyero, arkitekto, abugado, designer, at iba pa.
Esensyal ang mga aplikasyon at programa sa pagsigurong nasa mga personal mang espasyo ang mga manggagawa, konektado pa rin sila sa opisina—sila ay produktibo pa rin. Ang pagtaas ng bentahe ng Zoom, isang video conferencing app, gayundin ng iba pang produktong nage-engganyo ng birtwal na kolaborasyon sa loob ng kumpanya, mula nang lumipat sa remote na set up ang mga opisina ay patotoo rito. Bukod sa mga aplikasyong nakatuon sa pagtatrabaho nang naka-grupo, ginawa ring esensyal ng pandemya ang kakayahan ng taong ayusin ang sarili niyang oras, siguruhing siya, bilang indibidwal, ay may pagkukusa at disiplinang maging produktibo.
Ang pagtulak sa indibidwal na laging maging produktibo, sa labas o loob man ng opisina, ay pinalakas sa pag-usbong ng iba’t ibang aplikasyon. Nariyan ang Notion at Trello na nagbibigay ng mga roadmap at checklist para sa inaasikaso mong mga proyekto. Sinisiguro naman ng Harvest at Foca na nakapokus ka sa trabaho sa loob ng takdang oras sa pamamagitan ng pag-block sa ibang aplikasyon sa iyong selpon. Upang ganahan ka, nangangako ang Harvest na sa bawat minutong ginugugol mo sa trabaho ay may isang punong itatanim—produktibo ka na, nakatulong ka pa sa kalikasan.
May katangian ang mga app na nagmimistulang tinutulungan ka nitong paghiwalayin ang pagtatrabaho at personal na buhay sa pamamagitan halimbawa ng pagpatay nito sa notipikasyon mo sa gabi o pagbibigay sa iyo ng maliliit na break sa pagitan ng oras sa trabaho. Ngunit sa huli, maging ang partikularidad na ito ay nariyan para gawin kang mas produktibo. Hindi ka tatanggap ng notipikasyon, bibigyan ka ng saglit na pahinga upang ihanda ka sa susunod na siklo ng paggawa.
Walang linyang naghihiwalay sa pribado at sa trabaho, gayong ang personal na buhay ay nakatuon pa rin sa ating paggawa. Ito ang inilantad ng pandemya, at mas pinaintindi sa atin ng pakiramdam na ang buong buhay natin sa panahong ito ay umiikot na sa pagiging produktibo.
De-makinang Manggagawa
Bago ang pandemya, natatabingan pa ng mga day off o free time ang pakiramdam na isang makina lamang ang empleyado. May kakayahan siyang tila ihiwalay ang kanyang karakter sa produksyon, at sa mga panahong wala siya sa opisina, saka niya nararamdamang tunay siyang buhay. Ngunit ngayong nasa iisang espasyo ang personal at trabaho, at limitado ang kanyang paggalaw, wala siyang magawa kundi tuluyan nang tanggapin na ang kanyang paggawa ay personal na rin.
Mabigat ang pagpapahalaga ng mga industriya sa personal na produktibidad ng mga manggagawa. Ani, Drucker, dahil mas dumarami na ang knowledge worker sa US, kailangan nang baguhin ang istilo ng pagsubaybay sa kanila. Kung dati ay umaasa ang mga manggagawa sa mga kongkretong hakbang sa paggawa, binigyan na sila ngayon ng awtonomiya. Ilalatag lamang sa mga manggagawa ang mga layon o obhetibo, at sila na ang bahalang maging malikhain upang solusyunan ito. Ang mas malaking bigat sa pagprodyus, kung gayon, ay napunta na sa manggagawa. Nagresulta ito sa pagpapatampok sa personal na produktibidad, na siya namang pinapairal ng mga productivity app.
Ngayong mas numipis ang pwersa ng paggawa dahil sa krisis sa ekonomiya, nadagdagan ng dalahin ang mga empleyado. Upang punan ang mga naiwang pwesto ng mga sinibak na trabahador, itinulak ang mga natitirang magprodyus nang mas marami, gumugol ng mas mahabang oras sa trabaho. Kaya naman hindi nakapagtataka na parami nang paraming manggagawa ang nakakaranas ng lumulubhang kalagayan sa personal.
Sa isang sarbey na ginawa ng Harvard Business Review sa 1,500 katao mula sa 46 na mga bansa, kalakhan, 85 hanggang 89 porsyento, sa mga manggagawa ay nakaranas ng lumalang disposisyon—sa aspeto man ng mental at pisikal na kalusugan, maging sa lagay ng kanilang pagtatrabaho. Itinurong dahilan ng ilan sa kanilang problema sa mental health ang kawalan ng maayos na hangganan ng personal at trabaho, gayundin ang dumaraming kahingian ng kumpanya sa kanila.
Nauupos ang mga manggagawa dahil bukod sa bigat ng trabaho, pinapasan din ng manggagawa ang kumpetisyon ng lakas-paggawa sa merkado lalo ngayong kulang ang mga trabaho, at mas napapalitan na ng mga kompyuter ang mga manggagawa dahil sa paglipat sa remote na set up ng mga kumpanya. Sa ganang ito, kailangang parating pataasin ng manggagawa ang kanyang kasanayan, katalinuhan, at kagalingan upang matapatan ang kahingian ng merkado, ani Raya Duneyevskaya, teorista at isa sa mga kumatha sa ideya ng kapitalismo ng estado.
Nariyan palagi ang pangangailangan ng manggagawa na maipakitang kapaki-pakinabang siya. At upang mas tumaas ang kanyang bentahe, ginugugol niya ang lahat ng kanyang oras sa pag-aaral ng bagong abilidad, magpakahusay pa sa kanyang larangan.
Timeout
Ang tumataas na pagtangkilik sa mga productivity app, sa pagnanais na magkaroon ng kontrol sa oras upang tumaas ang produksyon, ay paglantad sa katotohanang nabubuhay na lamang ang manggagawa para bumalik sa kanilang mga opisina kinabukasan. Tila langis ito sa kakarag-karag nang manggagawa: Sinisiguro nito ang maayos at nagpapatuloy na produksyon sa kabila ng mga kalawang at dumi sa mga makina. Sa halip na gumastos ang mga tagapamahala ng kumpanya upang linisin at ayusin ang bawat parte ng organo, tinutulak nila ang kapasidad ng mga ito hanggang sa tuluyan na lang itong bumigay.
Ilusyon ang kontrol ng manggagawa sa oras gayong ang kumpanya, sa porma ng productivity app, ang siya pa ring nagdidikta sa kanyang gagawin. Walang ginuguhit na linya sa pagitan ng personal at opisina ang mga aplikasyon gayong wala naman talagang pagkakahiwalay—ang personal ay paggawa’t produktibidad.
Kung mayroon mang itinutulong ang mga app na ito, iyon ay ang pagpapakita sa manggagawa gaano kalawak ang kontrol at paano siya minamanduhan ng kanyang opisina kahit sa inaakala niyang personal na espasyo’t buhay. Ang pagkakabatid sa kasalukuyang kalagayan ang unang hakbang sa pagtulak ng pagbabago, kasunod dito ang pag-alam sa tunay niyang kapangyarihan at karapatan.
Ang manggagawa ang lumilikha at bumubuhay sa mga namamahala sa kanya, at kinokontrol lamang ng mga korporasyon ang kanilang oras at paggawa. Sa gayon, sa pagkakataong mapagpasyahan ng manggagawang siya na dapat ang kumontrol sa sariling panahon at produksyon, mangungupapa ang mga nasa kapangyarihan sa pagkawala ng kanilang lahat, dahil bawat isang bagay na mayroon sila ay nariyan dahil sa mga manggagagawa.
Walang masama kung maaga mong isara ang kompyuter, hindi sagutin ang tawag ng galit mong boss na hinihingi sa’yo ang mga imposibleng gawin—ikaw ang may hawak at may likha ng yamang tinitindigan nila, at may kapangyarihan kang kunin sa kanila iyon anumang oras. ●