Sa tuwing mayroong magandang nangyayari sa atin, madalas nating pinasasalamatan ang Diyos. Likas sa atin ang humalaw sa mga mabubuting modelo upang maisaayos ang takbo ng ating buhay at mailigtas tayo mula sa impyerno sakaling tayo ay mamatay. Bago pa natin tanggapin ang konsepto ng diyos, partikular iyong ipinakilala sa atin ng mga Espanyol, naniniwala ang ating mga ninuno kay Bathala at sa mga kaluluwang araw-araw na gumagabay sa mga tao.
Ngayong araw minamarkahan ang ika-500 anibersaryo ng kauna-unahang tagumpay ng Pilipinas laban sa Espanya dahil sa pagkapanalo ng kampo ni Lapu-Lapu, laban sa kampo nina Ferdinand Magellan, isang Portuges na manunuklas na naglayag sa Pilipinas upang maghanap ng rekado at marahas na gamitin ang relihiyon upang palawakin ang sakop ng Espanya.
Gamit ang mga armas at kapangyarihang mayroon si Magellan, sinigurado niyang may takot sa kanya ang ating mga ninuno upang mabago niya ang kanilang pagkakakilanlan at paniniwala, na tinutulan ni Lapu-Lapu sa pamamagitan ng pakikipagdigma sa Mactan, Cebu.
Tinapay at Alak
Sa pag-iral ng relihiyon, napagbuklod-buklod ang mamamayan upang magbigay ng pasasalamat at magsambit ng hinaing sa Diyos. Nagsilbi rin ang turo ng mga simbahan bilang gabay natin sa pagkilala ng kasalukuyang katotohanan sa lipunan. Noon pa man, nakasandig na ang moral natin sa mga itinuturo ng simbahan, dahil pinaniwala tayo na lahat ng nakasaad sa bibliya ay hango sa mabubuting gawi.
Kahit na anong impormasyon ay kaya nating paniwalaan lalo kung nagmumula ito sa simbahan, dahil nang sakupin tayo ng mga Espanyol, ayon sa manunulat ng Center for Global Education na si Jack Miller, pinaniwala ng mga Espanyol ang ating mga ninuno na kapag umanib sa Kristiyanismo ay masasagip sila mula sa dagat-dagatang apoy at masasamang espiritu sa lupa maging sa kabilang buhay.
Malaki ang naging impluwensya sa atin ng Kristiyanismo dahil ipinapamandila nito ang pag-respeto natin sa mga nasa katungkulan o sa mga nagbibitbit ng malalaking responsibilidad, at pag-respeto sa buhay ng isa’t isa. Noon pa man, ginamit na ng mga prayle at pamahalaan ng Espanya ang konseptong ito upang magbigay daan sa patagong pang-aabuso nila sa ating mga ninuno. Sa tatlong siglong pananakop ng Espanya, pinag-isa at pinagtibay ng Patronato Real ang samahan ng simbahan at pamahalaan ng Espanya.
Itinutulak ng Patronato Real ang isang bansa na mamili ng opisyal na relihiyon. Kung maging sa kasalukuyan ay nangyayari ito, maaaring gamitin ng pamahalaan ang aral na itinuturo ng simbahan sa pagpapasunod sa ating mga Pilipino sa kanilang mga kagustuhan kahit hindi na makatao ang mga ito. Maaari ring sa pamamagitan ng limos na ibinibigay natin sa simbahan, lumawak ang oportunidad ng pamahalaan sa pagnanakaw mula sa sambayanan.
Isang Katawan
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-500 na taon ng Espanya sa Pilipinas ay ang pag-alala ng mga Pilipino sa buhay, kinabukasan, at teritoryong ninakaw ng mga dayuhang mananakop mula sa atin. Tila nanumbalik tayo sa nakaraan dahil hindi nalalayo ang nararanasan natin noon sa ngayon. Daang taon din ang itinagal ng paglaban ng mamamayang Pilipino mula sa pang-aabuso at para sa pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Nang manalo ang Amerika laban sa Espanya, sa pamamagitan ng edukasyon, ninakaw nila ang tagumpay na pinaghirapan ng ating mga bayani. Itinatak ng Amerika sa isipan natin na sila ang dahilan kung bakit tayo nakawala mula sa tanikala ng kolonisasyon at pang-aabuso ng Espanya. Dahil din sa mga itinuro ng Amerika, maging ang ating kultura, ideya ng kalayaan, uri ng gobyerno, at konsepto ng mapayapang pakikipaglaban para sa karapatan ay naka-angkla sa kanilang kultura.
Ika ng mga Obispo sa Congo, hindi sasapat ang kapayapaang mababasa lamang sa iilang pirasong papel, dapat mayroong pananaliksik at pagkilatis sa ugat ng krisis na kinakaharap natin. Dagdag ni Pope Francis, ang kapayapaan ay imposibleng makamit hangga’t mayroong inaabuso at hindi pantay ang pagtingin natin sa isa’t-isa.
Noong ika-20 siglo, Ipinakilala ni Gustavo Gutierrez, isang Peruvian na pari, ang Liberation Theology. Kinikilala ang konseptong ito bilang gabay sa paglutas ng mga kakulangan at karahasang nagaganap sa lipunan. Naniniwala ang Liberation Theologians na ang mga naghihirap at pinahihirapan lamang ang lubusang makakaintindi sa bibliya dahil sila ang prayoridad ng Diyos.
Mas lumakas ang pagkilos ng Liberation Theologians noong 1970 sa Latin Amerika at naging kasa-kasama sila sa paglaban ng mga inaabusong mamamayan para sa karapatan at kalayaan. Taong 1990, sa ilalim ng panunungkulan ni Pope John Paul II, naghalal siya ng mga konserbatibo upang pigilan ang pag-unlad ng Liberation Theology dahil naniniwala sila na oportunidad ito upang kalabanin ng mulat na mamamayan ang simbahan.
Samantala, dapat salimbayan ang pag-intindi at pagsasapuso sa mga salita ng Diyos at inilalapat ito sa napapanahong pulitikal na sitwasyon ng bansa. Sa konteksto ng kasaysayan ng Pilipinas taong 1972, kasagsagan ng EDSA Revolution, binanggit ni Anton Pascual, isang pari, ng Radyo Veritas na maging ang pamilya Marcos ay mulat sa kabutihang nais ipalaganap ng simbahan, maging ang kapangyarihang taglay nito.
Kung aalalahanin, madalas sindakin ng administrasyong Marcos ang mga relihiyosong bumubuo ng Radyo Veritas dahil sa takot ng diktador na magmula ang katotohanan at pagpuna sa mga karahasang lumalaganap, sa isa sa mga pinaka-impluwensyal na sektor ng lipunan—ang simbahan. Hindi kalaunan ay tumigil ang Radyo Veritas sa operasyon, sa kabila ng pagpapalaganap nito ng mga salitang humihimok sa sambayanan na ibigin ang kapwa.
Isang Bayan
Ayon sa sipi mula sa bibliya, 1 Corinthians 13:4-5, ang pinakadakila sa lahat ng pag-ibig ay ang pag-ibig na ipapamalas natin sa ating kapwa. Ngayong kasagsagan ng pandemya, inilahad ni Pope Francis ang kanyang pagmamalasakit sa kapwa gamit ang kanyang ikatlong encyclical na tinawag na “Fratelli Tutti” sa Italiano, o sa Ingles ay “all brothers and sisters” nitong ika-3 ng Oktubre 2020, kasabay ng araw ni St. Francis of Assisi.
Layunin ng Fratelli Tutti na humango sa turo ni St. Francis of Assisi—solusyunan ang kasalukuyang mga krisis na kinakaharap ng mamamayan: bukod sa krisis pangkalusugan, dapat maging ang krisis panlipunan. Lahat ng ito ay bunga ng pananamantala ng mga pulitiko sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mamamayan ngayong pandemya, upang payabungin ang kanilang mga pansariling interes.
Binibigyang laya tayo ng Fratelli Tutti na pumili kung tayo ay mananatiling manhid at bingi sa hapdi at ingay na dulot ng pang-aabuso ng kasalukuyang administrasyon, o magiging mabuting samaritano tayo. Tulad ni Hesus, wala tayong ibang alternatibo kung hindi ibigin ang ating kapwa sa pamamagitan ng paglaban para sa kanila, kasama rin nila.
Nang sakupin tayo ng Espanya, inialay nina Padre Gomez, Burgos at Zamora, o mas kilala bilang GOMBURZA ang kanilang buhay para patunayan ang pagkadalisay ng kanilang pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng pagsiwalat sa mga pang-aabusong ginawa noon ng mga prayle. Gaya ng GOMBURZA, nariyan sina Nino Valerio, Carlos Tayag, Rudy Romano, Edgar Kangleon at Edicio Dela Torre na nakaranas din ng pang-aabuso ni Marcos, dahil naghayag sila ng malasakit sa kapwa sa pamamagitan naman ng pagpuna sa diktadurya.
Ngayong pandemya, hindi lingid sa ating kaalaman ang mga naririnig na balitang naglalaman ng patayan o hindi kaya pagkulong ng mga inosenteng mamamayan. Tila naging almusal, tanghalian, meryenda, at hapunan na natin ang mga ganitong uri ng balita. Kaya ngayon, puspusang kumikilos ang mamamayan kasama ng simbahang Katolika, sa pamumuna sa mga karahasan at kakulangan ng kasalukuyang administrasyon.
Totoong masalimuot ang naging pangunguna ng simbahan dahil nilangkapan ito ng pansariling interes ng mga mananakop noong mga nakaraang siglo, ngunit sa bawat panahong lumilipas ay mayroong pag-unlad, at sa bawat pag-unlad ay pag-abante. Mainam na paraan ng pagbabago sa loob ng simbahan ang pagbagtas sa mga salita ng Diyos at pag-uugnay nito sa kasalukuyang nangyayari sa lipunan at pagsasaayos nito.
Sa pagsusuma, ang tanging nais ni Hesus ay magkaisa ang mga tao, ayon sa isang bersikulo sa bibliya; intindihin at isapuso ang kanyang turo. Hindi lamang dapat manatili sa apat na sulok ng tahanan ng iba’t ibang sekta ang nagsusumigaw na kabutihang hasik ng bibliya, ngunit dapat itong isapraktika at gamitin upang mas ibigin pa ang kapwa nang sa gayon ay sama-samang malunasan ang matagal nang sakit ng lipunan. ●